Pinalayas ang Tatlong Magkakapatid ng Kanilang Ama sa Hindi Nila Alam na Dahilan; Magugulat Sila sa Isisiwalat Nito

Pinalayas ang Tatlong Magkakapatid ng Kanilang Ama sa Hindi Nila Alam na Dahilan; Magugulat Sila sa Isisiwalat Nito

FamilyHeartbreakingStories

Bumiyahe si Bianca mula Laguna hanggang Quezon City, dahil tinext siya ng kaniyang mga kapatid at pinagtitipon-tipon silang limang magkakapatid upang magkausap-usap sa barangay. Ayaw man niyang sumali sa problema’y wala siyang nagawa dahil kasama ang pangalan niya sa ipinatawag.

“Mabuti naman Bianca at dumating ka,” mataray na wika ng pangalawa nilang kapatid na si Vina. “Hindi ko alam na kasama ka sa mga kapatid mong inireklamo ako,” anito saka mataray na ipinaikot ang mata.

Kaysa sagutin ang pagtataray nito’y pinili na lamang ni Bianca na huwag patulan ang kapatid at kausapin ang iba pang kapatid na siyang totoong nagsumbong sa ate nila.

“Ano ba talaga ang nangyari?” nagtataka niyang tanong sa bunso nilang kapatid na si Shiela.

“Nagreklamo sila kuya at ate laban kay Ate Vina at kay tatay kasi bukod tanging siya lang ang binigyan ni tatay ng pwesto sa bahay. Sila Kuya Albert, Ate Kaye at ako, bigla na lang kaming pinaalis sa bahay sa hindi namin alam na dahilan,” kwento ni Shiela.

Wala sa loob na nilingon ni Bianca ang gawi ng kaniyang Ate Vina. Alam niyang may kakaibang ugali ang ate niyang ito, kaya nga mas pinili na lamang niyang tumira sa malayo kasi ayaw niya ng gulo. Ang tanging tanong niya ngayon ay ano naman ang itinanim nito sa isipan ng matanda upang gawin ito ng kanilang ama sa mga kapatid niya?

“Good afternoon po,” bati ni Chairman Santos sa kanilang lahat. “Inirereklamo niyo ang tatay at ang Ate Vina niyo kasi sa inyong lahat na magkakapatid, si Vina lang ang binigyan ng karapatang tumira sa bahay ninyo? Pero bakit naman po gano’n, tatay? Mga anak mo rin naman sila kaya bakit hindi mo hinati-hati para wala namang selosang nangyayari. Tingnan mo’t nag-aaway-away ang mga anak mo dahil sa ginawa mo,” mahabang wika ng kapitan.

“Paborito niya kasi iyang si Vina, kapitan, at sipsip din kaya ganyan! Siya na lang mag-isa ang naiwan sa bahay namin!” inis na wika ni Albert habang gigil na dinuduro si Vina.

“Kuya, hindi ako kailanman sumipsip kay tatay! Hindi ko kasalanan kung hindi ako nasali sa inyong lahat na pinaalis. Hindi ako ang nagdesisyon niyan kung ‘di ang tatay,” mahinahon ngunit may taray na wika ni Vina.

“Malamang! Kasi sipsip ka kay tatay,” segunda ni Kaye.

“Ang sa’min lang naman, chairman, bakit kami bigla-bigla na lang pinaalis sa bahay namin nang wala silang sapat na dahilan? May mga anak kami at ang hirap mangupahan. Malaking bagay na nga iyong may bahay ang mga magulang namin na pwede kaming tumira kasi imbes na ipambayad sa upa ang sahod ng mga asawa namin ay ipambibili na lamang namin ito ng ulam,” ani Shiela.

“Tama! Kaming mga hindi sipsip… kaya kami pinalayas! Ang isa d’yan na parang linta sa kakasipsip kaya nanatili. Talagang hindi patas ang ama namin, kapitan,” gigil pa ring wika ni Albert.

“Hoy! Kuya Abet, huwag mo akong sasabihan nang ganyan dahil baka nakakalimutan mo na ikaw nga ang panganay pero sinalo ko ang obligasyon mo kila mama at papa noon kasi mas inuna mo ‘yang landi mo kaysa sa’min na pamilya mo. Kaya wala kang karapatang tawagin akong linta at sipsip!” gigil nang sagot ni Vina.

“Tama na iyan!” awat ni Kapitan Santos. “Nandito kayo sa barangay upang magkaayos, hindi para sindihan pang lalo ang mga galit niyo sa isa’t-isa,” saway pa nito.

“Ikaw Bianca, baka may nais kang idugtong?”

“Sa totoo lang ay wala akong alam sa nangyayari sa kanila, kapitan. Mas pinili kong mamuhay na malayo sa pamilya ko kasi ayoko talaga ng mga ganitong isyu. Kaya nandito lang po ako upang makinig sa mga hinaing nila,” ani Bianca saka nilingon ang ama at si Vina.

