
Walang Pag-aatubiling Tinapos ng Dalaga ang Anim na Taong Relasyon Nila ng Nobyong Manloloko; Mahanap Niya pa Kaya ang Kaniyang Tunay na Pag-Ibig?
Nagmumuni-muning nagpapahangin sa labas si Daniela habang hawak sa kamay ang wine glass at sa kalawakan nakatuon ang buong paningin. Malalim ang iniisip at kung anuman iyon ay hindi kayang sabihin ni Max. Nang magsawang titigan ang kaibigan ay nagdesisyon siyang lapitan ito upang kausapin.
“Hey! Saan na napunta ‘yang isip mo?” pukaw niya sa dalaga.
Nilingon siya ni Daniela saka matamis na ngumiti. “I think sa may Pampanga na,” sakay nito sa biro niya.
Pagak naman siyang tumawa saka sumimsim ng kaunting alak. “Makakamove-on ka rin sa mokong na ‘yon. Kaya huwag mong masyadong dibdibin, tandaan mo… may likod ka pa,” biro niya na tinawanan lamang ni Daniela.
Isang Linggo pa lang yata ang nakakalipas mula noong inanunsyo ni Daniela sa lahat na wala na sila ng nobyong si Kevin. Nahuli nito ang nobyong may kasamang ibang babae sa VIP suite ng isang mamahaling hotel. Ura-urada’y nakipaghiwalay ito at pinutol ang halos anim na taong pakikipagrelasyon sa lalaki.
“Isipin mo ‘yon, Max, si Kevin at ako’y may pinagsamahang halos anim na taon tapos sa hiwalayan lang din pala kami hahantong, tsk! Nakakaasar din talaga minsan,” inis na wika ng dalaga saka inisang lagok ang laman ng basong hawak.
“Akala ko talaga si Kevin na ang the one! Pero putik, akalain mo nga naman talaga kung paano maglaro ang tadhana. Nahuli ko si Kevin nang hindi sinasadya, nakita ko lang siyang pumasok sa isang hotel at nagdesisyon akong sundan siya. Laking gulat ko nang sa pagbukas ko sa kwarto niya’y may kasama siyang babae at gumagawa ng kababalaghan! F*ck! Nandiri ako bigla sa lalaking minahal ko ng anim na taon,” mangiyak-ngiyak na kwento ni Daniela.
Mula noong umuwi si Daniela sa bahay nila na halos nanlilisik ang mga mata sa galit at agad na sinabing break na sila ni Kevin ay ito palang ang unang beses na nagpakita ng emosyon ang dalaga. Nilapitan niya ang kaibigan saka marahang kinabig upang yakapin. Hindi magiging madali ang proseso, pero alam niyang malalampasan iyon ni Daniela.
“Sige lang, Dan, iiyak mo lang ‘yang bigat d’yan sa dibdib mo. Mas magandang nailalabas mo ‘yong galit at sakit, kaysa itago mo ito,” mahinang sambit ni Max.
“Sana sinabi niya na lang sa’kin na hindi niya na ako mahal,” humihikbing wika ni Daniela habang nakasubsob sa dibdib ni Max.
“Pakakawalan ko naman siya e. Hindi ko ipagpipilitan ang sarili ko sa taong hindi na pala ako mahal. Sana prinangka niya ako, maiintindihan ko naman siya, Max. Bakit ko itatali sa tabi ko ang taong hindi na masaya sa piling ko? Sana gano’n na lang ang ginawa niya. Siguro hindi ganito kasakit ang nararamdaman ko ngayon, Max. Hindi lang puso ko ang sinaktan niya… pati ang buo kong pagkatao’y dinurog niya, Max,” tumatangis na wika ni Daniela.
Nang gabing iyon ay walang ibang ginawa si Max kung ‘di ang pakinggan lamang ang lahat ng hinanakit ni Daniela sa dating nobyo. Nasasaktan siya sa nangyari sa buhay pag-ibig ni Daniela, pero gano’n talaga ang buhay. Hindi talaga si Kevin ang lalaking para sa dalaga.
Lumipas ang dalawang taon. Sa wakas! Nakabalik siyang muli sa Pinas, matapos ang isang taon at anim na buwang paglalayag. Kagabi pa lang ay sabik na si Max na makauwi sa bansang kaniyang sinilangan, dahil ayon sa mama niya’y kasama nilang magsusundo si Daniela, ang kaniyang bestfriend.
“Max!” sabik na wika ni Daniela saka patakbong lumapit sa kaniya at yumakap ng mahigpit. “I miss you, Max,” masayang dugtong nito.
“I miss you too, Dan,” malambing na tugon ni Max.
Dahil halos dalawang taon rin silang hindi nagkita ni Daniela ay sinulit nilang dalawa ang mga panahong magkasama sila. Kahit saan siya magpunta’y palagi niyang kasama ang dalaga na animo’y kaniyang buntot dahil ayaw nitong magpaiwan. Kagaya na lang ngayong may dadaluhan siyang kasal ng dati niyang kaklase, wala siyang magawa kung ‘di ang isama si Daniela dahil nagagalit ito kapag hindi niya isasama.
