Balak Niya Sanang Sorpresahin ang Ama sa Kaniyang Biglaang Pag-uwi Ngunit Siya ang Nagulat Nang Wala Ito sa Bahay Nila; Isang Lihim Pala ang Itinatago Nito
Dalawang buwan na rin mula noong umalis si Jasper upang magtrabaho sa malayo. Bilang isang inhinyero ay kinakailangan niyang madestino sa malalayong lugar kung saan may oportunidad upang makapagtrabaho. Nagdadalawang-isip man ay wala siyang magawa, dahil paano niya masusuportahan ang ama kung hindi siya magtatrabaho?
“Maayos lang ako rito sa’tin anak. Hindi mo naman ako maaaring isama dahil hindi ka naman pupunta roon upang magbakasyon. Dalaw-dalawin mo lang ako’t masaya na ako roon,” nakangiting wika ng kaniyang amang si Mang Juan na ngayon ay nasa edad sitenta’y dos na.
Niyakap ni Jasper ang ama saka mahigpit na nangakong magpapadala tuwing siya’y sasahod upang may panggastos ang ama sa lahat ng mga pangangailangan nito. Bukod pa roon ay ipinagkatiwala niya ito sa kaniyang pinsang buo na may pamilya na upang kahit papaano’y may tumitingin-tingin sa ama.
Araw-araw niya namang tinatawagan ang ama upang kumustahin, kung kumain na ba ito, o nagmeryenda na ito, o ininom na ba nito ang mga kailangan nitong gamot. Matagal nang namayapa ang kanyang ina at siya lamang ang mag-isang anak ng mga magulang niya, kaya solo niya ang lahat.
Makalipas ang dalawang buwan mahigit ay nagdesisyon si Jasper na surpresahin ang ama. Hindi niya sinabi rito na uuwi siya, nais niyang makita ang magiging reaksyon nito kung biglaan siyang uuwi. Kanina habang sakay siya ng bus na maghahatid sa kaniya sa bayan nila’y tinawagan niya ito at kinumusta. Maayos lang naman daw ang lagay nito at kagigising lamang nito, kaya maghahanda pa ito ng makakain. Hindi man siya nasanay na tanghali na itong nagigising ay hindi na lamang niya inusisa pa ang ama. Tutal pauwi na rin naman siya.
Ngayon ay naglalakad na siya papunta sa bahay nila. Muli niyang tinawagan ang numero ng kaniyang ama at naka-ilang ring din muna bago ito sumagot.
“Kumain na kayo?” tanong niya.
“O-oo, anak, kumain na ako. Masarap ang niluto kong ulam, kasi nga’y tinanghali ako ng gising. Sa katunayan ay kakatapos ko lang kumain,” masiglang wika ng ama sa kabilang linya.
“Very good naman iyan,” nakangiti niyang tugon. “Ano na ang ginagawa mo ngayon?”
“I-ito… nagpapahangin sa labas,” sagot nito dahilan upang magsalubong ang kilay ni Jasper.
Wala naman siyang nakikitang tao sa labas ng bahay nila, maliban sa mga pusang may kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan.
“Huwag ka na kasing mag-alala sa’kin, Jasper, maayos naman ang lagay ko rito. Ikaw ang mag-iingat d’yan kasi wala ako d’yan, walang mag babantay sa’yo at walang nag-aalaga sa’yo. Sabi ko naman sa’yo e, dapat mag-asawa ka na para may mag-aalaga na sa’yo,” sermon nito.
Mas lalong nagsalubong ang kilay ni Jasper nang makitang naka-kandado ang bahay nila. Nasaan ang kaniyang ama? Bakit nagsisinungaling ito sa kaniya?
“Nasaan ka ngayon, papa?” muling tanong ni Jasper sa ama.“Nandito nga lang ako sa bahay— ahh, teka lang, anak. Tinatawag ako ni kumpareng Celso, tawag ka na lang mamaya ah. Mukhang may mahalagang sasabihin sa’kin si kumpare,” anito saka pinutol ang tawag nila.
