Nang Malaman Niyang May Malalang Sakit ang Batang Katabi ay Hindi Nagdalawang-Isip ang Binatang Tulungan Ito; Gumaling Pa Kaya ang Bata?
Habang hinihintay ang paglabas ni Doktor Hermosa ay umupo muna si Joseph sa bakanteng upuan ng ospital. Ayon kasi sa nurse na nakausap niya’y may ino-operahan pa raw si Doc Hermosa, kaya medyo matatagalan pa talaga ang paghihintay niya.
“Opo, ate, kaya ko na po ito kahit huwag ka nang pumunta dito sa ospital,” kausap ng kaniyang katabing bata sa selpon.
“Kaya ko na ito, ate, magtiwala ka sa’kin. Ilang beses ka nang nag-absent baka mamaya niyan ay tanggalin ka na ng amo mo, ‘pag nagkataon e paano mo na ako matutulungan sa pagpapagamot ko? Kapag naman hindi ko maintindihan ang sasabihin ni Doc Hermosa sa’kin, ipaparinig ko naman sa’yo mamaya ang irerecord kong pag-uusapan namin. Opo, sige na, ate. Mag-iingat ka d’yan,” anito saka ibinaba ang tawag saka lumingon sa gawi ni Joseph at matamis na ngumiti at muli ring ibinalik ang atensyon sa selpon at maya-maya’y itinago ito sa loob ng bag.
Sa tantiya ni Joseph ay nasa edad dose-anyos pataas lang ang batang lalaking ngayon ay tahimik na nakaupo sa kaniyang tabi at gaya niya’y inaabangan ang pagbukas ng pintuan ng opisina ni Doc Hermosa.
Sa kuryusidad ay hindi na napigilan ni Joseph na usisain ang batang lalaki. “Mag-isa ka lang boy?”
“Opo,” sagot nito.
“Anong sakit mo?”
Ngunit imbes na sagutin siya ng batang lalaki’y nanatiling nakatikom ang bibig nito saka tinitigan siya mula ulo pababa na animo’y iniisip kung karapat-dapat ba siyang pagkatiwalaan.
“Ah, ang totoo niyan ay gaya mo si Doc Hermosa rin ang sadya ko rito. Pero hindi dahil may sakit ako. May nais lang akong itanong sa kaniya tungkol sa lola ko, kaya nandito ako ngayon.”
“Gano’n po ba,” sagot nito na tila nakuntento sa simple niyang paliwanag. “Ano po ba ang sakit ng lola niyo, kuya?”
“Leukemia, ikaw anong sakit mo?”
Biglang lumungkot ang mukha ng batang lalaki saka sumagot. “Gano’n din po. Sabi ni Doc Hermosa, c@ncer of the blood daw ang tawag rito. Ang totoo’y wala po talaga akong naiintindihan sa sakit ko, pero sabi kasi ng ate ko, delikado raw ang sakit na ito. Kaya dapat daw ay magpagamot ako at sundin ang mga sinasabi ni doc para gumaling ako.”
“Bakit ang ate mo lang? Nasaan ba ang mga magulang mo?”
“Pareho na po silang wala. Ang sabi ni ate, si mama daw may sakit sa puso noong ipinagbubuntis niya ako. Hindi niya nakayanan no’ng ipinanganak niya ako kaya nam@tay siya. Si papa naman daw ay nagkasakit ng kagaya ko, kaso hindi siya nagpagamot kaya hindi siya gumaling. Kaya palaging sinasabi ng ate ko na hindi daw siya makakapayag na pati ako’y mawala kaya sinisikap ko na magpagamot, kahit nakikita kong nahihirapan na siya,” malungkot na kwento ng batang lalaki.
