Mahigit Dalawang Oras Nang Naghihintay ang Rider sa Bumili ng Lechon Baboy Kaya’t Kinakabahan na Siya; Ito Pala ang Tunay na Nangyari

“Kuya, hindi pa rin ba dumadating ang um-order niyan sa’yo?” tanong ni Xander sa lalaking nagde-deliver ng lechon baboy.

“Kanina ko pa nga po tinatawagan ang numerong ibinigay ng amo ko sir e, hanggang ngayon panay lang ang ring,” namomroblemang wika nito saka muling itinuon ang buong atensyon sa selpon.

“Naipaalam mo na ba sa opisina niyo ang nangyari?”

Tumango ang lalaki saka muling nagpindot sa selpon. Kanina pang alas diyes ng umaga rito si kuya rider, bitbit ang mainit at mabango pang lechon. Dito raw kasi sa kanila banda naka-address ang lechon na iyon at ang sabi ay dito sila mismo magkikita ng buyer nito. Kaso halos dalawang oras na ang nakakalipas ay hindi pa rin dumadating ang naturang buyer.

“Hindi kaya scam iyan, kuya?” muli niyang tanong.

Pati si Xander ay nag-aalala na kasi baka naloko lang ito, kung nagkataon ay kawawa naman ang rider. Mahirap kung totoong nanloloko lamang ang bumili nito saka hindi naman talaga sisiputin ang kawawang naghahanapbuhay. Tinanong niya kanina ang presyo ng lechon at malulula ka sa halaga, tapos hindi lang kukunin. Nakakawalang gana naman kung gano’n.

“Huwag naman sana, boss,” malungkot na wika ng rider. “Ako ang malilintikan nito. Maayos namang kausap ‘yong aleng nakausap ko kaya sana naman natagalan lang sa pagpunta rito. Iyon lang ang iniisip ko muna sa ngayon. Baka masyado lang malayo ang pinanggalingan nila, baka may aberya lang. Ayokong mag-isip ng negatibo,” anang rider na halata sa boses ang panghihina.

Kahit medyo malapit na itong mawalan ng pag-asa dahil halos dalawang oras na itong naghihintay rito’y pilit pa ring iniisip na maging positibo.

Advertisement

“Ikukuha lang kita ng maiinom, kuya, kasi mukhang nauuhaw ka na,” aniya saka naglakad papasok sa loob ng bahay.

Hindi man nagsasalita si Kuyang Rider ay alam niyang nauuhaw na ito, kanina pa ito naghihintay sa gitna ng tirik na araw kaya malamang ay nauuhaw na ito. Pagkabalik niya sa labas ay may nakita na siyang dalawang taong kausap ni rider, mukhang ito na nga yata ang buyer no’ng lechong idini-deliver ni kuya, kasi inililipat na nito ang lechon sa dalang traysikel.

“Oh! Kayo ba ang um-order niyan?” usisa ni Xander sa dalawang lalaki.

“Ang tiyahin po namin,” sagot ng isang lalaki.

“Kanina pa iyan dito si Kuyang Rider, naghihintay sa inyo. Muntik ko na ngang isipin na scam ang order na iyan, kasi dalawang oras ba namang naghintay si kuya. Buti naman at dumating din kayo,” aniya.

“Naaksidente kasi ang una sanang kukuha ng order na ito. Dinala sa ospital at ngayon ay nagpapagamot, hindi naman grabe ang natamo nila. Sa taranta ng tiyahin ko hindi na niya naalala na may order pala silang lechon. Ito ang pangunahing handa sa kasal ng pinsan ko. Kung ‘di pa naalala ng isang tiyuhin namin na may kulang sa handa, hindi din namin maiisip na kanina pa naghihintay si kuya rito,” mapagkumbabang paliwanag ng isang lalaki.

“Kaya nga nang dumating kami rito kanina’y humingi kami agad ng pasensiya. Malayo pa kasi ang pinanggalingan namin, paakyat pa sa bundok. Eh, sabi no’ng nakausap namin ay hindi na kaya ng rider nila ang paghatid sa lugar namin, kaya dito na lang sinabi ng tita ko saka kami na ang kukuha mismo. Kaso nagkaroon ng problema kaya heto, kadarating lang namin,” segunda ng kasama nitong kanina’y inaayos ang lechon sa loob ng traysikel.

“Hindi kami scam kuya ah, baka isama mo ang pangalan namin sa blocklist ninyo,” biro pa no’ng isang lalaki.

Advertisement

“Hindi po sir, ayos lang. Ngayong narinig ko na ang eksplanasyon niyo’y nawala na po ang lahat ng agam-agam ko kanina. Ganito talaga ang buhay naming mga rider… hihintayin talaga namin ang kustomer namin kahit gaano man iyon katagal,” nakangiting wika ni kuya rider.

“Oh! Mag-tubig muna kayo d’yan, alam kong pare-pareho na kayong nauuhaw,” singit ni Xander sa mga ito.

Nagtawanan naman ang tatlong lalaki at gaya ng inaasahan ni Xander ay naubos nga ng mga ito ang isang pitchel na puno ng malamig na tubig. Matapos magpasalamat ay nagkaniya-kaniyang hiwalay na ang mga ito pabalik sa mga kinaroroonan.

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat isiping naloko ka na ng isang tao. Minsan, may mga biglaang problema lamang na dumarating na hindi inaasahan. Mabuti na lang at nanatiling positibo ang loob ng rider sa kustomer na akala nila’y isa nang manloloko.