Napapansin Lang Siya ng Kaniyang Pamilya Kapag May Pera Siya; Pag-aasawa Nga Kaya ang Solusyon sa Problema Niyang Ito?

“Mia, anak, pwede bang manghingi ng pera si mama? Birthday kasi ng anak ng kumare ko ‘nak, kaya kailangan ko ngayon ng pera para makapagbigay naman ako ng kahit kaunting aguinaldo, nakakahiya kasi kung pupunta ako roon ta’s makikikain lang,” naglalambing na pakiusap ng ina.

“Gano’n po ba, ma?” ani Mia saka kinuha ang bag upang kumuha ng pera. “Okay na ba iyan, ma?”

Tinanggap nito ang limang libong binigay ni Mia, saka binilang at lumabi saka matamis na ngumiti. “‘Nak, pwedeng dagdagan mo ng tatlong libo ito? Magbabayad na rin kasi tayo ng kuryente at tubig ‘nak,” muling hirit ng ina.

Walang pag-aatubiling muling humugot si Mia sa pitaka saka iniabot ang hiling na dagdag ng ina. Nang makuha ang perang kailangan ay nagmamadali na rin itong lumabas sa silid niya. Aniya, gano’n talaga ang buhay.

Nagbibihis siya nang pumasok ang kapatid niyang si Joem upang humingi ng panggatas ng anak nitong anim na buwang gulang pa lang. Walang sabi-sabing binigyan niya ito ng isang libo. Sumunod namang pumasok ang bunsong si Alicia upang humingi ng baon, muli’y inabutan niya ito ng isang libo.

Oo. Alam ng buo niyang pamilya kung kailan ang sahod niya kaya alam na ng mga ito kung kailan ang tamang oras na lumapit sa kaniya. Siya ang kumakayod pero siya ang palaging walang pera. Gano’n nga talaga siguro kapag ikaw lang ang inaasahan ng lahat at wala iyong problema sa kaniya.

Mula nang pumanaw ang kaniyang ama noong labing siyam na taong gulang siya’y tumutulong na siya sa kanyang ina sa kung ano-anong raket na pasukin nito. Hanggang sa nakapagtapos siya sa pag-aaral ay siya na ang inaasahan ng lahat, ang mama niya’y sa bahay na lang habang nagtinda-tinda sa bahay nila.

“Brix!” tawag niya sa kaibigan at kasama sa trabahong kagaya niya’y isa ring Store Manager.

Advertisement

“Bakit?”

“Baka pwede mo akong pautangin,” nakangiting wika ni Mia.

“Ano?! Kakasahod lang natin kahapon ah. An’yare sa sahod mo?” gulat na wika nito.

“Alam mo naman na may binubuhay akong pamilya. Dali na, Brix, kumakalam na talaga ang sikmura ko kanina pa,” aniya.

“Tsk! Alam mo, Mia, walang masama ah kung minsan isipin mo naman ang sarili mo bago ang buong pamilya mo. Hindi iyon nakakabawas ng puntos sa langit,” anito saka naglakad patungo sa locker nila upang kumuha ng pera.

Si Brix ang pinakamatalik niyang kaibigan, mula pa noong high school sila hanggang ngayon. Halos lahat ng sikreto at hinanakit niya sa buhay ay alam ng kaibigan at laging ito ang kaniyang tinatakbuhan kapag walang-wala siya.

“Hayaan mo na. Kawawa naman kasi ang pamilya ko kapag hindi ko sila nabigyan. Ayos nang ako ang wala, nand’yan ka naman e,” aniya saka inikot ang braso sa braso ng kaibigan.

“Ewan ko sa’yo! Nakakainis ang pagiging martir mo sa pamilya mo,” anito saka ibinaling sa ibang direksyon ang tingin at nagpupumiglas na kumawala sa braso niyang nakasukbit sa braso nito. “Ano ba naman iyan, Mia, dikit ka nang dikit ng dibdib mo sa braso ko!” pabirong wika ni Brix saka naglakad palayo.

Advertisement

“Ayaw mo ba? Baka lang kasi maisipan mo akong pakasalan kapag nagdididikit ako sa’yo!” natatawa-tawa ngunit tila seryosong hayag ng babae.Nilingon siya ni Brix saka matalim na tinitigan. “Hindi kita type! Ayoko sa mga babaeng tila pasan ang buong daigdig sa balikat! At saka alam kong hindi pag-ibig ang prayoridad mo!”

“Uy, grabe siya! Ayaw mo no’n… family oriented akong babae?” pang-aasar niya.

“Ewan ko sa’yo, Mia!” iwas nito sa usapan.

Gano’n silang palagi ni Brix kung magbiruan. Minsan pa nga’y sa sobrang stress niya sa sariling pamilya ay siya na mismo ang nakiusap kay Brix na itanan siya upang matapos na ang problema niya. Kaso sadyang hindi talaga siguro siya ang tipo nito kaya palagi siyang tinatanggihan

“Mia, ano ka ba naman! Magpahinga ka kaya muna sa bahay niyo kung hindi mo kaya!” inis na sermon ni Brix sa kaniya nang isang araw ay pumasok siyang may mataas na lagnat.

