Isang Taong Grasa ang Nanghihingi ng Makakain sa Isang Nagtitinda ng Taho; Bigyan Kaya Ito ng Mamá o Itataboy Ito Paalis Dahil Malas Ito sa Negosyo?

Isang Taong Grasa ang Nanghihingi ng Makakain sa Isang Nagtitinda ng Taho; Bigyan Kaya Ito ng Mamá o Itataboy Ito Paalis Dahil Malas Ito sa Negosyo?

HeartbreakingInspiringStories

“Manong, pabili nga po ako ng taho,” bili ni Belen sa mang-tataho.

Agad namang inasikaso ng manong ang kaniyang binibili. Nang may biglang lumapit na isang taong grasa upang manghingi ng taho sa tindero.

“Kuya, pahingi akong taho,” wika ng lalaking madungis ang damit habang ang mga mata ay kung saan-saan nakatingin na animo’y wala sa sariling katinuan. “Sakit na t’yan ko e, gutom na ako. Sige na kuya,” nakikiusap na wika ng taong grasa.

Inaasahan ni Belen na sisinghalan ni manong tindero ang lalaking nanghihingi ng paninda nito at paaalisin, gaya nang mga nakikita niya sa ibang tao na agad nandidiri sa mga kagaya ng taong ito. Ngunit laking gulat niya nang magsalita ang mamáng tindero ng mahinahon at may pakiusap pa.

“Sige teka lang po ah, uunahin ko na muna si Miss Maganda. Bumibili kasi ito e. D’yan ka lang, pagtapos ni Miss Maganda, bibigyan kita. Saan-saan ka na naman ba nagpunta?” tanong nito sa lalaking taong grasa.

“Doon po,” sagot ng lalaki na may tinuturo sa kung saan. “Sige po kuya, salamat,” nakangiting dugtong nito saka umupo sa kalsada habang hinihintay ang ibibigay ng mamáng tindero.

Sa pagkamangha ay hindi napigilan ni Belen ang magtanong sa mamáng tindero kung kaano-ano nito ang taong grasang nanghihingi ng paninda nito.

“Hindi ko po kilala ang mga iyan, ma’am. Pero minsan nati-tyempuhan ko sila rito sa pwesto ko… sa katunayan ay tatlo iyan silang nanghihingi sa’kin. Iyong isa ay matino at nangongolekta lang ng basura upang pagkaperahan. Dalawa silang ganyan— wala sa katinuan,” sagot nito saka inabot sa kaniya ang binili.

“Ah, akala ko po talaga kakilala ninyo,” ani Belen. “Kasi iyong iba kapag may nanghihingi sa kanilang mga kagaya niyan ay sinisinghalan nila’t itinataboy kasi malas daw sila sa paninda, baka hindi pa raw makabenta. Kaya tinataboy nila, kaya nagulat po talaga ako kanina sa ginawa niyo, pero sa kabilang banda’y sumaludo ako kasi ang bait niyo po,” humahanga niyang dugtong.

Mapait na ngumiti ang mamáng tindero saka nagsalita. “Alam mo, ‘neng, ang sakit lang isipin na may mga taong ganyan. Hindi naman sa hinuhusgahan ko sila pero nanghihingi lang naman ang mga ‘yan ng maipanglalaman sa sikmura nila, bakit pagdadamutan mo sila? Kesyo madudungis sila’t mababaho?

Kahit gano’n ay tao pa rin ang mga iyan, kaya sana bago natin palayasin at singhalan, bakit hindi na lang natin isipin na bigyan? Bukod sa nakatulong ka na sa kapwa mo, hindi ka pa nakasakit ng damdamin, ‘di ba?” anito saka tinawag ang taong grasang nanghihingi ng taho. “Ito na oh, tumayo ka na d’yan.”

Agad namang tumayo ang lalaking taong grasa saka parang batang lumapit kay mamáng tindero at kinuha ang taho na ibinigay nito. “Salamat kuya,” anito.

Bukod sa taho ay binilhan din ito ni mamáng tindero ng tubig dahil ayon sa taong grasa’y nauuhaw na daw talaga ito.

“Nabusog ka na ba?” maya-maya’y tanong ni mamáng tindero sa lalaki.

“Opo,” tumatangong wika nito. “Salamat ah, kuya,” walang tigil na pasasalamat nito.

“Oh, ito bente, maligo ka roon oh sa palagi mong pinapaliguan. Para presko ka na at hindi na mainitan. Kung saan-saan ka na naman nagpupunta kaya ang dungis mo. Sabihin mo sa nagbabantay na maliligo ka, ibibigay naman niya sa’yo ang damit mo ‘di ba?”

“Opo, kuya, kasi iniwan ko sa kaniya ang mga damit ko e,” sagot ng lalaki. “Malaking bag… ganito oh,” dugtong nito.

“Kaya nga. Ngayong busog ka na, maligo ka ah. Bigay mo iyan sa kaniya,” ani mamáng tindero. Agad namang sumunod ang lalaki saka umalis sa harapan nila at pumunta sa itinuro ng mamá.

“Alam mo kung mayroon nga lang akong perang pampagamot sa mga kagaya nilang nawala sa tamang pag-iisip ay matagal ko nang ipinagamot ang mga iyan. Iyong isang pulubi gaya niya, babae naman. Kaso tanging maliliit na bagay lang ang kaya kong iabot na tulong sa kanila. Kahit gusto ko man wala akong magawa kasi hikahos rin ako sa buhay,” malungkot na wika ni mamáng tindero.

“Pero para sa kanila, kuya, alam kong malaking bagay na iyong pagtulong niyo sa kanila,” nakangiting wika ni Belen. “Hindi man nila nasasabi sa’yo ang sinserong pasasalamat nila’y alam kong higit silang nagpapasalamat sa’yo dahil sa mabuti mong puso para sa kanila. Kung may kakayahan lang din sana akong tumulong ay baka ako na mismo ang nagpagamot sa kanila, kaso isang kahig isang tuka lang rin ako, kuya. Nakakataba lang talaga sa puso ang makakita ng kagaya niyo,” buong paghangang wika ni Belen.

“Maliit na bagay lang naman iyon, ‘neng. Sino-sino ba naman ang magtutulungan?” nakangiting wika ni mamáng tindero.

Hanggang sa nakaalis si Belen sa pwesto nito’y hindi man lang niya nagawang tanungin ang pangalan ng mabait na mamá. Pero kahit gano’n ay alam niyang mananatili sa puso’t isip niya ang kabutihang taglay ng mamáng tindero ng taho.

Hindi lahat ng tao’y may kakayahang tulungan ang iba lalo na kung kumakayod lang din sila para may makain sa pang-araw-araw. Pero ang kagandahan lang ay kahit papaano, kahit maliit na halaga’y nakakaabot ka ng tulong sa kapwa mong higit na nangangailangan.

Ang mga taong grasa’y tao rin na nagugutom… kaya kung manghingi man sila ng makakain sa’yo, sana hangga’t maaari ay bigyan mo ng kahit kaunti.

More Stories