“So, kumusta ang puso mo sa nakalipas na dalawang taon?” tanong ni Max sa dalaga.
Agad namang gumuhit ang ngiti sa labi ni Daniela. “Maayos na siya’t hindi ko na nararamdaman pa ulit ‘yong sakit na naranasan ko noong bagong hiwalay pa lang kami ni Kevin,” prangkang sagot ni Daniela. “Lalo na kapag kasama kita, Max. Pakiramdam ko hindi nangyaring ‘yong taon na panay ang iyak ko sa sir@ulo kong ex,” dugtong niya saka humalakhak nang malakas.
Tumaba naman ang puso ni Max sa sinabi ni Daniela. Masaya siyang nakikitang masaya ang kaniyang kaibigan. Ang makita lang itong nakangiti na nang hindi pinipilit ay malaking bagay na para kay Max.
“Babalik ka na naman sa barko?” nakalabing wika ni Daniela.
“Opo, tapos na kasi ang binigay nilang bakasyon, Dan. Tatlong buwan na rin mula noong umuwi ako. Kaya panahon na naman ulit para kumayod para sa future,” nakangiting wika ni Max.
“Paano ako?”
“Maiiwan ka dito, alangan namang sasama ka sa’kin? Hindi naman ako magbabakasyon doon hija, magtatrabaho ako,” sagot ni Max.
“Paano Max, kung sa pagsampa mo ulit mahanap mo na ang babaeng magpapatibok ng puso mo?”
Nagsalubong ang kilay ni Max sa naging tanong ni Daniela. “Eh ‘di mamahalin ko siya’t pahahalagahan, tapos kapag pakiramdam ko siya na si “The One” e ‘di pakakasalan ko siya,” sagot niya.
“Paano naman ako?” agad na tanong ni Daniela sa binata. “Ang ibig kong sabihin… sobrang saya ko kapag kasama kita. Kumportable ako kapag nand’yan ka. Lumalakas ang tibok ng puso ko kapag nasa malapit ka. Hindi ko rin talaga alam, Max, kung kailan ‘to nagsimula pero pakiramdam ko mahal na kita,” nahihiyang pag-amin ni Daniela.
Kung nalalaglag lang ang panga niya’y malamang nasa sahig na ito ngayon. Pakiramdam ni Max ay may nagkakarera sa loob ng puso niya sa lakas ng tibok nito, dahil sa inamin ni Daniela. Sa tagal nang panahon ngayon lang dininig ni kupido ang matagal na niyang pinapanalangin.
“Pero hindi ako nagmamadali, Max,” maya-maya ay muling wika ni Daniela. “Ayokong madaliin ang lahat. Gusto kong siguraduhin ang nararamdaman ko. Ayokong masayang ang pagkakaibigan natin dahil lang sa nararamdaman kong ito. Hihintayin ko ulit ang pagbaba mo, kung sa mga panahong iyon ay mahal pa rin kita,” anito, tila nag-aatubiling ituloy ang nais sabihin.
“Pwede bang mahalin mo na lang rin ako? Siguro hindi naman ako gano’n kahirap mahalin ‘di ba? Bestfriend naman kita at saka marami na tayong pinagsamahan. At pwede ba nating subukang iakyat sa ibang lebel ang relasyon natin?” nahihiya ngunit pursigidong pakiusap ni Daniela.
Ngumiti si Max saka niyakap ng mahigpit si Daniela. “Sige, Dan, papayag ako.”
Matamis na ngumiti si Daniela saka mahigpit na tinugon ang yakap ni Max sa kaniya. Mabilis na lumipas ang panahon. Mula nang sumampa ulit si Max sa barko ay hindi na naputol ang kumonikasyon nilang dalawa ni Daniela. Walang ibang ipinangako sa isa’t-isa kung ‘di tanging iyong huling sinabi ni Daniela kay Max.
Sa muling pag-uwi ni Max sa Pinas ay hindi nagbago ang pagmamahal ni Daniela kay Max kaya nagdesisyon silang iakyat sa ibang lebel ang kanilang relasyon. Tuwang-tuwa ang parehong pamilya nila nang malaman ang kanilang relasyon.
Sa muli na namang pagsampa ni Max sa barko ay nangako itong sa muling pag-uwi ay magpapakasal na silang dalawa. At nangyari nga ang engrandeng kasal na sinuportahan ng lahat. Masayang-masaya si Daniela sa piling ni Max na kaniyang dating bestfriend at ngayon ay ang kaniyang best-husband.
Minsan, sa kung saan-saan tayo naghahanap ng tunay na pag-ibig, nakakaligtaan nating nasa harapan lang pala natin ito. Tunay ngang hindi kailanman magiging sukatan ang tagal ng isang relasyon upang masabing solido kayo’t hindi magigiba. Dapat talaga’y may tamang pundasyon ang bawat relasyon upang kahit anong unos man sa buhay ay hindi ito basta-bastang magigiba.
“I love you, Max,” malambing na bulong ni Daniela sa asawa.
“I love you more, Dan,” tugon ni Max, saka sinelyuhan ng mariin na halik ang pangakong pag-ibig nila sa isa’t-isa.