Labis ang Naging Iyak ng Binata Nang Ipagbili ng Kaniyang Itay ang Kanilang Kalabaw; Tuluyan na Ba Silang Magkakawalay ng Kaniyang Alaga?

“Sigurado na po ba talaga kayo, tatay, na ibebenta niyo si Kalamansi?” malungkot na tanong ni Jayred sa amang si Mang Teban. Ang tinutukoy nitong Kalamansi ay ang paboritong kalabaw ng ama.

Malungkot na tumango si Mang Teban saka tumingin sa kalangitan. “Kung ako’y may pagpipilian lamang, anak, hinding-hindi ko ipagbibili si Kalamansi. Alam mo kung gaano ko kamahal ang batang kalabaw na iyan, pero kung hindi ko ito gagawin, paano gagaling ang nanay mo?” malungkot na wika nito saka naglakad pabalik sa bahay nila.

Walang nagawa ang binata sa naging desisyon ng ama sa paborito nilang kalabaw. Kinailangan nilang gawin iyon upang ma-operahan ang kaniyang inang may sakit na bre@st c@ncer.

Humakbang si Jayred palapit kay Kalamansi, saka niyakap ito at marahang kinausap. “Patawarin mo sana kami, Kalamansi, kung kinailangan ka naming isakripisyo upang maipagamot si nanay,” mangiyak-ngiyak na kausap ni Jayred sa alagang kalabaw. “Tandaan mo, Kalamansi ah, na mahal na mahal ka ni kuya, sadyang wala lang talaga kaming mapagpipilian ni tatay,” dugtong niya saka tuluyang pinakawalan ang luhang kanina pa nais kumawala.

Pinangalanan nilang Kalamansi ang alagang kalabaw dahil sa hilig nito sa halamang iyon. Mula no’ng ipinanganak ng ina nitong si Kalista si Kalamansi ay hindi na kailanman muling tumubo ang mga tanim nilang kalamansi, dahil palagi iyong nginangatngat ng batang kalabaw.

Masakit sa kanila ang pagbebenta kay Kalamansi, pero gaya ng sinabi ng kaniyang Tatay Teban, wala silang mapagpipilian. Kaya habang nasa poder pa nila ang kalabaw ay sinisiguro ni Jayred na naaalagaan niya ito nang tama.

Isang umaga’y dumating na ang buyer na bibili kay Kalamansi dala ang malaking truck na pagkakargahan ng kalabaw. Mula umaga pa lang ay hindi na humiwalay si Jayred sa alagang si Kalamansi, ninanamnam niya ang huling sandali na kasama ito. Iniikot niya ito sa buong kabukiran at maagang pinaliguan, pagkatapos ay nilaro-laro.

Matapos ang naging bayaran ay pinagtulungan nang buhatin si Kalamansi paakyat ng truck. Habang naninikip ang dibdib ni Jayred ay mariin na lamang niyang ipinikit ang mga mata habang rinig na rinig ang iyak ni Kalamansi na tila humihingi ng tulong at nagmamakaawa sa mga taong bumubuhat dito.

Advertisement

Nang tuluyang maiakyat si Kalamansi sa loob ng truck ay nakiusap muna si Jayred sa bagong may-ari ng paboritong kalabaw… na kung maaari niyang mayakap si Kalamansi sa huling pagkakataon. Pumayag naman ang mga ito kaya agad siyang pumanhik sa itaas at muling niyakap ang ulo ni Kalamansi.

“Ba-bye na Kalamansi,” tumatangis na wika ni Jayred. “Hindi ko alam kung ano ang gagawin sa’yo ng bago mong amo, pero hinhiling ko na sana alagaan ka nila kagaya ng pag-aalalaga namin ni tatay sa’yo,” sumisinghot-singhot niyang kausap sa kalabaw na nanatili lamang nakatitig sa kaniya. “Patawarin mo kami, Kalamansi. Hindi namin ginustong ipagbili ka. Mahal na mahal kita,” tuluyan nang humagulhol si Jayred habang mahigpit na niyayakap ang ulo ng kalabaw.

Hindi naman napigilan ni Mang Teban ang maluha sa nakitang pag-iyak ng anak na si Jayred. Masakit rin sa kaniya ang naging desisyon, pero tanging si Kalamansi lamang ang makakatulong sa kanila sa ngayon, kaya kahit masakit man ay titiisin niya, ma-operahan lang ang asawa.

“Tama na iyan, Jayred, aalis na ang bagong amo ni Kalamansi,” saway nito sa anak na hanggang ngayon ay humahagulhol pa rin sa pag-iyak.

Tumatangis na binitawan ni Jayred ang alaga saka muling nagpaalam rito. May mga bagay na kailangan mong isakripisyo kahit na masakit, para sa ikabubuti ng lahat. Isa lamang hayop si Kalamansi sa tingin ng iba, ngunit para kay Jayred, ang kalabaw na si Kalamansi ay isa sa pinakamatalik niyang kaibigan.

Sa tulong ni Kalamansi ay naipa-opera nila ang kaniyang ina at naging matagumpay naman ang naging operasyon nito. Salamat kay Kalamansi. Sa tuwing bumababa siya ng bayan ay palagi niyang binibisita si Kalamansi na hanggang ngayon ay kilala pa rin siya. Salamat naman at dininig ng Diyos Ama ang taimtim niyang hiling noon na sana ang makabili kay Kalamansi ay kagaya nilang mapagmahal din sa mga alagang hayop at hindi iyong mga kumak@tay ng mga kagaya ni Kalamansi.

Kahit hindi na sila ang amo ni Kalamansi ay masaya pa rin siya dahil kahit papaano’y nakikita niya pa rin itong malusog at buhay sa bago nitong mga amo.