Minaliit ng Manager ng Tindahan ang Babaeng Akala Niya’y Pulubi; Ito pa Pala ang Magsasalba sa Palugi Nilang Negosyo

Minaliit ng Manager ng Tindahan ang Babaeng Akala Niya’y Pulubi; Ito pa Pala ang Magsasalba sa Palugi Nilang Negosyo

InspiringKarmaStories

Umagang-umaga pa lang ay mainit na ang ulo ng boss nila at isa si Nikka sa palaging napag-iinitan nito kapag gano’n ang timpla ng kanilang amo.

“Ano bang silbi ng pinapasahod ko sa inyo? Pinapasahuran ko kayo kasi para may tumao dito sa tindahan ko. May magbenta ng mga paninda ko! Pero anong ginagawa niyo? Papetiks-petiks lang kayo rito sa loob ng tindahan at naghihintay ng grasyang darating! Bakit hindi niyo ipagsigawan sa labas ng tindahan ko ang itinitinda niyo at baka sakaling may bumili!” inis na singhal ni Henry ang boss ng naturang tindahan.

Agad namang nagkanda-abala-abalahan ang lahat dahil sa takot. Kaniya-kaniyang bitbit ng stocks upang kunyari’y may mga ginagawa, ang iba naman ay kumuha ng sample sa paninda at inialok sa labas na animo’y wala ka sa isang malaking mall. Ngunit si Nikka ay walang mapagpipilian kung ‘di ang pagharap sa nanggagalaiting amo.

“Ikaw naman, Nikka! Sa’yo ko ipinagkatiwala ang tindahang ito pero ewan ko ba kung karapat-dapat ka ba talaga sa posisyon mo! Palugi na ang negosyo ko dahil tamad ang mga tauhan ko!” inis na baling nito sa manager ng tindahang iyon.

“Ginagawa ko naman po ang lahat ng makakaya ko sir,” nakayukong wika nito.

“Ewan ko sa inyo!” anito saka deretsong naglakad sa loob ng opisina nito.

Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Nikka. Nakaka-stress talaga kapag binibisita sila ng amo nila. Wala pa nga silang buena mano’y mukhang mamalasin na sila sa buong mahapon. Imbes na dibdibin ang inis na nararamdaman sa amo ay pinili na lamang ni Nikka na gawin ang kaniyang trabaho.

“Pumili lang po kayo kung ano ang gusto niyo ma’am,” mabait na wika ni Anne sa kustomer na pumasok sa loob upang tingnan ang mga naka-display nilang mga paninda.

Agad na sinuri ni Nikka ang babaeng kustomer, mula ulo hanggang paa. Simple lamang ang suot ng babae at hindi mo makikitaan ng ka-sosyalan sa itsura. Kulay puting damit na halatang replica lang ng mamahaling brand ang tatak ng damit nito, skinny jeans na mukhang mumurahin lang din at flat sandals. Sa itsura pa lang ng babae’y halata nang wala itong pambili.

Ano ba naman ang mayroon sa umagang ito? Umagang-umaga’y pinagalitan na sila ng amo nila, tapos heto ngayon… kay aga-agang papasok ng kustomer na manggugulo lamang at sasayangin ang oras nila!

“Miss, gusto ko iyan,” turo ng babae sa isang mamahaling sapatos. “Pwede ko bang makita ang design at kung maaari na rin ay pwede ko bang maisukat?”

Akmang hahakbang na si Anne upang pagbigyan ang gusto nang mamimili nang magsalita si Nikka.

“Ma’am, iyang high-heel shoes na iyan ay may presyong sampong libo at anim na raang piso,” singit ni Nikka sa usapan.

Ngumiti ang babae saka tumango-tango. “Okay, pwede ko ba siyang masukat?”

“Hindi po pwede,” tanggi ni Nikka, saka niyuko ang paa ng babaeng kustomer. “Walang kasukat ng paa mo sa design na ‘yan,” dugtong niya. Hindi man niya maideretso ay nais na niyang itaboy palayo ang babae. Malas na nga ang araw na ito’y mukhang nais pa nitong dagdagan!

“Feeling ko kasukat ko iyang naka-display, miss,” baling nito kay Anne na siyang una nitong nakausap. “Pwede ko bang isukat ‘yan?” nakikiusap na wika ng babae.

Naguguluhan naman ang sales lady na si Anne kung sino sa kanila ang susundin nito, si Nikka na manager ng tindahan o ang babaeng kustomer na maayos namang nakikiusap. Sa huli’y mas pinili ni Anne ang kustomer.

“Thank you miss,” malambing pa ring wika ng babae saka maingat na isinukat ang sandalyas.

Naiinis man si Nikka sa makulit na kustomer na ito’y wala siyang magawa kung ‘di hayaan na lamang ito. Mamaya na niya pagagalitan si Anne kapag umalis na ang kustomer na wala namang pera.

Makalipas ang isang oras mahigit ay laking gulat ni Nikka nang pumunta sa counter ang babae na may dalang dalawang basket. Ang isa’y punong-puno ng kahit anong damit at ang isa’y kung ano-anong klaseng sandalyas at sapatos. Halos kulang-kulang isang daang libong piso ang binayaran nito nang cash! Kaya halos lumabas sa kinalalagyan ng eye bags ni Nikka ang kaniyang mga mata sa nakita.

Bago tuluyang umalis ang babaeng kanina’y akala niyang walang pera ay kinausap muna siya nito nang masinsinan.

“Hi po, ayon kay Anne, ikaw ang manager ng store na ito,” nakangiti at malambing na kausap ng babae sa kaniya.

“Y-yes ma’am,” magalang niyang tugon, hindi kagaya kaninang minamata-mata niya lamang ito.

“Ako nga pala si Laureen,” pakilala nito sa sarili. “Gusto ko lang sanang magbigay ng kaunting advice. Businessman din ang papa ko at lahat ng kustomers nila’y pinapahalagahan nila kahit mukha itong walang pera kung titingnan. Learn to correct that behavior, Miss Nikka. Palagi mong tatandaan na bawat taong papasok sa store niyo’y may dalang swerte sa inyo, pero sa kabila no’n ay may mangilan-ngilan ding wala pang pera ngunit kung maganda kang makipag-usap, babalik sila at bibilhin iyong maganda nilang nakita sa store ninyo. Huwag mong husgahan ang tao base sa suot lamang nila, minsan ang pinakamayamang tao sa mundo’y simpleng kasuotan lang ang hilig,” ani Laureen, saka nagpaalam sa manager na si Nikka.

Naiwan si Nikka na nakatulala at napahiya sa babaeng nagpakilalang si Laureen. Tama ang babae at naging masyado siyang mapaghusga sa nakita niyang itsura nito. Mabuti na lang at hindi na nito ipinarating sa amo nila ang nangyari.

Dinaanan muna ni Laureen si Anne, ang tinderang nag-asikaso rito at binigyan ng malaking tip saka umalis sa tindahang iyon.

Para naman kay Nikka, ang aral na iniwan ng kustomer na si Laureen ang naging “tip” nito sa kaniya na siyang gagamitin niya upang maging mas mabuting manager ng tindahang iyon.

More Stories