Inday TrendingInday Trending
Sinubukang Mangholdap ng Isang Padre De Pamilya Dahil sa Matinding Pangangailangan; Maisakatuparan Kaya Niya ang Maitim na Balak?

Sinubukang Mangholdap ng Isang Padre De Pamilya Dahil sa Matinding Pangangailangan; Maisakatuparan Kaya Niya ang Maitim na Balak?

“Ibigay mo sa akin iyang bag mo kung hindi, pasasabugin ko yang bungo mo…”

Kabadong-kabado ang babae dahil nakatutok ang baril sa kaniya ng holdaper na si Panying, subalit mas kabado siya dahil ito ang unang beses niyang mangholdap. Tumatagaktak ang kaniyang mga ga-butil na pawis sa kaniyang noo. Kailangang-kailangan niyang gawin iyon. May sakit ang kaniyang asawa, at nawalan siya ng trabaho.

Nanginginig ang kamay ng babae. Kawi-withdraw lamang ito sa isang ATM. Kanina pa ito sinusundan ni Panying. Tiniyak niyang walang tao at nasa bandang madilim na pook bago niya dinaluhong ang babae. Ang itinutok niyang baril ay laruan lamang; baril-barilan.

Nang makuha niya ang target na bag, mabilis na nagtatatakbo si Panying. Halos madapa-dapa siya. Halos matalisod siya at hindi niya na alam kung saang eskinita ba siya nasuot. Hindi na niya inalintana kung maputik o mabato ba ang daang kaniyang tinatahak; ang mahalaga sa kaniya, makawala siya at mawala sa paningin ng babaeng nabiktima, na noon ay naghihisterya na, nagsisisigaw, at humihingi ng tulong.

Habang patakas na tumatakbong palayo, naalala pa ni Panying ang mga sinabi sa kaniya ng kaniyang inang bungangera, na buong buhay niya ay laging pabigat at walang kuwentang anak ang tingin sa kaniya. Bago niya naisipang mangholdap, lumapit muna siya rito upang subuking manghiram ng pera.

“Ikaw na walang kuwenta kong anak! Ngayong nangangailangan ka ng kuwarta, sa akin ka lalapit? Ang nipis-nipis din ng mukha mo, ‘no? Wala akong kuwarta! Sa halip na ikaw ang magbibigay sa akin, sa akin ka pa dedelihensiya?” tungayaw ni Aling Barbara kay Panying.

“Sige na ho, Inay. Ibabalik ko rin naman ho. Nagkataon lang talaga na kapos ako ngayon dahil nawalan nga ho ako ng trabaho. Kapag ho nakatisod ako ng suwerte sa daan, magbabayad po ako,” hindi tumitingin sa inang sabi ni Panying.

Nilunok ni Panying ang kaniyang pride sa paglapit niya sa kaniyang ina. Hindi niya alam kung bakit hindi maganda ang trato nito sa kaniya noong bata pa lamang siya, Mas maayos ang turing nito sa mga nakatatanda niyang kapatid. Naisip niya, baka hindi siya tunay na anak, subalit hindi naman ito kinukumpirma ni Aling Barbara. Hindi naman niya matanong ang ama dahil matagal na itong nasa hukay.

“Wala! Wala akong pera. Umutang din ang mga kuya at ate mo. Lintik kayo, mga wala kayong silbi sa buhay ko. Pinalamon ko na kayo noong mga bata pa kayo, at ngayong may mga pamilya na kayo, sa akin pa rin kayo tatakbo?” galit na sabi ni Aling Barbara.

Dahil pakiramdam ni Panying ay wala siyang aasahan sa kaniyang ina, tumayo na siya at walang lingon-likod at paalam na umalis na. Narinig pa niya ang pahabol nitong pahayag.

“Buwisit ka! Huwag ka nang babalik dito, animal!”

At dahil desperado na, naisip niya ang panghoholdap. Ang totoo niyan. natutuhan niya ito sa isa niyang kasamahan sa trabaho. Ito ang nangholdap at sumama lamang siya. Doon siya nagka-ideya kung paano ito ginagawa.

Nagmamadali na si Panying. Nang medyo nakalayo na, kinalkal niya ang bag ng babae. Bukod sa mga make up at ilang mahahalagang ID, ang nakuha niya rito ay nakasiksik na limang libong piso mula sa nawithdraw nito sa ATM. Naroon din ang resibo. Tantiya niya, kumuha ito ng pera mula sa sinweldo. Itinapon niya ang bag sa katabing basurahan. Subalit nang paalis na siya…

“Holdap ito… huwag kang gagalaw kung ayaw mong mabutas ang sikmura mo…”

Nagulat si Panying. Dalawang lalaki ang nakatambang sa kaniya. May hawak na mahabang patalim ang isa rito, parehong namumula ang kanilang mga mata, halatang nakagamit ng ipinagbabawal na gamot. Nanginig ang kalamnan ni Panying. Nasa harapan siya ngayon ng tunay na mga holdaper, tunay na halang ang mga bituka, at nakahandang manakit para lamang makapag-umit.

Walang nagawa si Panying. Ibinigay niya sa kanila ang limang libong pisong nakuha niya mula sa babaeng hinoldap. Bago tuluyang umalis ang ngingisi-ngising mga holdaper, binatukan pa siya ng isa.

“Wala ‘to… marami ka pang kakaining bigas tsong!” sabi nito, sabay karipas ng takbo. Balak niya sanang habulin ang dalawa, subalit naisip niya, wala siyang laban kapag binalikan siya ng mga ito.

Ngayon lamang siya nakakita na ang holdaper ay naholdap ng lehitimong holdaper. Subalit huli na ang lahat. Hindi namalayan ni Panying na nasundan pala siya ng mga barangay tanod kung saan humingi ng saklolo ang kaniyang babaeng naholdap. Wala siyang nagawa nang masukol siya ng mga ito. Hindi siya nakahuma at nakatakas dahil sa matinding pagkabigla sa mga nangyari.

“Hayop ka! Hayop ka! Iyan ang humoldap sa akin! Hayooooopppp!”

Nakitang ebidensiya laban kay Panying ang bag na itinapon niya, gayundin ang CCTV sa kalsada kung saan niya hinoldap ang babae. Hindi nagpaawat ang babae na ituloy ang demanda laban sa kaniya. Tuluyan siyang nakulong.

Ang kaniyang maysakit na asawa at anak ay inalagaan na lamang ng kaniyang biyenan. Tunay ngang laging nasa huli ang pagsisisi.

Advertisement