Inday TrendingInday Trending
Kinuwestyon ng Isang Ale ang Mag-asawang Parehong Lalaki sa Kung Papaano Nila Palalakihin ang Kanilang mga Anak; Isang Babae ang Susupalpal Dito

Kinuwestyon ng Isang Ale ang Mag-asawang Parehong Lalaki sa Kung Papaano Nila Palalakihin ang Kanilang mga Anak; Isang Babae ang Susupalpal Dito

Day-off ni Victoria ngayon sa trabaho kaya napagdesisyunan niyang kumain silang mag-ina sa paborito nilang kainan mula noong siya’y bata pa.

“Matagal-tagal na rin, ‘nak, mula noong huli tayong kumain rito,” masayang wika ni Aling Patricia sa anak habang ang tingin ay iniikot sa buong paligid.

Ngumiti si Victoria saka iniyuko ang ina at magaang hinalikan sa may noo. “Masyado kasi akong naging abala nitong mga huling taon, ma, kaya hindi na kita nadadala rito. Palaging sa fast food na lang, kasi iyon lang ang mabilis na tumatatak sa isip ko kapag nagugutom na ang sikmura ko e,” natatawang paliwanag ni Victoria sa ina.

Maya-maya pa’y may kumuha na sa order nila at ilang minutong paghihintay ay dumating na rin sa harapan nila ang in-order nilang pagkain. Masayang kumakain ang mag-ina habang nagku-kwentuhan pabalik sa nakaraan. Nang biglang may nagsalitang babae sa harap ng kanilang lamesa.

“Sino ang mga magulang ng dalawang bata?” tanong ng ale sa katabing lamesa nila na ang kumakain ay dalawang batang tila kambal dahil magkaiba man ang kasarian ng dalawa’y magkamukhang-magkamukha ang mga ito. At dalawang lalaking sa kaniyang tantiya’y ka-edad niya lamang.

“Kami po,” magalang ma sagot ng isang lalaki. “Mag-asawa po kami,” dugtong nito saka matamis na ngumiti.

Kahit si Victoria ay nagulat sa inamin ng lalaki. Sabagay, hindi na rin naman kwestyonable ang bagay na iyon. Kung may kakayahan kayong magpakasal ay magagawa niyo ang bagay na iyon sa ibang bansa, dahil hindi pa legal ang bagay na iyon dito sa ‘Pinas. At kung may kakayanan kayong maging magulang, wala namang problema kahit pareho pa kayo ng kasarian.Nilingon ni Victoria ang usiserang ale na agad na nagtaasan ang kilay sa narinig na sinabi ng lalaki. Maya-maya’y ngumiwi ito na tila nandiri sa nalaman.

“Sa tingin niyo ba’y may mabuting kinabukasan ang dalawang bata sa poder ninyo?” tanong ng ale.

“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” tanong ng isang lalaki.

“Ang ibig kong sabihin ay pareho kayong lalaki, doon pa lang ay hindi na normal ang ginagawa niyo. Mahigpit na ipinagbabawal sa bibliya ang gan’yang relasyon. Sa tingin ninyong dalawa anong mabuting asal ang maituturo niyo sa mga bata gayong kayo mismo’y lumabag sa utos ng Diyos,” anito na tila minamata ang mag-asawang parehong lalaki.

“Hindi niyo sila kayang bigyan ng normal na pamilya, aminin na natin ang bagay na iyon. Kasi kayo nga’y hindi kayo normal. Kaya kung ako sa inyo’y ipaubaya niyo na lang ang dalawang nakakaawang bata sa kung saan pwede silang bigyan ng normal na buhay,” dugtong pa ng ale.

Tila na-iskandalong yumuko ang dalawang mag-asawa. Halata sa mukha ang inis, ngunit mariing pinigilan ang sariling mag-iskandalo, lalo na’t makikita ng dalawang bata. Ibubuka na sana ni Victoria ang kaniyang bibig upang kontrahin ang sinabi ng ale nang biglang tumayo ang kaniyang inang si Patricia saka nakapa-meywang na hinarap ang aling pakialamera.

“Alam mo bang wala naman talagang mali sa kanilang dalawa, kasi gusto lang naman nilang maging magulang sa mga batang iyan, kahit na ganyan ang pinili nila para sa sarili nila? At saka kung pareho man silang lalaki’y wala ka nang pakialam doon, dahil silang dalawa naman ang nagsasama at nagmamahalan. Alam mo ba kung ano ang mali?” mahinahon ngunit mataray na wika ni Aling Patricia.

“Ano?” mataray ring tugon ng ale, nakataas pa ang isang kilay.

“Iyang mga kagaya mo,” inis na wika ni Aling Patricia.

“Mga kagaya mong mapangmata’t mapanghusga. Kung kasalanan man sa Diyos ang ginagawa nilang mag-asawa’y Diyos na ang bahalang humusga sa kanila, hindi ka Diyos para pangunahan ang ginagawa nilang mali para sa’yo. Saka kung tinatanong mong may mabuti bang maidudulot ang mga kagaya nilang b@kla para tumayong mga magulang ay ako na ang nagsasabi sa’yong meron! Aanhin mo ang normal na relasyon kung may mga bata namang napapabayaan ng mga magulang? Bago mo sana sila kwestyunin, isipin mo muna sana kung ano ang ikakabuti ng mga bata. Mas gusto mo bang makita ang mga batang iyan na napapariwara ang buhay? Nagugutom at sa lansangan natutulog? Kung ako ma’y isang batang puslit, mas nanaisin kung magkaroon ng mga magulang na kagaya nila kaysa maging palaboy. At mas nanaisin kong magkaroon ng mga magulang na b@kla, kaysa magkaroon ng magulang na kagaya mong mapanghusga!” dere-deretsong supalpal ni Aling Patricia sa aling pakialamera.

Tila napahiya naman ang ale sa prangkang sinabi ni Aling Patricia, kaya tumayo ito at walang lingon-likod na lumabas sa gusaling iyon. Nakangiting tumayo naman si Victoria, habang pinapalakpakan ang ina.

“I’m so proud of you mother,” nakangiting wika ni Victoria.

“Hindi e, masyadong pakialamera,” inis pa rin na wika ni Aling Patricia.

Maya-maya pa’y tumayo naman ang mag-asawang b@kla saka lumapit sa gawi ni Aling Patricia upang magpasalamat sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanila.

“Walang anuman iyon mga hijo, ginawa ko lang ang sa tingin ko’y tama. Kasi kung nagkataong may mga anak rin akong kagaya niyo’y hindi ko rin mapapayagang gawin sa kanila ang bagay na ginawa ng aling iyon. Tandaan niyo na wala sa kasarian ang pagiging mabuting magulang. Nasa tamang pag-aalaga iyon at kung paano niyo mamahalin ang mga anak niyo. Huwag kayong magpa-apekto sa sasabihin ng ibang tao sa inyo. Basta wala kayong ibang naapakan at nasasaktan ay wala kayong kasalanan. Mahalin at alagaan niyo ang mga anak niyo,” nakangiting wika ni Aling Patricia saka nilingon ang dalawang batang matamis ring nakangiti sa kaniya.

Labis-labis na nagpapasalamat ng mag-asawa sa mag-inang sina Aling Patricia at Victoria. Tama ang sinabi ni Aling Patricia, wala sa kasarian ng isang tao ang sukatan kung magiging mabubuting mga magulang ba ang mga ito sa kanilang mga anak. Hindi tayo Diyos upang husgahan ang kapwa natin.

Advertisement