Iniligaw ng Ina ang Kaniyang Anak sa Malayong Bundok Ayon sa Kagustuhan ng Bago Niyang Asawa; Isang Matandang Babae ang Makikilala ng Bata

Sa malayong kabukiran ay mag-isang naninirahan si Aleng Irene, isang matandang dalagang mas pinili ang manirahang mag-isa, malayo sa syudad na magulo. Kahit papaano naman ay nabubuhay siya rito sa kabukiran dahil may mga alaga siyang hayop at may mga tanim na mga gulay na madaling pitasin kapag kaniyang kailangan.

Alas sais pa lang ay nagwawalis na si Aleng Irene sa buong bakuran niya at kapag natapos sa pagwawalis ay saka niya pakakainin ang mga alagang manok, baboy, kambing at kabayo.

Habang pinapakain ang kaniyang alagang pusa at aso ay bigla siyang nakarinig ng isang malakas na iyak, na tila ba’y nagmamakaawa. Ngali-ngaling tumakbo palabas si Aleng Irene upang tingnan kung sino ang umiiyak. Nakita niya ang isang batang babae na humahagulhol ng iyak. Nang makita siya ng ina nito’y agad itong kumaripas ng takbo at iniwan ang anak.

“Hoy! Ale, bumalik ka rito! Iniwan mo ang anak mo!” sigaw ni Aleng Irene ngunit nagpatuloy pa rin ito sa pagtakbo.

Nang tuluyang mawala sa paningin niya ang ina ng bata ay saka pa lang niya niyuko ang batang babaeng namumugto ang mga mata sa kakaiyak.

“Anong pangalan mo, ineng? Ilang taon ka na?”

“Samantha po, siyam na taong gulang na po ako,” humihikbing sagot nito.

“Bakit ka iniwan ng nanay mo rito?”

Advertisement

Mas lalong lumakas ang hikbi ng batang babae saka walang pag-aalinlangang niyakap si Aleng Irene. “Ayaw niya na sa’kin,” humahagulhol nitong wika.

Nag-isang linya ang kilay ni Aleng Irene sa sinabi ng bata. Kailan pa nagsawa ang isang ina sa anak nito? Hindi siya binigyan ng pagkakataong maging isang ina, pero alam niya sa sariling kapag biniyayaan siya ng anak, mamahalin niya iyon habang siya’y nabubuhay.

“Ayaw nila sa’kin kaya ayaw na nila akong makita. Nagagalit si Tito Alfred kapag nakikita niya ako, kaya hinatid ako ni mama rito. Sabi ko sa kaniya aalis ako kapag nakita ko na silang ikinasal ni tito, pero ayaw daw ni tito na makita ako sa araw ng kasal nila kaya iniligaw ako ni mama,” humihikbing paliwanag ni Samantha.

Wala sa loob na naipaikot ni Irene sa katawan ng batang si Samantha ang kaniyang braso upang mahigpit itong yakapin. Ano bang akala ng ina nito sa anak? Pusa na maaaring iligaw kapag ayaw na nila rito?

“Tahan na, Samantha. Magpasalamat ka pa rin sa nanay mo kasi hindi ka niya iniligaw sa delikadong lugar. Dito ka niya iniligaw sa lugar ko, kaya kahit wala na si mama mo’y may mag-aalaga pa rin sa’yo at ako iyon. Tahan na,” kausap niya sa bata.

Tumahan naman ito at sinunod ang utos niya. Mula sa araw na iyon ay naging kasa-kasama na ni Aleng Irene si Samantha at kahit papaano’y nagiging masaya siyang kasama ito. Malambing at makulit si Samantha, siguro’y nagkaroon ito ng trauma sa ginawa ng ina, kaya hindi ito nagpapaiwang mag-isa, at naiintindihan niya ito.

Makalipas ang labing anim na taon. Marami ang nangyari at itinaguyod ni Aleng Irene ang batang si Samantha upang bigyan ito ng magandang buhay. Para makapag-aral si Samantha nang maayos ay lumipat sila sa syudad at paminsan-minsan na lang kung umuwi sa bundok. Nakapagtapos ng pag-aaral si Samantha at ngayon ay isa na itong magaling na guro. Gaya noon ay ayaw pa rin nitong pumayag na mahiwalay sa kaniya.

“Mama, salamat ah, maraming-maraming salamat. Kung hindi mo ako inalagaan noong niligaw ako ng sarili kong ina, hindi ko alam kung buhay pa rin ba ako hanggang ngayon,” puno ng emosyong wika ni Samantha sa ina-inahan habang nakayakap rito.

Advertisement

“Salamat din, Samantha, dahil dumating ka sa buhay ko. Akala ko talaga’y doon na ako sa bundok mamumuhay at mamam@tay na mag-isa na ang tanging kasama ay mga hayop. Salamat at mula nang dumating ka’y nagkaroon ng kulay ang malungkot kong mundo. Hindi man ako ang totoo mong ina, masaya ako’t kahit papaano’y naranasan ko ang maging isang ina sa pamamagitan mo,” ani Irene.

Mas lalong hinigpitan ni Samantha ang yakap sa inang si Irene. Alam ng Diyos kung gaano niyang minahal ang babaeng nag-alaga sa kaniya sa panahong itinapon siya ng sarili niyang ina.Kumusta na kaya ang totoo niyang ina? Naging maayos kaya ang lagay nito sa piling ng asawa nitong si Alfred? Noong mga panahon na kwinestyon niya ang pagmamahal nito sa kaniya’y palaging sinasabi ni Mama Irene na kahit gano’n ang ginawa nito sa kaniya’y huwag siyang magtatanim ng galit rito, bagkus ay pasalamatan niya ang ina dahil binuhay siya nito at ipinatunghay sa kaniya ang ganda ng mundo.

Siguro nga’y may sarili itong dahilan sa ginawa at alam niyang walang inang kayang itapon ang anak, sadyang wala lang siguro itong mapagpipilian noong mga panahong iyon. Kung may kasalanan man ang kaniyang ina sa kaniya… iyon ay ang hindi nito pagpili sa kaniya. Pero kahit gano’n ay wala siyang itinanim na galit rito, dahil iyon ang palaging sinasabi ng kaniyang Mama Irene sa kaniya. Ngayon ay itutuon na lamang niya ang kaniyang buhay at buong pagmamahal sa babaeng nag-aruga sa kaniya.