Inday TrendingInday Trending
Isang Estranghero ang Tumulong sa Kaniya; Namangha Siya sa Kwento sa Likod ng Kabutihang Loob Nito

Isang Estranghero ang Tumulong sa Kaniya; Namangha Siya sa Kwento sa Likod ng Kabutihang Loob Nito

“Huwag mong kalilimutan na birthday ngayon ni Tatay Alberto,” bilin ng kaibigan niyang si Amanda.

Lihim na napabuntong-hininga si Lito lalo na nang marinig ang sigla sa tinig nito. Siyempre paano niya ba iyon makakalimutan kung maya’t maya nitong pinapaalala?

“Ang cake. Iyon ang pinakamahalaga sa lahat,” walang sawang paalala nito.

Siya kasi ang naatasan na bumili ng cake dahil abala ang mga ito sa paaralan.

Gusto kasi nilang surpresahin si Tatay Alberto.

Alam niya rin bakit ganoon na lamang ang kagustuhan ng mga kaibigan na surpresahin ang matanda. Madalas kasi nila itong makita na tulala at mukhang malalim ang iniisip.

Hindi niya makakalimutan nang minsang tanungin niya ito kung bakit malungkot ito.

Ang tanging sagot nito ay, “Wala naman. Minsan iniisip ko kung naging makabuluhan ba ang buhay ko.”

Tingin nila ay dahil tumatanda na ito kaya nito naiisip nito ang mga ganoong bagay kaya pinlano nilang sorpresahin ito sa birthday nito para naman sumaya ito kahit papaano.

Nag-ambagan silang magkakaibigan para mabili ito ng cake. Subalit hindi niya masabi sa mga kaibigan na nagastos niya ang malaking bahagi ng pambili dahil may ginawa siyang project sa school.

Hindi naman nila kadugo si Tatay Alberto. Nakilala lamang nila ito noong minsan silang mag-volunteer sa home for the aged. Naging malapit ang loob nilang magkakaibigan dito at itinuring nila itong tunay na Lolo.

Higit na malapit ang loob niya rito dahil pumanaw na ang kaniyang tunay na lolo ilang taon na ang nakalipas.

Maraming aral at payo si Tatay Alberto para sa kanila kaya nalulungkot siya na iniisip nitong walang kabuluhan ang buhay nito. Nais nila itong pasayahin kahit na sa maliit na paraan.

“Hindi bale, may kaunti pa naman dito. Sana ay magkasya,” bulong niya sa sarili habang kinakapa ang natitira pang halaga sa kaniyang bulsa na mula sa mga kaibigan.

Ayaw niyang biguin ang mga ito lalo pa’t naglaan talaga ang mga ito ng pera kahit na kagaya niya ay hindi naman mayayaman ang mga ito.

Sana lang ay maintindihan ng mga ito ang sitwasyon niya.

Problemado tuloy siya habang naglalakad papunta sa sakayan ng jeep.

Bagsak ang balikat na pumasok siya sa isang grocery store at naghanap ng kung anong pwedeng bilhin ngunit sa huli ay tinapay, palaman at kandila lamang ang kaniyang kinuha upang bayaran. ‘Yun lang kasi ang sa tantiya niya ay kayang bilhin ng natitira niyang pera.

Napakahaba ng pila ngunit nang siya na ang nasa harap ng kahera ay busangot na bumaling sa kaniya ang babae matapos niya iabot dito ang isandaang piso.

“Kulang pa ito, Sir.”

Kulang pa raw iyon ng mahigit sa bente pesos. Dumukot siya sa kaniyang bulsa at nakapa ang ilang barya na masuwerteng naitabi niya sa kabilang bulsa.

Subalit natapik niya rin ang noo nang maalalang kailangan niya magtira para sa pamasahe. Hindi niya kayang lakarin ang distansiya ng grocery store at ng bahay nila.

Nahihiyang nagsabi siya sa kahera.

“Naku, pasensiya na, Miss. Barya na lang po ang natira sa akin, pamasahe ko na lang po ito. Pwede bang ibalik ko na lang sa susunod ang kulang? Dito naman po kami madalas mamili,” pakiusap niya.

Nagtaas ng kilay ang kahera at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa.

“Naku, Sir. Hindi na uso ang mga ganyan sa amin. Ilang beses na kami nanakawan, kilala na namin ang ganiyang estilo,” komento ng babae.