Mas lalong kinabahan si Jasper dahil walang katao-tao sa bahay nila. Tinitigan niya ang kainan ng mga pusa at mukhang bagong lagay naman ang mga pagkain nito. Pero wala talagang katao-tao sa bahay nila. Nasaan ba ang ama niya?
Dumiretso siya sa bahay ng kaniyang pinsan at ang naabutan doon ang asawa nito. Hinintay niyang makauwi ito upang hingin ang paliwanag nito sa kung ano ang totoong nangyayari sa kaniyang papa.
“Kuya, ayaw kasi ni tiyo na sabihin ko sa’yo ang totoo niyang lagay e. Nalaman ko lang din noong binabantayan ko na siya. Bigla na lang kasi siyang hinimatay, sa taranta ko’y isinugod namin siya agad ni Herbert sa ospital, doon ko nalaman na may sakit pala siya sa baga, stage 3 na. No’ng sinabi kong sasabihin ko sa’yo’y mariin niya iyong tinutulan. Ayaw ka niyang mag-alala, kasi alam niyang hindi ka mapapakali at uuwi ka kaagad kapag nalaman mo ang totoong lagay ng kalusugan niya. Patawarin mo ako, kuya, kung itinago ko sa’yo,” tumatangis at nakikiusap na wika ni Niña.
Hindi napigilan ni Jasper ang mapahagulhol sa rebelasyong inamin ng pinsan. Matagal na niyang nakakasama ang ama pero ni minsan hindi niya napansin na may dinaramdam itong lihim na sakit. Kung hindi pa siya lumayo at hindi pinatingnan sa iba ang ama’y hindi niya malalaman na may malalang sakit na pala ito.
Kinagabihan ay dinalaw niya ang ama sa ospital kung saan ito naka-confine. Sa pintuan pa lang ay hindi na napigilan ni Jasper ang pag-agos ng kaniyang mga luha sa nakitang itsura ng ama.Bakit ngayon lang niya napansin ang sobrang pangangayayat nito? Bakit hindi man lang niya napansin ang bagay na iyon noong magkasama sila? Ang laki na pala talaga nang ipinayat ng kaniyang ama, akala niya’y normal lang iyon dala ng katandaan.
“Jasper, anak, patawarin mo ang papa kung hindi ko agad nasabi sa’yo ang buong katotohanan,” tumatangis na wika ng ama niya. “Ayaw ko lang na dagdagan ang problemang pinapasan mo. Mula noong nam@tay ang mama mo’y naging responsableng bata ka na. Ayokong isipin mo na anumang oras ay iiwanan din kita gaya nang pang-iiwan sa’tin ni mama mo, kaya mas pinili kong sarilihin ang sakit kong ito,” paliwanag ni Mang Juan sa anak.
Mas lalong humagulhol ng iyak si Jasper, hindi na niya kaya pang magsalita. Niyakap na lamang niya ang kaniyang ama at sa bisig nito siya nagpatuloy ng iyak. Isipin pa lang niyang anumang oras ay iiwan rin siya nito’y hindi niya kinakaya.
Mula noong nalaman ni Jasper ang totoong estado ng kalusugan ng ama ay sinikap niyang alagaan ito. Kung noong hindi pa niya alam ay buwan ang lumilipas bago siya umuwi sa bahay nila, ngayon ay linggo-linggo siyang umuuwi upang siguraduhing naaalagaan niya ito nang maayos.
Hindi niya alam kung kailan babawiin ng Panginoong Diyos ang buhay ng kaniyang Papa Juan, kaya hangga’t maaari ay sinisikap ni Jasper na magkaroon ng oras sa ama habang buhay pa ito at kapiling pa niya. Ginto kung ituring ni Jasper ang bawat minuto na kapiling pa niya ang kaniyang pinakamamahal na ama. Lahat ay gagawin niya upang maging masaya at mapayapa ang mga nalalabing oras nito sa lupa.