Pinagtawanan ng Lahat ang Babaeng Nanghihiram Lamang ng Lipstick at Pulbo sa mga Kasamahang Aplikante; Nagulantang ang Lahat nang Malaman Kung Sino Talaga Ito
Alas singko pa lang ng umaga ay gising na si Lovi, ngayong araw ang nakatakda ang kaniyang interview sa inaplayang trabaho. Mamayang alas diyes pa naman iyon, ngunit kailangan niyang bumiyahe nang maaga upang kahit papaano’y hindi siya mahuli ng dating sa araw na iyon.
Mula noong nagtapos siya sa kolehiyo taong 2019, ito pa lang ang unang beses na nag-apply siya ng trabaho at ito rin ang unang karanasan niya kung paano ang ma-interview. Kaya kinakabahan siya’t hindi malaman kung ano ang mga dapat niyang gawin.
Gaya ng nakaplano ay maaga siyang dumating sa lugar kung saan siya pinapapunta ayon sa natanggap niyang text at halos mawalan siya ng ulirat sa nakitang matayog na gusali. Sa isip niya, tiyak na mayaman ang may-ari ng gusaling iyon. Hindi kataka-taka kung bakit ang ganda ng mga ino-offer nilang benepisyo.
“Miss Lovi Arellano?” tanong ng magandang babae na nasa information desk.
Matapos niyang kumpirmahin ang mga itinanong nito ay agad siyang itinuro ng babae sa isang eksklusibong silid na kagaya niya’y may mangilan-ngilang aplikante na rin ang naghihintay. Ang iba’y hindi kagaya niyang kabado, relax na relax lamang tingnan at hindi man lang mababakasan ng kahit anong kaba.
Isang oras na rin siyang naghihintay sa loob at may mangilan-ngilan na ring nadagdag sa mga aplikante, halos nasa bilang labing anim na silang lahat. Nang muling bumuka ang pinto ng silid ay iniluwa ang simpleng babae. May bitbit din itong clear envelope at maliit na shoulder bag. Walang kolorete ang mukha at simpleng-simple lamang ang suot na damit.
“Hi girls, pwede ba akong makahiram ng pulbo at lipstick? Sa kakamadali ko kasi kanina ay nakalimutan ko nang dalhin ang mga bagay na iyon. Pwede ba? Nakakahiya lang kasing humarap sa iba na ganito ang mukha,” anito saka tila nahihiyang ngumiti.
Agad namang nagtawanan ang ilan sa loob dahil sa sinabi ng babae. Habang si Lovi ay labis na nagtataka sa nangyayari. Wala namang nakakatawa, pero bakit sila nagtatawanan?
“Hindi na namin kasalanan iyon kung wala kang dalang kahit lipstick man lang. Hindi kami nandito para magpahiram ng personal na gamit, nandito kami para mag-apply ng trabaho,” mataray na wika ng babaeng nakapulang damit.
Muli na namang umalingaw-ngaw sa buong silid ang tawanan ng iilan.
“Alam mo, dapat palagi kang handa sa labanan, kung isa kang sundalo malamang kanina ka pa tumihaya d’yan at wala nang buhay. Huwag kang umasa sa mga kasama mo, lalo na’t hindi mo naman sila kaibigan at kakilala. Sa panahon ngayon mahirap nang magpahiram, baka mamaya’y may sakit ka pang hindi namin alam,” segundang pagtataray ng isa pang babae.
“Maganda ka pa naman sana miss, kaso lang hindi ka man lang handa. Alam mong may interview ka, hindi mo man lang inihanda ang sarili mo. D’yan pa lang bagsak ka na,” wika ng isang lalaking nakaupo sa dulo ng mesa.
Muli’y humagalpak na naman ang nakakalokong tawanan sa loob ng silid. Ang saya-saya ng ibang mang-apak at mang-insulto ng kapwa nila. Kung tutuusin ay pare-pareho lang naman silang nangangailangan ng tulong, bakit hindi na lang magtulungan? Sa inis ay malakas ang boses na nagsalita si Lovi, saka marahang hinila ang babaeng napahiya na sa kaniyang tantiya’y ka-edad niya lang.
“Halika rito, miss. Mayroon akong lipstick at pulbong kailangan mo. Hayaan mo na ang sinasabi nila, ang mahalaga’y maayos ang mukha natin pagdating ng taong mag-iinterbyu sa’tin,” ani Lovi saka inabot sa babae ang pulbo’t lipstick.
Marami ang nainis sa ginawang pagtulong ni Lovi at may mangilan-ngilan na patuloy pa ring nagtatawanan. May iilan naman na ayaw madamay sa kantiyawan kaya nanahimik lamang at tila walang nakita’t narinig sa nangyari.
Matapos nitong ayusin ang sarili’y agad itong naglakad sa harapan at umupo sa pinakaunahang bahagi ng mesa at ngumiti sabay isa-isang inilabas sa dala nitong folder ang lahat ng mga resumé nila.
“Hi, good morning everyone. Una sa lahat bago ko kayo isa-isahing interbyuhin, nais ko munang ipakilala ang aking sarili… Ako nga pala si Ms. Jennyfe Pontefino, ang bunsong anak ni Mr. Robert Pontefino, ang may-ari ng Pontefino Building,” nakangiting pakilala ng babaeng kani-kanina lang ay pinagtatawanan ng lahat.
Rinig na rinig sa buong silid ang malakas na pagsinghap ng iilan sa nangyari. Hindi nila kailanman naisip na ang babaeng kanilang kinantyawan at sinabihan ng hindi maganda kani-kanina lang ay siya pa lang may-ari ng gusaling iyon!
Hindi man inaasahan ni Lovi ang swerteng dadapo sa kaniya sa araw na iyon ay laking pasasalamat niya dahil pinalaki siya ng kaniyang mga magulang na pantay-pantay ang tingin at turing sa lahat. Nakuha ni Lovi ang trabahong matagal na niyang pinangarap, salamat sa babaeng kaniyang tinulungan.
Huwag maging mapagmataas, hindi lahat ng tao’y kilala mo. Hindi mo alam na ang taong nilalait mo’y mas nakakataas pa pala sa’yo.