Inday TrendingInday Trending
Hindi Niya Matanggap ang Bagong Boyfriend ng Kaniyang Ina; Lalo na’t Isang Gabi ay Pinasok Nito ang Silid Niya!

Hindi Niya Matanggap ang Bagong Boyfriend ng Kaniyang Ina; Lalo na’t Isang Gabi ay Pinasok Nito ang Silid Niya!

Napasimangot si Iris nang madatnan ang Mommy niya na tumatawa nang malakas sa sala. Mukhang aliw na aliw ito.

Malaking malaki na naman ang ngiti nito kasama ang boyfriend nitong si Darius. Madalas sabihin ng Mommy niya na tawagin niyang “Tito Darius” ang lalaki subalit hindi niya talaga maatim na tawagin nang ganun ang naturang lalaki.

“Hi, Iris!” Ang lalaki ang unang nakapansin sa pagdating niya.

“Hello po,” matabang na bati niya pabalik dito.

“Anak, join us! Maganda ang pinapanoood namin ni Tito Darius mo,” paanyaya naman ng kaniyang ina.

“No thanks, Mommy. May mga gagawin po ako,” tanggi niya bago pa man ito makaimik.

Pagod na humiga si Iris sa kaniyang kama.

Kung tutuusin, mukhang okay naman ang lalaki. Matandang binata ito. Mabait ito sa kaniya, may magandang trabaho, at higit sa lahat ay nakikita niyang masayang masaya ang kaniyang Mommy sa tuwing kasama nito ang lalaki.

May napansin lang siyang kakaiba sa lalaki. Madalas ay nahuhuli niya itong nakatingin sa kaniya. ‘Pag nagtagpo ang kanilang mga mata ay ngingiti lamang ito na parang walang nangyari.

Hindi niya naman masabi iyon sa ina dahil una, wala namang ginagawa ang lalaki na dapat niyang isumbong sa ina. Ikalawa, nakikita niya na mahal nito ang kaniyang ina.

Ipinagkikibit balikat na lamang niya ang bagay na iyon.

Nangilid ang luha ni Iris nang mahagip niya ng tingin ang family picture nila na nakapatong sa lamesa katabi ng kaniyang kama.

“Daddy, bakit ba kasi ang aga aga mong nawala?” naluluhang wika niya habang nakatingin sa kaniyang ama na malaki ang ngiti sa picture.

Tatlong taon pa lamang ang nakalilipas nang pumanaw mula sa colon canc*r ang kaniyang ama.

Daddy’s girl siya kung tutuusin kung kaya naman ininda niya ang pagkawala ng kaniyang ama.

Iyon din ang dahilan kaya hindi niya matanggap si Darius.

Hindi niya kayang isipin na may papalit na sa kaniyang Daddy. Ang Daddy niya na mahal na mahal siya.

Napahikbi na lamang si Iris dahil sa nararamdamang pagkadismaya.

Gusto niyang sumaya ang Mommy niya, pero ayaw niya na palitan na lamang ng kung sino ang alaala pinakamamahal niyang ama.

Nakatulugan ni Iris ang pag-iyak. Halos dalawang oras ang lumipas nang magising siya ng katok sa kaniyang nakasaradong pinto.

“Iris, lumabas ka ng kwarto mo at kakain tayo ng hapunan,” narinig niyang pagtawag ng kaniyang Mommy.

Akmang tatanggi siya nang maramdaman niya ang pagkalam ng kaniyang sikmura.

“Opo, Mommy! Bababa na po ako!” sigaw niya sa ina.

Pinigilan ni Iris ang mapasimangot nang makitang nagtatawanan ang kaniyang Mommy at si Darius sa hapag kainan.

Nang mapansin ng lalaki ang kaniyang presensiya ay walang pag-aalinlangan itong tumayo ay ipinaghila siya ng upuan.

“Thanks po,” kiming wika niya sa lalaki.