“Ano ka ba naman, Brix. Okay lang ako, iiinom ko lang ‘to ng gamot mamaya, mawawala na ‘to.”

Patuloy pa rin sa pagtatrabaho si Mia, kahit na hindi maganda ang kaniyang pakiramdam. Hindi niya namalayang nawalan na pala siya ng malay sa gitna nang pagtatrabaho. Kaya walang nagawa si Brix kung ‘di ang alagaan siya, habang panay ang panenermon sa kaniya. Upang matapos lang ang panenermon nito’y sumang-ayon na lamang siya sa gusto nitong huwag na muna siyang pumasok at magpahinga.

Kinabukasan ay hindi nga siya pumasok upang makapagpahinga na rin dahil hanggang ngayon ay hindi talaga maganda ang pakiramdam niya.

Advertisement

“Humingi ka muna sa ate mo, Joem! Ano, hahayaan mo na lang na wala kaming makain ng anak mo?” gigil na wika ng asawa ni Joem.

“Ano ka ba! Kahihingi ko lang kay ate no’ng isang araw, at saka hinaan mo nga iyang boses mo baka marinig ka niya!”

“Wala akong pakialam! Wala na tayong pera, ‘yong sahod mo kulang pa—”

“Tama na iyan!” putol ni Mia sa away ng mag-asawa. “Ano ba ang tingin niyo sa’kin? ATM? Na kung kailangan niyo ng pera, isang pindot lang may maibibigay na sa inyo?” puno ng hinanakit na wika ni Marian. “Ikaw Cherry, alam mong maliit lang ang sinasahod ng kapatid ko, hindi mo pa magawang i-budget nang tama? Kaysa unahin ang pagkain niyo’y mas inuuna mong bumili ng para sa sarili mo! Kung tutuusin mas marami pa nga iyang make-up at mga damit mo kaysa gatas ng anak mo e!”

“Ate,” pigil ni Joem sa kaniya.

“Pagod na akong pasanin kayong lahat! Pagod na akong unahin kayo kaysa sa sarili ko. May sakit ako ngayon pero ni isa ba sa inyo nakapansin no’n? Pera lang ang tingin niyo sa’kin! Para akong isang kaban na puno ng pera sa inyo, na kapag walang laman ay hindi niyo napapansin!” umiiyak na wika ni Mia saka nagmartsang muli sa silid.

Walang naglakas loob na magsalita, lahat ay natahimik sa mga sinabi ni Mia. Kinabukasan ay naging maayos na ang pakiramdam ni Mia, imbes na kumain pa’y dumeretso na siyang pumasok sa trabaho. Wala na siyang pera at wala siyang maiaabot na pambiling pagkain, kaya papasok na lang siya sa trabaho at si Brix na ang bahala sa kaniya.

“Asawahin mo na lang kaya ako, Brix,” aniya.

Advertisement

“Hindi ang pag-aasawa ang magiging solusyon sa problema mo, Mia,” sagot ni Brix. “Mahal kita at handa akong asawahin ka, pero hindi sa ganitong paraan. Ayusin mo muna ang gusot sa pamilya mo, para hindi naman lumalabas na ginagamit mo lang ako para makatakas ka sa obligasyon mo,” dugtong ni Brix saka hinapit siya upang yakapin.

Kinagabihan ay kumain na muna siya sa bahay nila Brix bago siya umuwi sa bahay nila. Kung pwede lang ay ayaw na niyang umuwi sa kanila, kaso kahit makiusap siya sa lalaking doon na matulog ay hindi siya kinukunsinti ni Brix.

“‘Nak, kumain ka na? May iniwan akong pagkain d’yan para sa’yo,” wika ng ina.

“Tapos na po ako, ma,” sagot niya at dederetso na sana sa silid ng magsalitang muli ang ina.

“Mia, patawarin mo kami kung hindi na namin inisip ang mararamdaman mo ah. Masyado kaming naging kumportable kasi inisip namin na okay ka lang, kaya mo ang lahat. Hindi namin napansin na masyado na pala kaming nagpapabigat sa’yo,” anang kaniyang ina. “Promise, ‘nak, simula ngayon magbabago na kami. Hindi na namin iaasa sa’yo ang lahat. Sorry, Mia, anak,” humihikbing wika ng kaniyang ina.

Humakbang si Mia upang yakapin ang ina. Nagtatampo siya sa pamilya niya pero hindi niya kayang magalit sa mga ito. Gano’n niya sila kamahal. Bukod sa mama niya’y humingi rin ng patawad si Joem at ang asawa nito. Simula noon ay napagkasunduan nilang magtulungan para sa ikabubuti ng pamilya nila.

Salamat at naging maayos na rin ang lahat, pati na ang sa kanila ni Brix. Makalipas ang dalawang taon mula nang naging sila’y nag-desisyon silang magpakasal na’t gumawa na ng sarili nilang pamilya.

Kung anuman ang pinapasang problema, hindi solusyon ang pagtakas. Harapin ito’t mag-isip ng magandang solusyon. May kaniya-kaniya tayong obligasyon sa buhay, kaya huwag ugaliing umasa sa kapwa.