Mula Pagkabata ay Magulo na ang Buhay na Kinagisnan ng Dalaga; Malampasan Niya Kaya ang Lahat ng Pagsubok na Ibinato sa Kaniya?
“Uuwi ka na, Jane?” tanong ni Erick sa dalagang kasama sa trabaho.
“Oo e, panigurado kasing hindi pa natutulog ang lola ko. Gano’n kasi ‘yon kahit noon pa, hindi ‘yon napapakali kapag hindi pa ako nakakauwi,” pahapyaw na paliwanag ni Jane kay Erick.
“Kailan kaya kita maaayang makipag-date sa’kin, Jane?” malungkot at nakalabing wika ni Erick.
“Naku! Pasensya ka na talaga, Erick, sa ngayon mas mahalaga sa’kin ang lola ko kaysa kung sinuman,” aniya saka isinukbit ang backpack sa likuran. “Sige, Erick, bye,” paalam niya saka lakad takbong nagmamadaling lumabas sa tindahan upang makauwi na kaagad sa bahay nila.
Taon na rin ang lumipas mula no’ng nagparamdam sa kaniya si Erick ng pag-ibig sa kaniya. Maliban sa binata ay marami ang naghahangad na sana’y bigyan niya ng pansin at bigyan ng tsansang ligawan siya. Ngunit mariin niya iyong tinatanggihan.
Kaya na tsitsismis siyang t*bo dahil sa ugali niyang ayaw magpaligaw. Iniisip ng iba na baka kagaya niyang babae ang tipo niya. At tinatawanan lamang niya ang isyu na iyon dahil alam niya sa sariling purong babae siya, sadyang hindi pa lang talaga siya handa sa pag-ibig na iyan.
Pitong taong gulang pa lang siya’y ang kaniyang lola na ang nag-aalaga sa kaniya. Isang taon mahigit siya no’ng nam@tay ang kaniyang mama sa sakit sa puso. Mula noon ay nalulong sa dr*ga ang kaniyang ama, dahilan upang makulong ito. Naiwan siya sa kaniyang dalawang kuya na noong mga panahong iyon ay nasa labing siyam na taong gulang ang panganay nilang si John, habang labing limang taong gulang naman ang sumunod rito na si Jeffrey.
Nang hindi na makayanan ng kaniyang Kuya John ang alagaan siya’y ipinasa siya nito sa kaniyang tita, ang kapatid ng kanilang ina… na makalaunan rin ay namayapa dahil sa sakit rin sa puso. Kaya naibalik siyang muli sa pangangalaga ng kaniyang dalawang kuya.
Naging miserable ang buhay nila. Nalulong din sa dr*ga ang kaniyang Kuya Jeffrey, kaya nahuli ito’t nakulong kasama ang kanilang papa. Hindi na nakayanan ng kaniyang Kuya John ang lahat ng problema kaya tinapos nito ang sariling buhay, dahilan upang malipat siya sa pangangalaga sa kaniyang lola, ang ina ng kaniyang ama.
Mula noon ay ang lola na niya ang kaniyang naging pamilya. Paminsan-minsan ay dinadalaw naman niya ang kaniyang papa at kuya sa kulungan. Ngayong labing siyam na taong gulang na siya’y siya na ang nagiging bread winner sa kanilang pamilya. Naging matino na ang papa nila at kahit papaano’y kumikita ito sa pag-aayos ng mga sirang motor. Ang kaniyang Kuya John naman ay nagsisimula na ring magbagong buhay, kasama ang asawa’t anak na nakilala noong ito’y nasa piitan pa.
Ang kinikita niya at nang kaniyang papa ay hindi pa sapat para sa maintenance ng kaniyang lola kaya doble-doble ang ginagawa niyang kayod. Nagtatrabaho siya ng dalawang klaseng trabaho habang nag-aaral siya ng kolehiyo. Kaya totoong walang puwang sa buhay niya ngayon ang salitang love life.
“Anak, hindi ka naman namin pinagbabawalang mag-nobyo, kaya huwag mong isarado ang puso mo sa mga lalaking kumakatok dito,” kausap ng kaniyang ama sa kaniya.
“Oo nga naman, apo,” sang-ayon ng kaniyang abuela.
“Pa, lola, okay na ako sa buhay kahit wala na munang pag-ibig. Hindi naman ako nagmamadali e, masaya naman ako kahit kayo lang ang nakakasalamuha ko sa araw-araw. Hindi ko kailangan ng lalaki sa buhay, saka na iyan kapag natupad ko na ang lahat ng pangarap ko. Darating din ako d’yan,” natatawang wika ni Jane.
Mula noong isinilang siya sa mundo ay hindi na naging madali ang lahat para sa kaniya. Lahat na yata ng pagsubok sa buhay ay kaniya nang naranasan. Kung hindi lang malakas at matatag ang loob niya’y baka hindi na rin niya nakayanan ang lahat ng iyon.
Salamat dahil hindi siya iniwan ng Panginoong Diyos sa lahat ng labang ipinanalo niya. Kailanman ay walang pagsubok na hindi natatapos, minsan sadyang matagal at masakit ang proseso kaya madalas mapapaisip kang sumuko na lang, dahil pakiramdam mo wala ka nang malalabasan pa. Pero palagi mong tatandaan na walang permanente sa buhay. Lahat ng paghihirap at pasakit na nararasan ng isang tao ay pagsubok lamang at ito’y lilipas rin.
Palagi niyang hinihiling na sana pagdating ng panahon, matatapos rin ang ginagawa niyang prosisyon habang bitbit ang malaking krus sa balikat. Darating ang panahon na giginhawa ang buhay niya kasama ng kaniyang pamilya— at maaaring kasama ang kaniyang asawa’t magiging anak… sana.