Tila Gumuho ang Mundo ng Isang Ama Nang Namayapa ang May Sakit na Anak; Isang Pagkain ang Magpapaalala ng Lahat sa Kaniya

Tila Gumuho ang Mundo ng Isang Ama Nang Namayapa ang May Sakit na Anak; Isang Pagkain ang Magpapaalala ng Lahat sa Kaniya

HeartbreakingLoveStories

Naglalakad si Mang Alfonso, na tila hindi man lang nakakaramdam ng pagod. Kanina pa siyang naglalakad mula sa sementeryo at sa kung saan man siyang dinala ng kaniyang mga paa ngayon. Pagod na siya ngunit ayaw niya pa ring tumigil. Gusto niyang humagulhol ng iyak, ngunit tila ubos na ang luha sa kaniyang mga mata. Wala nang luhang lumalabas mula rito, pero naninikip pa rin ang puso niya sa sakit.

Nang makakita siya ng mauupuan ay nagdesisyon siyang umupo saka inilabas ang bag na kulay asul at may naka-imprintang cartoon character sa harapan. Iyon ang paboritong shoulder bag ng kaniyang anak na si Wilson noong nabubuhay pa ito. Muli namang sumikip ang kaniyang dibdib nang maalala ang anak.

Tumingala siya sa kalangitan upang pigilan ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Ayaw niyang magmukhang tanga sa karamahin, umiiyak kahit wala namang dahilan. Muli na sana siyang tatayo upang magpatuloy sa paglalakad… pauwi. Oo nga pala. Hindi niya alam kung nasaan na siya ngayon.

Magsisimula na sana siyang maglakad nang may biglang tumawag sa kaniyang pangalan, dahilan upang mapalingon siya sa pinangagalingan ng boses nito.

“Mang Alfonso,” tawag nito sa pangalan niya. “May ibibigay po sana ako sa inyo,” anito.

Pamilyar sa kaniya ang mukha ng binatang lalaki, ngunit hindi niya matandaan kung saan niya ito nakilala. Iniabot ng binata ang isang maliit na stuffed toy na hugis isda at isang plastik na baunan na may lamang pagkain.

“Ako po si Joshua, matalik na kaibigan ako ng anak niyong si Wilson, ibinabalik ko na po sa inyo ang laruang ipinahiram ni Wilson sa’kin noon. Ang sabi niya kasi’y galing daw iyan sa inyo. Ibinigay mo iyan upang maalala ka niya palagi at maging inspirasyon na kailangan niyang labanan ang sakit niya. Kagaya ng isda, habang may tubig ay may pag-asang makalangoy,” paliwanag ni Joshua.

“At iyang pagkain naman po ay binili ko pa doon sa paboritong kainan na palagi niyong kinakainan noon ni Wilson sa tuwing magkasama kayo. Kanina ko pa po kayo sinusundan at alam kung kagaya ko’y hindi pa rin kayo kumakain,” dugtong nito saka ipinakita ang isa pang baunan.

Tinitigan ni Alfonso ang mga bagay na ibinigay ni Joshua sa kaniya. Pakiramdam niya’y parang hinihiwa ang kaniya puso sa sakit dahil sa mga alaala ni Wilson. Muli siyang umupo saka binuksan ang baunang ibinigay ni Joshua upang magsimulang kumain, kagaya niya’y gano’n rin ang ginawa ng binata.

Limang taon si Wilson nang maghiwalay sila ng ina nito. Hiwalay man sila ni Wennie, nanatili ang pagiging ama niya sa anak. Walong taon ito nang malaman nilang may kidney failure si Wilson. Mula noon ay nagpabalik-balik na ito sa ospital upang magpagamot. Habang lumalaki si Wilson ay naging parte na nang buhay nito ang ospital.

Kaya kapag hinihiram niya si Wilson noon ay sinisiguro niyang magiging masaya ang anak. Labing dalawang taon ito nang sinabi ng doktor na nalalabi na lang ang araw nito sa mundo. Nagalit pa siya noon, kasi anong karapatan ng isang doktor na taningan ang buhay ng anak niya?

Tatlong taon din ang lumipas saka tuluyang ginapo ng malala niyang sakit si Wilson at tuluyan nang nawalan ng buhay. Kakalibing lamang nila kaninang umaga sa katawan ni Wilson kaya sariwa pa ang sakit na nararamdaman ni Alfonso.

Hindi niya namalayang habang kumakain siya’y panay na rin ang agos ng mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Naramdaman niya ang kamay ni Joshua sa kaniyang likuran na marahang tinatapik ito upang pakalmahin siya. Ngunit imbes na kumalma’y mas lalo siyang humagulhol ng iyak.

Si Joshua at si Wilson ay halos magka-edad lamang, kung wala lang sanang sakit ang anak niya, baka hanggang ngayon ay kasama pa rin niya ito. Nagtatawanan habang kumakain ng paborito nilang pagkain.

Hindi man siya naging mabuting asawa kay Wennie, alam niyang naging mabuting ama siya kay Wilson. Doon niya ibinuhos ang lahat ng pagmamahal niyang hindi niya naibigay ng buo sa dating asawa. Mas lalo niyang minahal si Wilson noong nalaman nilang may malala itong sakit. Kaya ang sakit lang isipin na kay bilis lamang ng buhay ni Wilson dito sa mundo.

“Tahan na po, Mang Alfonso, alam kong kapag nakita kang ganyan ngayon ni Wilson ay malulungkot din iyon. Mahal na mahal ka ng anak niyo at saksi ako sa pagmamahal niya na iyon sa’yo. Kaya niyo po iyan. Para kay Wilson, kayanin niyo po…” mahinang wika ni Joshua, habang tinatapik ang likuran ni Alfonso.

Nagpatuloy siya sa pag-iyak habang nasa tabi niya ang matalik na kaibigan ng anak. Sa ngayon ay hindi pa alam ni Alfonso kung paano ulit sisimulan ang buhay na wala na ang pinakamamahal na anak. Sa kabilang banda’y nagpapasalamat pa rin siya dahil alam niyang hindi na nahihirapan si Wilson sa kung nasaan man ito naroroon ngayon.

Tunay ngang walang kapantay na salita ang sakit na nararamdaman ng isang magulang na nawalan ng anak, dahil hindi niya kayang bigyang salita ang pagkadurog ng puso niya sa mga oras na ito. Alam niyang darating din ang araw na tuluyan niyang matatanggap ang pagkawala ng kaniyang anak, panahon na lamang ang makapagsasabi kung kailan. Isang bagay lang ang sigurado niya ngayon, habambuhay na mananatili si Wilson sa puso niya.

More Stories