Ang kaniyang Mommy naman ay pagkalawak lawak ng ngiti.

Sa kalagitnaan ng pagkain ay may sinabi ang kaniyang ina na hindi niya nagustuhan.

“Iris, dito matutulog ang Tito Darius mo ha,” pagbabalita ng kaniyang ina.

Napahinto si Iris sa pagkain. Walang paalam na tumayo siya at umalis sa hapagkainan.

“Iris, bumalik ka rito. Irespeto mo ang pagkain!” mahina ngunit mariing wika ng kaniyang ina.

Dire-diretso niyang tinahak ang daan papunta sa kaniyang silid.

Narinig pa niyang nagsalita si Darius, na tila kinakalma ang kaniyang ina.

“Tina, it’s okay. Bigyan natin ng oras si Iris tanggapin ang mga pagbabago. Dadahan-dahanin natin para hindi siya mabigla,” masuyong wika ng lalaki sa kaniyang ina.

Nagmamarakulyong ibinagsak niya ang katawan sa kama.

Ayaw niyang magkalamat ang relasyon nila ng kaniyang ina subalit hindi niya pa kayang tanggapin sa ngayon ang lalaki.

Sa kalagitnaan ng gabi ay nagising ang diwa ni Iris. Narinig niya kasing bumukas ang kaniyang pinto.

“Marahil ay binibisita ako ni Mommy,” sa isip isip niya. Tahimik siyang nakiramdam.

Naramdaman niya ang malalaking palad na humaplos sa kaniyang buhok. Nasa likuran niya ito.

Nanlaki ang mata niya sa reyalisasyon na hindi iyon kamay ng Mommy niya! May masama bang binabalak si Darius?

Alerto niyang pinakiramdaman ang susunod na gagawin ng lalaki.

Kung may masamang balak ito sa kaniya ay isa lang ang ibig sabihin nun – hindi ito ang tamang lalaki para sa Mommy niya.

Kahit maaaring nasa panganib ay hindi maiwasang magdiwang ni Iris. Magkakaroon na kasi ng dahilan para hindi maghiwalay ito at ang Mommy niya.

Akmang dadapo ang kamay ng lalaki sa ibang parte ng kaniyang katawan nang bigla siyang humarap sa lalaki.

Sa gulat ay napaatras ang lalaki.

“Anong ginagawa mo sa kwarto ko?” matapang na tanong niya sa lalaki.

Hindi nito maapuhap ng sasabihin.

“A-ah, e-eh may ano lang kasi–” Malikot ang mata ng lalaki. Tila nag-iiisip ng idadahilan sa kaniya.

“Mommy!” malakas na sigaw niya. Siguradong kahit kapitbahay nila ay narinig ang sigaw niya.

“Anong meron?” Humahangos na sumungaw sa kaniyang pinto ang kaniyang ina. Sa pagtataka niya ay halos limang segundo lang at dumating na ito.

“Mommy! Si Darius pinagtangkaan akong gawan ng masama!” sumbong niya sa ina. Kumapit siya dito.

“Ano?” Sa kaniyang panggigilalas, imbes na magalit ay natawa pa ang kaniyang ina na para bang ang sinabi niya ay isang katatawanan.

“Mommy! Bakit ka tumatawa? At bakit hindi ka naniniwala sa akin?” yamot na sita niya sa ina.

“Sorry, anak, pero imposible ‘yang sinasabi mo! Paano ka naman gagawan ng masama ng sarili mong–”

Hindi na nito naituloy ang sinasabi dahil pinutol ito ni Darius.

“Tina!” saway nito.

“Mommy, ano?” naguguluhang usisa niya sa ina.

Bakit parang may lihim ang mga ito na hindi gustong ipaalam ni Darius sa kaniya?

“Darius, sa tingin ko ay panahon na para malaman ni Iris ang totoo,” baling ng kaniyang ina sa lalaki.

“Masasaktan siya, Tina,” paliwanag ng lalaki.

