Inday TrendingInday Trending
Pinautang ng Lalaki ang Kaniyang Kumpare Kahit May Reputasyon Itong Matagal Magbayad; Masingil Pa Kaya Niya Ito?

Pinautang ng Lalaki ang Kaniyang Kumpare Kahit May Reputasyon Itong Matagal Magbayad; Masingil Pa Kaya Niya Ito?

“Pare… pasensiya ka na ha… kailangang-kailangan ko lang kasi talaga. Kapag nakaluwag-luwag ako, huwag kang mag-alala, babayaran ko lahat ng mga utang ko sa ‘yo.”

Bagama’t narinig na ni Pedring ang mga litanyang iyan mula sa kumpareng si August, pinautang pa rin niya ang kaibigan. Nagkita sila sa isang coffee shop upang iabot dito ang apat na libong pisong hinihiram nito, na gagamitin daw sa isang mahalagang-mahalagang bagay, na hindi na nito dinetalye kung ano.

“Sige lang pare. Kapag nakaluwag-luwag ka na, bayaran mo na lang ako… pero sana huwag masyadong matagal ah?” biro ni Pedring. Ang totoo niyan, hindi siya sigurado kung mababayaran pa ba nito ang mga utang nito. Ayaw na niya sanang pautangin pa ang kaibigan, dahil sa kanilang magbabarkada, alam nilang palautang talaga ito at matagal magbayad, minsan nga, hindi na talaga nagbabayad.

Alam naman nilang bagama’t may trabaho ito at masipag naman, may ugali talaga itong mahilig humiram ng pera, kaya naman iniiwasan na siya ng iba nilang kabarkada. Si Pedring na lamang ang bukod-tanging nagmagandang-loob na magpautang dito, sa awa na rin na wala na itong matatakbuhan pang iba. Hindi na kasi nila maaasahan pa ang iba pa nilang mga kaibigan.

“Kung hindi lang talaga ako nagipit pare hindi na ako talaga pang mangungutang. Nahihiya na ako sa barkada natin. Yung iba nga nating mga kabarkada, sina Michael, Eric at Feliph, hindi na nagsisisagot sa akin sa Messenger. Seen zone na lang nila ako. Natatakot sigurong magsabi na ayaw na nila akong pautangin dahil nadala na sila,” malungkot na sabi ni August.

“Matanong ko nga lang, pare… kung hindi mo mamasamain ang tanong ko, may trabaho ka naman, pero bakit kailangan mo pang mangutang? Kapos ba ang suweldo mo?” usisa ni Pedring.

“Kuwan, meron kasi akong pinaglalaanan. Pasensiya ka na at hindi ko muna puwedeng idetalye dahil baka mapurnada. Gusto ko malalaman na lamang ninyo na natuloy na. Ito na ang huling alas ko kumpare. Ayoko na sa buhay namin ng pamilya ko na lagi na lamang kaming baon sa utang. Ang totoo niyan, baon na baon na ako sa utang, at kaya ako umuutang ay upang maipambayad din sa utang,” paliwanag ni August.

“Naku pare, ang utang ay hindi dapat binabayaran din ng utang. Kasi nakabayad ka nga sa isa, may panibago ka na namang dapat bayaran. Hindi natatapos,” sabi naman ni Pedring.

“Alam ko naman iyon. Kaya lang kapag nasa sitwasyon ka na talaga na kailangan mo nang lunukin ang pride mo dahil puwede kang ipahiya o idemanda ng pinagkakautangan mo, talagang gagawin mo na ang lahat. Ayokong dumating sa puntong lulusubin kami sa bahay ng pinagkakautangan namin, o kaya naman gawing collateral ang mga gamit o bahay namin para lang makabayad.”

“Sige, pare. Hangad ko na masolusyunan mo ang mga pabigat sa buhay mo ngayon,” huling pahayag ni Pedring.