“Ganito kasi iyan, chairman,” singit ni Tatay Badong.

“Noong nagdesisyon na mag-asawa at gumawa ng sariling pamilya ang mga anak ko. Sinabi ko na iyan sa kanila na magbukod upang maranasan nila mismo ang pakiramdam kung ano ang mayroong sariling pamilya, mahirap pero gano’n talaga. Naunang nag-asawa ang panganay ko at sinundan ng pangatlo kong anak at nagtuloy-tuloy na. Lahat sila’y pinapabukod ko, pero ang sabi nila’y hindi nila kaya, kapitan. Kaya bilang isang ama, mahal ko lahat ang mga anak ko, kaya lahat ng pag-iintindi’y gagawin ko… mga anak ko iyan e. May bahay naman kami ng asawa kong namayapa na… pinatira ko sila sa bahay. Walang upa dahil mga anak ko naman sila, pero ang pinakiusap ko lang ay mag-ambagan sila sa bayarin ng tubig at kuryente, iyon ang malinaw naming usapan. Kaso habang tumatagal ang pananatili nila sa bahay ko’y nakakalimutan na nila ang obligasyon nila sa bayaring ipinakiusap ko. Ang tanging nagbabayad ng kuryente’t tubig ay tanging si Vina na lang, kasi kapag sinisingil ang iba’y palaging walang pera, wala pang sahod at marami pang dahilan. Kapitan, hindi na nga ako nanghihingi sa kanila ng pangkain ko, kasi ayoko nga iyong napapagalitan ako’t nasasabihang hingi nang hingi’t alam nang walang pera… iyon kasi ang palaging naririnig ko sa kanila. Umaasa na lang ako sa pensyon ko’t sa bigay ng dalawa kong anak na si Vina at si Bianca,” mahabang paliwanag ni Tatay Badong, dahilan upang magsiyukuan ang tatlong anak nito.

Inisa-isang tingin ni Chairman Santo ang mukha ng magkakapatid at nabasa niya ngang sa tatlong naroon ay halatang guilty sa nangyari at totoong tinamaan sa deretsahang sinabi ng kanilang ama. Nanatili lamang tahimik si Chairman Santos, upang magpatuloy sa pagsasalita si Tatay Badong.

“Kaya hindi totoong walang dahilan ang pagpapaalis ko sa kanila, kapitan. Alam nila ang obligasyon nila, pero hindi nila iyon magawa nang maayos kaya wala akong ibang pagpipilian kung ‘di ang paalisin sila para magsikap sila, tutal may mga kaniya-kaniyang pamilya na rin naman sila. Iniwan ko si Vina, kasi sa kanilang apat si Vina lang ang nararamdaman kong nagmamalasakit sa’kin. Silang tatlo… kasama ko sila sa iisang bahay pero wala silang pakialam sa’kin. Sapat na siguro ang mga panahong pinasan ko sila, kapitan. Siguro ito na ang tamang panahon upang tumayo sila sa sari-sarili nilang paa. Wala akong naging paborito sa mga anak ko dahil lahat sila’y pantay-pantay ang pagmamahal ko. Sadyang nakakasawa na nga lang silang pasanin, matanda na ako para sa ganoong bagay,” dugtong ni Tatay Badong.

Walang nagawa ang tatlo kung ‘di ang sumang-ayon sa desisyon ng kanilang ama na dapat na silang bumukod ng bahay upang malaman nila ang totoong kahulugan ng pagkakaroon ng sariling pamilya. Nais pa sana ng mga itong pati si Vina ay paalisin rin upang patas silang lima, ngunit mariin iyong tinutulan ni Bianca.

“Hindi na ako papayag sa bagay na iyan. Tama lang na si Ate Vina ang manatili sa bahay upang kahit papaano’y may mag-alaga kay tatay. Hindi naman naging pabayang anak si ate kaya walang rason upang paalisin siya. Paano na si tatay kung tayong lahat ay wala na sa bahay? Tutal kayo naman ang may problema sa pakikisama, kayo na lang ang umalis at maghanap ng ibang matitirahan. Hayaan niyo na si Ate Vina na manatili,” mariing wika ni Bianca.

Noon pa man ay mas ninais na ni Bianca ang manirahang mag-isa. Hanggang sa nakapag-asawa siya’y hindi niya inisip na makisiksik sa bahay nila, kaya mas pinili niyang magbukod.

Paano ka matututo kung nakasandal ka pa rin sa iba? Sa kaniyang palagay ay tama lamang ang ginawa ng kanilang ama. Masyadong naging kumportable ang mga kapatid niya dahil alam ng mga itong may masasandalan kapag sila’y nangailangan. Ngayon, wala na silang pagpipilian kundi ang matutong tumayo sa sarili nilang mga paa.

More Stories