Mula Nang Sumama sa Ibang Lalaki ang Ina, Siya na ang Tumaguyod sa Kaniyang mga Kapatid; May Pag-asa Pa Bang Sumaya ang Kanilang Pamilya?

Mula Nang Sumama sa Ibang Lalaki ang Ina, Siya na ang Tumaguyod sa Kaniyang mga Kapatid; May Pag-asa Pa Bang Sumaya ang Kanilang Pamilya?

FamilyHeartbreakingStories

Pagod na pagod ang buong katawan ni Marian galing sa maghapong trabaho. Nag-inventory kasi sila kaya halos lahat ng trabahante ay naging masyadong abala. Gusto na lamang niyang mahiga at matulog kaysa kumain pa.

“Mamá, sa tabi lang po,” aniya sa drayber ng sinasakyang jeep.

Agad naman itong huminto at bumaba siya. Kailangan pa niyang maglakad ng ilang kilometro bago makarating sa bahay nila. Malapit na siya sa bahay nila nang marinig niya ang malakas na boses ng nag-iiyakan. Agad siyang naalerto sa narinig! Ano na naman ba ang nangyari? Bakit humahagulhol sa iyak ang kaniyang mga kapatid? Ang pagod na naramdaman kani-kanina lang ay agad na nawala. Mabilis siyang tumakbo at ngali-ngaling binuksan ang gate ng bahay nila.

Naabutan niya ang tatlong kapatid na magkayakap habang sabay-sabay na nag-iiyakan. Habang nasa may bungad ng pintuan ang kaniyang ama, pinagagalitan ang kaniyang mga kapatid.

“Anong nangyayari rito!?”

“Ate,” sabay-sabay na sambit ng tatlo niyang kapatid saka tumakbo sa kaniyang kinatatayuan at muling nagpatuloy sa pag-iyak.

“Pagsabihan mo iyang mga kapatid mo, Marian! Habang lumalaki ang mga ‘yan ay nawawalan ng modo!” galit na wika ng kaniyang ama na halatang nakainom na naman sa klase ng pananalita.

Salubong ang kilay na nilingon ni Marian ang ama saka nagsalita. “Bakit, ano ba ang ginawa nila para sabihin mong nawawalan na sila ng modo?”

“Sinabi ko sa mga kumpare ko na babalik pa ang mama niyo. Alam kong babalik pa ang mama niyo, nararamdaman ko iyon. Kaso itong si Marion, padabog na nagsalita saka sinabing kung babalik si Silvia, sana noon pa! Bakit ba pinapangunahan niyo ang mama niyo? Babalik siya at mahal niya tayo— mahal niya ako!” giit nito dahilan upang mas lalong magsalubong ang kilay ni Marian.

“Anong ginawa niya sa inyo?” tanong ni Marian sa tatlo.

“Pinalo niya po kami, saka si Kuya Marion, pinaluhod niya sa asin,” sumbong ni Meme, ang bunso.

Sa narinig, pakiramdam ni Marian ay umangat ang sungay niya sa ulo. Dahil lang pangsosopla ni Marion sa ama’y grabe na ang ginawa nito sa mga kapatid niya. Nanlilisik ang mga matang tinitigan niya ang kanilang ama saka inutusan ang mga kapatid na pumasok sa loob ng kanilang silid.

Nang tuluyang makapasok ang tatlo ay saka niya hinarap ang amang ngayon ay tumutungga na naman ng alak. Mula nang umalis ang mama nila’y naging ganito ang kaniyang papa. Nilulunod nito ang sarili sa alak at kapag langong-lango na’y iiyak at matutulog. Kinabukasan ay gano’n ulit. Ang alak na ang naging karamay nito mula noong sumama sa ibang lalaki ang kanilang ina.

“Tama naman ang sinabi ni Marion na malabo nang bumalik pa si mama. Bakit kailangan mo silang paluin nang gano’n?” pigil ang inis na kausap ni Marian sa ama.

Nilingon siya nito saka pagak na tumawa. “Iyon ang iniisip niyo Marian, pero iba ang paniniwala ko! Mahal tayo ng mama mo at mahal na mahal niya ako kaya alam ko! Alam kong babalik siya!”

“Kung talagang babalik siya, sana noon pa! Sampung taon ako no’ng umalis ang mama, ilang taon na ako ngayon? Bente-singko na ako, pero nasaan siya? Nandito ba siya?!” singhal niya sa ama. “Nasaan siya? Nandoon siya sa bago niyang pamilya! Sa pamilyang pinili niya kaysa sa’tin! Kaya pwede ba papa, huwag ka nang umasang babalik pa si Silvia, dahil kung talagang mahal niya tayo, hindi niya tayo iiwan para sumama sa ibang lalaki!”

Isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang mukha. Sinampal siya ng kaniyang ama, dahil sa kaniyang mga sinabi.

“Kahit anong mangyari, Marian, siya pa rin ang mama niyo! Kaya wala kang karapatang sabihin iyan sa kaniya!”

“Oo! Siya ang nanay namin, pero nasaan siya noong mga panahong may sakit ang mga kapatid ko? Nasaan siya no’ng itinakbo kong mag-isa si Meme sa ospital noong nagka-dengue?! Nand’yan ka, pero mas hinaharap mo ang alak kaysa ang alagaan kaming mga anak mo. Sampung taon lang ako, pa, no’ng umalis si mama. Pero mula noong umalis si mama ay ako na ang umakong ina at ama sa mga kapatid ko! Nasaan kayo habang nagpapakahirap akong itaguyod ang tatlo kong kapatid? Nasaan si Silvia, noong kailangan ng mga kapatid ko ang isang ina? Nasaan si Silvia noong mga panahong hindi ko na kaya?!” tumatangis niyang sambit.

“Kung talagang babalik pa siya, bakit inabot sa ganito kahabang panahon?” dugtong ni Marian habang humahagulhol.

Natulala naman ang kaniyang ama sa lahat ng sinabi ni Marian. Ang tagal niyang kinimkim sa sarili ang lahat ng poot sa sarili niyang mga magulang. Matagal niyang iniintindi ang ama na pinabayaan sila dahil patuloy pa rin itong umaasa na babalik ang ina nilang matagal na silang itinakwil.

“Pagod na pagod na ako, pero nagpapatuloy ako kasi iniisip ko kayo ng mga kapatid ko. Kapag pati ako ay sumuko, paano na tayo? Inako ko ang obligasyon niyo sa’min pa, pero sana naman… tigilan niyo na ang kakaasa na babalik pa si mama,” nakikiusap niyang sambit. “Napapagod rin ako… Kailangan ko naman ng tulong mo!” aniya saka mahinang humakbang patungo sa kaniyang silid at doon ipinagpatuloy ang pag-iyak.

Naiwan si Marvin na nakatulala at nag-iisip, saka maya-maya ay humagulhol ng iyak sa mga realisasyong nag-unahan sa kaniyang isipan. Tama si Marian, dahil sa pagka-desperado niya noong umalis si Silvia ay nakalimutan niyang may mga anak pala siyang kailangan niyang alagaan at buhayin.

Maagang nagising si Marian sa araw na iyon dahil maaga ang schedule ng trabaho niya ngayon. Siya ang nakatokang magbukas ng tindahan. Mabilisan ang kaniyang bawat galaw, dahil kailangan pa niyang magluto upang may babaunin at para na rin may kakainin ang kaniyang mga kapatid. Nang sa kaniyang pagbaba ay nakita niya ang kaniyang amang si Marvin na abala sa pagluluto.

“Ate, halika na kain na tayo, maagang nagising si papa para magluto,” masayang wika ni Meme.Nananaginip lang ba siya o totoo itong nakikita niya? Dalawang Linggo na rin ang lumipas mula noong naglabas siya ng sama ng loob sa ama. Ang papa nila— nagluluto? Ang huling beses na natatandaan niyang nagluto ang papa nila’y noon pang buo ang pamilya nila.

“A-anong nangyayari?”

“G-gusto ko lang bumawi sa inyo sa mga panahong pinabayaan ko kayo, anak,” nakayukong wika ni Marvin sa anak. “Tama ka Marian, mula noong iwan tayo ng mama mo’y kasama niyang dinala ang buong pagkatao ko. Naging mahina ako at nakalimutan kong dapat pala akong maging malakas kasi may mga anak akong kailangan ako. Patawarin mo sana ako, Marian— mga anak. Pangako, simula ngayon ay itutuwid na ni papa ang lahat ng pagkakamaling nagawa ko,” mangiyak-ngiyak na wika ni Marvin.

Agad namang tumayo ang tatlo niyang kapatid saka niyakap ang ama. Sana nga’y hindi panaginip lang ang nangyayari. Dahil masayang-masaya siya ngayong nakikita ang amang nakakausad na mula sa pang-iiwan ng kanilang ina.

“Salamat papa,” aniya saka nakisaling makiyakap dito.

Hindi por que iniwanan ka ng iyong asawa’y doon na titigil sa pag-ikot ang mundo, isipin mong may mga anak ka at kailangan nila ang kalinga’t pagmamahal mo.

More Stories