Mababait ang Kaniyang mga Anak Ngunit Lahat ay Tamad sa Gawaing Bahay; Madala Kaya Nila Iyon sa Pagtanda?

Mababait ang Kaniyang mga Anak Ngunit Lahat ay Tamad sa Gawaing Bahay; Madala Kaya Nila Iyon sa Pagtanda?

FamilyInspiringStories

“Jason! Kailan mo pa huhugasan iyang mga nakatambak na plato? Kapag inisa-isang basag ko ‘yan sa mukha mo, makikita mo…” gigil na sigaw ng kaniyang inang si Karen. “Huwag mong hintayin na tumaas nang tuluyan ang [email protected] ko’t sigurado akong malilintikan ka na sa’kin,” galit pa rin nitong dugtong.

“Ito na po,” nakabusangot na tugon ni Jason, saka tumayo upang dumeretso sa kusina at simulan ang paghuhugas.

Tatlo silang magkakapatid. Lalaki ang panganay at babae naman ang sumunod saka si Jason ang bunso. May trabaho na ang kaniyang Kuya Joey habang sa mga ganitong oras ay nasa paaralan pa ang kaniyang Ate Jenny at siya ang mas matagal na naglalagi sa bahay. Mula alas sais ng umaga hanggang alas dos lang kasi ang kaniyang pasok sa eskwela. Kaya naman siya ang palaging nakikita at nauutusan ng kaniyang mama.

Sabagay, sa kaniya itinoka ng ina ang paghuhugas, pagpapakain ng mga alaga nilang hayop, at pagwawalis ng kanilang malawak na bakuran. Habang ang ate naman niya ang naglalaba, naglilinis ng bahay at nagluluto ng kanin. Ang kuya nila’y taga-bigay ng budget kaya pagdating nito galing sa trabaho’y deretso hilata na lang at animo’y señoritong pagod.

“Paulit-ulit na lang ako sa kakautos sa’yo, Jason! Pero hanggang ngayon ay wala man lang pumapasok d’yan sa kokote mo. Ipalamon ko mamaya niyan iyang selpon mo kung saan palagi mo na lang kinakalikot at para ka [email protected] sumasayaw-sayaw d’yan!” dere-deretsong litanya nito.

Maihahambing niya ang bunganga ng kaniyang ina na para bang isang granada. Napakaingay at nakakainis!

“Naghuhugas na nga po,” mahina niyang wika.

“Oo nga! Nakikita ko!”

Imbes na sagutin pa ang nanggagalaiting ina ay ipinagpatuloy na lang niya ang paghuhugas ng pinggan. Pagkatapos ng gagawin niyang iyo’y dederetso na siya sa iba pa niyang mga gawain para matigil na ang pagbubunganga nito.

Mabilis na lumipas ang panahon at grumaduate na si Jason sa kaniyang pag-aaral. Natanggap siya sa kaniyang gustong trabaho ngunit ang ipinagdadalawang-isip ng kaniyang ina ay mapapalayo siya sa kaniyang pamilya. Ngunit totoong pursigido siya sa unang trabahong iyon kaya tinanggap niya pa rin ito upang subukang mamuhay nang mag-isa.

Noong panahon na malayo siya sa kaniyang pamilya ay sobra siyang nahirapan. Kung dati ay pagwawalis ng bakuran, paghuhugas ng pinagkainan at pagpapakain lang ng mga alagang hayop ang kaniyang gawain ay naiinis na siya, ngayong siya na lang mag-isa’y solo niyang lahat ang gawain. Bukod sa nagtatrabaho na siya ay siya pa ang gumagawa sa lahat ng gawaing bahay.

Napagtanto niyang mahirap nga pala talaga ang mapalayo sa pamilya. Kung noong kasama niya ang kaniyang pamilya’y kumpleto siyang nakakakain sa isang araw, ngayong siya na lang mag-isa’y magpapasalamat na lang siya kung makakain siya dalawang beses sa isang araw.

Hindi pa pala siya totoong handang lumayo sa pamilya niya. Alam niyang dadating ang araw na kailangan niyang humiwalay sa pamilya niya’t mapag-isa, pero sa mga oras na ito’y parang gusto niyang bumalik sa panahong inuutus-utusan lang siya ng mama niya at pinapagalitan. Ang hirap palang maging responsableng anak.

Hinintay niya munang matapos ang kaniyang kontrata saka umuwi sa bahay nila upang makasama ang kaniyang pamilya. Ngayong kasama niya ulit ang buo niyang pamilya’y saka niya naisip na ang saya-saya pala talaga ng buhay kapag ang pamilya mo ang kasama mo.

“Alam mo anak, ang sabi ng mga kumare ko’y ang swerte-swerte ko raw talaga sa mga anak ko kasi lahat kayo’y mababait at walang mga bisyo. Totoo naman ang bagay na iyon,” wika ng ina habang deretsong nakatitig sa mga mata niya. “Pero alam mo ba kung ano ang sinagot ko sa kanila noong mga panahon na iyon?”

Nag-isang linya ang kilay ni Jason sa kuryosidad. “Ano po iyon, ma?”

Bahagyang tumawa ang kaniyang ina saka muling nagsalita. “Mababait nga kayo’t walang mga bisyo. Pero namomroblema naman ako sa pagiging tamad ninyong lahat na animo’y may mga katulong kayong binabayaran. Kung hindi ko kayo pupukpokin ay hindi rin kayo gagalaw,” anito saka humalakhak. “Pero no’ng mga malalaki na kayo’t isa-isa nang tinatahak ang buhay na hindi kami kasama, naisip kong sana pala’y hindi na lang kayo lumaki,” malungkot na wika ng ina.

“Bakit naman, ma?”

“Kasi mas pipiliin kong magbunganga araw-araw basta kasama ko lang kayo palagi. Kaso alam ko namang hindi ko kayo pwedeng pigilan sa nais niyong buhay. Masaya ako kasi sa nakikita ko sa inyong tatlo ngayon, masasabi kong napalaki ko kayo nang maayos na magkakapatid,” puno ng emosyong sambit ng ina.

Agad naman niyang niyakap ang ina saka bumulong ng pasasalamat. Kung alam lang nito na kagaya ng iniisip nito’y gano’n rin ang iniisip niya. Kung pwede lang sanang manatiling bata habang buhay ay ayaw na niyang lumaki pa. Pero alam naman niyang hindi iyon pwede.

Nagpapasalamat pa rin siya sa mga magulang niya. Napalaki nga sila nito nang maayos, dahil maayos ang buhay nilang magkakapatid ngayon sa sipag at kayod ng mga magulang nila.

Bilang isang magulang… nakakamiss rin talaga kapag malalaki na ang mga anak mo. Minsan hindi mo mapigilang humiling na sana hindi na lang lumaki ang mga anak mo para habang buhay mo silang kasama.

More Stories