“Malalaman niya rin naman. Mas mabuti na ito para handa siya sa katotohanan,” sagot naman ng kaniyang ina.

Pinaupo siya nito sa kama. Hinawakan nito ang kaniyang balikat.

“Iris, makinig ka. Sasabihin ko sa’yo ang dahilan kung bakit imposible ang sinasabi mo kanina. Hindi ka magagawang pagsamantalahan ni Darius dahil siya ang tunay mong ama,” pasabog na kaniyang ina.

Saglit na natulala si Iris. Pilit na pinoproseso ang katotohanang isinawalat ng ina.

“M-mommy? P-paano pong? Ibig sabihin ay hindi si Daddy Rey ang tunay kong ama?” nangingilid ang luhang kumpirma ni Iris sa sinabi ng ina.

“Oo, anak,” hinaplos ng kaniyang ina ang kaniyang buhok.

“Si Darius talaga ang boyfriend ko noon. Ayaw ng lola at lolo mo sa kaniya dahil mahirap lang ang pamilya nila dati. Kaya ipinakasal nila ako sa Daddy Rey mo. Kasal na kami nang malaman ko na buntis ako sa’yo,” patuloy na kwento ng kaniyang ina.

“Akala ko ay hihiwalayan niya ako pero sadyang napakabait ng Daddy Rey mo dahil tinanggap at minahal ka niya na parang sarili niyang anak. ‘Yun ang dahilan kaya natutunan kong mahalin ang Daddy mo, anak,” naluluhang wika ng kaniyang ina. Tila inaalala nito ang yumao niyang ama amahan.

“Nakita ni Darius na masaya ako sa Daddy Rey mo at minahal ka nito na parang sariling anak kaya naman hindi niya na tayo ginulo pa at nakontento na lang siya na tingnan tayo mula sa malayo,” malungkot na wika ng kaniyang ama.

Nabaling ang pansin niya kay Darius na tahimik lamang nakatayo sa isang sulok. Nakita niya ang pasimpleng pagpapahid nito ng luha.

Nakaramdam siya ng awa sa lalaki. Naisip niya na napakatagal nitong nagparaya at napag-isa para sa ikabubuti nila ng kaniyang Mommy.

Sa isipin na iyon ay tumulo nang walang patid ang masaganang luha mula sa mga mata ni Iris.

“Iris, hindi mo ba talaga ako kayang tanggapin?” Maya maya any wika ni Darius. Damang dama niya ang lungkot sa tinig ng lalaki.

“Nalulungkot lang po ako sa mga pinagdaanan niyo… Papa,” humihikbing sagot niya sa lalaki.

Nanlaki ang mata nito. Hindi makapaniwala na tinawag niya itong “Papa.”

Naramdaman niya ang mahigpit na yakap ng lalaki. Halata ang pangungulila nito sa kaniya.

“Masaya ako na lumaki kang mabuting bata, Iris. Malaki ang pasasalamat ko sa Daddy Rey mo. Pangako, hindi na tayo maghihiwalay ulit,” bulong nito.

Nang lingunin niya ang kaniyang ina ay tahimik itong nagmamasid sa kanila nang may luha rin ang mga mata.

Hindi makapaniwala si Iris sa biyayang natanggap niya. Binigyan siya ng Diyos ng isang taong tumayong mabuting ama sa kaniya simula pagkabata. Nang mawala ito ay muli siyang binigyan nito ng pagkakataon na magkaroon ng ikalawang ama.

Makalipas ang isang taon ay nagpakasal si Tina at Darius. Biniyayaan ang mga ito ng isa pang supling na lalaki, na pinangalan nilang Rey, bilang pag-alala sa lalaking minahal sila nang lubos.

Masaya man sa piling ng kaniyang tunay na magulang ay hinding hindi niya makakalimutan ang Daddy Rey niya. Aalalahanin niya ang pagiging mabuting ama nito hangga’t siya ay nabubuhay.

Advertisement