“Sabi ko nga sa ate ko kapag gumaling ako, pangakong hindi ko siya iiwan at magtutulungan kami. Sabi ng ate ko, sapat na sa kaniyang malamang magaling na ako, malaking bagay na raw iyon. Tapos gabi-gabi ko siyang nakikitang umiiyak, kaya siguro nga kuya, delikado talaga ang sakit na ito. Palagi akong nagpi-pray kay Lord na pagalingin niya ako kasi kawawa naman ang ate ko, iniwan na nga kami ng mama at papa namin, iiwanan ko pa siya. At saka kuya, gusto ko pang maging sundalo. Kasi ang astig nilang tingnan ‘di ba? Kaya sana gumaling na ako,” mahabang wika ng inosenteng batang lalaki.
Pakiramdam ni Joseph ay may pumigang kamay sa puso niya sa narinig na kwento ng batang lalaki. Ulilang lubos na pala ito at tanging ang ate nito ang sumusuporta sa pagpapagamot nito. Gusto niyang umiyak para sa magkapatid. Bakit may mga ganitong buhay sa mundong ito? Masyado nang masakit para sa kanila ang maagang naulila sa mga magulang kaya bakit kailangan pang magkasakit ng ganito ka delikadong sakit kung gayong wala nang ibang tutulong sa magkapatid.
Hindi napigilan ni Joseph na yakapin ang batang lalaki. “Gagaling ka boy, tama ang ate mo. Hindi ka pa pwedeng mawala kasi sobrang bata mo pa. Hayaan mo, tutulungan kita para gumaling ka. Labanan mo ang sakit na iyan, at alam kong magagawa mo iyon kasi malakas kang bata, gusto mo pa ngang maging sundalo ‘di ba? Gagaling ka, tutulungan kita,” mangiyak-ngiyak na wika ni Joseph.
Tumingala ang batang lalaki saka matamis na ngumiti kay Joseph at bumulong ng taos-pusong pasasalamat.
Gaya nang ipinangako ni Joseph ay personal niyang kinausap si Doc Hermosa, tungkol sa sakit ni Bryan at sa sakit ng kaniyang lola. Sinabihan niya ang doktor na sagot niya ang lahat ng kakailanganin ni Bryan tungkol sa pagpapagamot nito para gumaling. Nakilala niya ang bata sa pangalang si Bryan at tama ang kaniyang hinala na nasa dose-anyos pa lang ito. Nakilala na rin niya ang ate ni Bryan na si Bea na nasa labing anim taong gulang pa lang pero nagtatrabaho na para matustusan ang pagpapagamot ng kapatid.
Ang pagkahabag ni Joseph sa batang ulilang lubos at may sakit pang malala ay naging hudyat upang tulungan ito. Hindi naging madali ang lahat, dumating sa puntong tila nais na ni Bryan na sukuan ang sarili at tuluyang magpalamon sa sakit, ngunit dahil sa mahigpit na pakiusap ng kapatid nitong si Bea, ay patuloy itong lumalaban.
Isang taon at anim na buwan ang nakakalipas. Ang lola ni Joseph ay tuluyan nang sumuko sa sakit nito. Pero kahit gano’n ay masaya pa rin siya dahil nakikita niyang nagiging maayos na ang lagay ni Bryan.
“Kuya, magaling na raw po ako!” masayang balita ni Bryan kay Joseph.
Niyakap ni Joseph ang batang lalaki saka masayang nagsalita. “Sinabi ko naman sa’yo e. Gagaling ka, kasi tutulungan kita.”
Makalipas ang ilang araw ay tuluyan nang nakalabas sina Bea at Bryan sa ospital. Walang ibang hangad si Joseph kung ‘di ang maging normal ang buhay ng dalawang batang ulilang lubos. At salamat sa Diyos dahil dininig Nito ang mga panalangin nilang sana gumaling na nang tuluyan si Bryan. Walang kapantay na pera ang paggaling nito.
Salamat sa mga kagaya ni Joseph na handang tumulong kahit walang hinihinging kapalit. Hangga’t may kakayahan kang tumulong sa iyong kapwa, gawin mo’t Diyos na ang bahalang magbalik no’n sa’yo.