Tuwing Gabi ay Matiyagang Nag-aabang ang Aso sa Labas na Tila Ba May Hinihintay; Nakakaantig Pala ang Kwento sa Likod Nito
Bagong sahod kaya nagdesisyon si Alma na dumaan sa isang sikat na kainang pambata upang bumili ng pampasalubong sa kaniyang tatlong pamangkin na sina Andrew, Sabel, at Jayred. Habang naglalakad patungo sa naturang gusali ay napansin niya ang isang asong nakaupo sa may pintuan habang nakatingin sa loob ng kainan na tila may hinihintay na tao sa loob.
Nagtataka man ay sinubukan niyang balewalain ang asong saglit na lumingon sa kaniyang gawi at muli ring bumalik ang tingin sa loob. Iniisip ni Alma na baka nasa loob ang amo nito kaya matiyagang naghihintay ang aso sa labas.
Isang oras din siyang nasa loob saka muling lumabas, ngunit laking gulat ni Alma na sa kaniyang muling paglabas ay naroon pa rin ang aso. Inikot ni Alma ang buong paningin sa loob ng kainan ngunit wala na halos tao dahil alas diyes na ng gabi. Sino ba ang hinihintay ng asong ito?
Hindi na nakatiis si Alma, nilapitan niya ang gwardiya upang tanungin kung sino ang asong hanggang ngayon ay nakatingin pa rin sa loob at tila may hinihintay na lalabas sa pintuan kung saan ito naka-pwesto. Bago sumagot ang gwardiya’y nilingon muna nito ang aso saka matamis na ngumiti. “Talagang suki na namin iyan rito si Bugoy, ma’am,” anito saka iniligpit ang log book na kanina’y sinusulatan.
Naguguluhan man si Alma ay pilit niyang inintindi ang sinabi ng gwardiya. “Ah, akala ko nanghihingi ng pagkain, bibigyan ko sana.”
“Kakain rin po iyan kung bibigyan niyo,” sagot ng gwardiya. “Noong unang nakita ko iyan si Bugoy ay maliit pa lang ‘yan, karga-karga ng amo niya. Paborito po talaga nila ng amo niya noon ang pumunta rito upang bumili ng pagkain, taga-d’yan lang po sa kantong iyan nakatira ang amo ni Bugoy,” anito habang itinuturo ang bahay ng may-ari ng aso.
“Isang buwan na ring nagpabalik-balik dito si Bugoy mag-isa, mula noong nagtrabaho sa Manila ang amo niyang si Kristina,” anito saka humakbang palapait sa asong ngayon ay agad na tumayo habang panay ang paikot sa buntot, tanda na kilala niya ang gwardiya. “Gawa ng trabaho ni Kristina, minsan na lang siyang nakakauwi rito sa probinsya. Siguro kapag namimiss niya si Kristina, pumupunta siya rito, nagbabakasakaling narito lang si Kristina at lalabas mula sa pintuang iyan. Kasi kapag nagsawa naman siya sa kakahintay ay kusa naman po siyang umuuwi sa kanila.”
Malungkot na nilingon ni Alma ang asong ngayon ay naglalambing sa gwardiya, ngunit paminsan-minsan ay sumisilip pa rin sa loob ng kainan. Hindi man nakakapagsalita ang aso, nararamdaman niya kung gaano nito kamahal ang among nagngangalang si Kristina.
“Kawawa naman pala si Bugoy,” tanging na sambit ni Alma.
“Kawawa ang Bugoy na iyan?” malambing na kausap ng gwardiya sa aso.
Maya-maya pa habang nag-uusap sila ng gwardiya ay may bigang dumating at tinawag si Bugoy. Agad namang tumakbo ang aso sa kinatatayuan ng ale at nagpa-ikot-ikot ito bilang paglalambing.
“Bugoy, nandito ka na naman pala ah. Nagpapasaway ka ba kay manong guard?” anang ale habang hinihimas-himas ang ulo ng aso. Tumahol naman ito bilang tugon sa tanong nang amo.
“Gaya pa rin po ng dati, Mrs. Perez, hindi naman siya nagpapasaway. Sadyang nagbabakasali lang siyang baka lumabas galing sa loob si Kristina,” sagot ng gwardiya.
Malungkot na ngumiti ang ale. “Kaya nga sinabihan ko si Kristina na umuwi muna kasi miss na miss na siya ng aso niya. Nangako naman ang anak ko na uuwi at kailangan lang niyang mag-file ng leave sa opisina nila. Kapag na-aprubahan ay tiyak na hindi na malulungkot itong si Bugoy.”
Agad namang sumilay ang ngiti sa labi ni Alma sa narinig na sinabi ng ale. Masaya siya para sa asong si Bugoy dahil malapit na ulit silang magkita ng pinakamamahal niyang amo.
“Sige na Bugoy magba-bye ka na kay manong guard. Sabihin mo bukas ulit ay bibisita ka rito,” natatawang wika ng ale.
Magaan namang tumawa ang gwardiya sa sinabi nito. Nang tuluyang makaalis ang ale at ang asong si Bugoy ay muli silang nag-usap nito tungkol pa rin kay Bugoy. Isang hamak na aso lamang si Bugoy pero ang simpleng kwento nito’y gumagawa ng malalim na tatak sa puso ng bawat taong makakarinig niyon.
“Mga aso lang sila, pero ang pagmamahal nila sa mga amo nila’y higit pa sa pagmamahal na kayang ibigay ng isang tao, ma’am. Si Bugoy talaga ang nagpa-realize sa’kin ng bagay na iyon. Kaya kapag may mga asong inaabuso ng mga tao’y nasasaktan ako. Kasi kay Bugoy pa lang, nakikita ko talagang may emosyon rin sila, hindi man natin maintindihan ang sinasabi nila’y nararamdaman kong para rin silang tao na nangangailangan ng pag-intindi,” anito.
Walang mahagilap na sasabihin si Alma dahil totoo ang sinabi ng gwardiya. Si Alma ang tipo na hindi mahilig sa aso dahil mas mahilig siya sa pusa. Pero sa kwentong narinig niya ngayon tungkol kay Bugoy ay parang gusto na rin niyang mag-ampon ng aso.
Sana nga ay umuwi na si Kristina, para maging masaya na ulit ang asong si Bugoy.