Ilang buwan lamang at nabalitaan ni Pedring na nangibang-bansa si August. Hindi ito nagsabi sa kaniya kung kailan magbabayad sa mga utang nito. Pinagalitan tuloy siya ng kaniyang misis na si Rosy.

“Ikaw kasi. Hindi ka nakinig sa mga kabarkada ninyo. Wala na ‘yong apat na libo mo saka yung iba pa niyang utang, na kapag pinagsama-sama ay maaari na nating ipamili ng ulam o kaya baon ng mga bata. Masyado ka kasing bilib diyan kay August, eh kilalang hindi nga nagbabayad ng utang iyan,” litanya ni Rosy.

“Hayaan mo na. Malay mo naman, kapag nakaluwag na yung tao, makaalalang magbayad,” sabi na lamang ni Pedring.

Makalipas ang tatlong taon, hindi man lamang nagparamdam sa kaniya si August. Hanggang sa makalimutan na ni Pedring ang utang nito sa kaniya, dahil isang pagsubok ang dumating sa kaniyang pamilya. Nagkabaon-baon siya sa utang dahil kailangan niyang ipagamot ang kanilang anak ni Rosy na dinapuan ng sakit sa puso. Awa ng Diyos, gumaling naman ito. Subalit nahaharap sila sa napakalaking utang sa ospital gayundin sa iba’t ibang mga tao. Naibenta pa niya ang kanilang bahay na ilang taon din niyang pinaghirapan. Problema nila ngayon kung saan sila titira.

Hanggang isang araw, nagulat na lamang si Pedring nang ibalita sa kaniya ni Rosy na wala na silang bill sa ospital.

“Ha? Paano nangyari iyon?” takang tanong ni Pedring kay Rosy.

“Iyan ang sinabi sa akin sa Accounting Department ng ospital. May nagbayad na raw eh. Hindi nagpakilala kung sino. Kung sinuman siya, salamat sa Diyos!” lumuluhang sabi ni Rosy.

At hindi lamang iyon. Kinabukasan, isang malaking kotse ang pumarada sa harapan ng kanilang ibinentang bahay, na kailangan na nilang lisanin sa lalong madaling panahon. Walang iba kundi si August! Mayamang-mayaman na ang hitsura nito.

“A-August? Pare? Kumusta ka na? Big time ka na ah, pasok sa loob at magmeryenda!” sabi ni Pedring. Nagpaunlak naman ito.

Iniabot ni August ang isang brown envelope kay Pedring. Nagulat si Pedring sa laman niyon. Ito ang titulo ng kanilang bahay na naibenta na nila!

“P-Paanong napunta sa iyo ang titulo ng bahay na ito, na naibenta na namin?” maang na tanong ni Pedring.

“Batay sa aking pag-iimbestiga, napakiusapan ko ang nakabili nito na bilhin ko ito mula sa kaniya sa mas mataas na halaga. Ibinibigay at ibinabalik ko na sa iyo itong bahay ninyo, kumpare. Alam kong may sentimental value ito sa iyo, dahil pinaghirapan mo ito. At isa pa… ako ang nagbayad sa hospital bills sa pagkaka-confine at surgery ng inaanak ko,” pagbubunyag ni August.

Isinalaysay ni August ang kaniyang pinagdaanan sa ibang bansa. Sinwerteng natuwa sa kaniya ang kaniyang naging among banyaga, at nang mawala ito sa mundo, pinamanahan siya ng malaking halaga ng salapi, bilang pasasalamat sa pagiging loyal niyang tauhan.

“May mga utang ako sa iyo noon, pero higit pa roon ang pagtanaw ng utang na loob ko sa iyo Pedring at sa iyong pamilya, Hindi mo ako tinalikuran noon, kaya hindi rin kita tatalikuran ngayon.”

Napagtanto ni Pedring na ang pagtulong sa kapwa ay ginagantimpalaan ng Diyos sa takdang panahon. Laging magtanim ng kabutihan sa kapwa, at aani rin ng kabutihan mula sa kanila.

Advertisement