Nanlaki naman ang mata ni Lito. Kailanman kasi ay hindi niya inakala na mapagbibintangan siyang manloloko. Nakakasama pa ng loob dahil lang napagsalitaan siya nang masama dahil sa kakarampot na halaga.

“Miss naman, bente pesos nanakawin pa ba ngayon?” hindi makapaniwalang sagot niya sa babae. Pinipigilan niya ang inis.

Imbes na humingi ito ng paumanhin ay mas lalo lang itong naging sarkastiko ang ekspresyon nito at muli siyang pinasadahan ng tingin.

Nanliit siya nang makita na marumi at pawis ang kaniyang damit.

“Umalis na lang ho kayo. Kung hindi ay tatawagin ko ang gwardiya.”

Nagbubulungan na ang mga tao sa kaniyang likod. Nagrereklamo ang iba dahil ang tagal umusad ng pila at ang karamihan ay sumasang-ayon sa kahera.

“Aalis na lang ako,” nanliliit na pagsuko niya.

Minabuti niya na lang na umalis dahil mapapaaway pa siya. Hindi iyon ang gusto niya para sa kaarawan ni Lolo Alberto lalo na’t ayaw nitong nakikipag-away sila. Siguradong kagagalitan siya.

Bumuntong-hininga siya at aktong aalis na nang may magbagsak ng isang libong piso sa harap ng kahera. Nang tingnan niya kung sino iyon ay nakita niya ang isang kostumer na lalaki. Ito ang lalaking nauuna sa kaniya sa pila.

“Heto ang bayad para sa lahat ng pinamili niya. Hindi mo siya dapat hiyain sa kakarampot na kulang niya, Miss. Makakarating ito sa iyong boss.”

Natahimik ang lahat at kitang-kita niya ang pamumutla ng kahera. Hindi agad ito nakasagot.

Nanginginig na inilagay nito sa plastik ang lahat ng kaniyang pinamili.

Laglag ang pangang minasdan naman ni Lito ang kabuuan ng lalaki na kabaligtaran niya ay napakagara ng gayak. Halatang mapera ang lalaki.

“Sir, huwag po. Baka matanggal po ako sa trabaho. Sorry po!” hinging paumanhin ng babae na kanina lamang ay napakatapang.

“Huwag ka sa akin mag-sorry kung hindi sa kaniya,” taas kilay na tukoy ng lalaking magara ang suot kay Lito.

Hinarap siya ng babae at tila maamong pusa itong humingi ng paumanhin.

Tumango na lamang siya dahil ayaw niya nang palakihin ang nangyari.

Bitbit ang kaniyang pinamili ay lumabas na siya ng tindahan. Hinanap niya ang mabait na lalaki na tumulong sa kaniya at nakita niyang naglalagay ito ng mga pinamili sa sasakyan nito.

Lumapit siya upang tulungan ito.

“Hindi mo kailangang gawin iyan!” pigil nito ngunit hindi siya nagpatinag. Isa isa niyang isinakay ang mga karton sa magarang kotse nito.

Nagpasalamat ulit siya dito dahil sa kabaitang ipinamalas nito. Hindi lang siya nito nilibre, ibinigay pa nito sa kaniya ang sukli ng pera nang malaman nito na birthday ng kaniyang Tatay Alberto.

May siguradong pambili na siya ng cake!

“Anong pong maari kong gawin para mabayaran ko ito?” tanong niya.

Ngumiti ito sa kaniya. “Kahit hindi na sa akin. Kahit sa ibang tao na lang.”

Kumunot naman ang kaniyang noo dahil hindi niya maintindihan ang ibig nitong sabihin.

Mula sa bulsa ay kinuha nito ang mamahalin nitong wallet at kinuha nito ang isang nakatuping papel.

Ibinigay nito sa kaniya ang papel at doon ay nabasa niya ang mga salitang “Ipasa sa iba ang kabutihan palagi.”

“Noong bata pa ako, wala rin kaming pera ni nanay. Gutom na gutom na kami kaya nagpunta ako sa tindahan para humingi ng pagkain. Kagaya mo, pinag-isipan ako nang masama. Buti na lang at may isang lalaking tumulong sa akin. Siya ang nagbigay ng papel na ‘yan na isinasabuhay ko mula noon hanggang ngayon. Kung kaya nating tumulong, bakit tayo pipikit at magbubulag-bulagan, ‘di ba?” kwento nito.

Manghang-mangha siya sa narinig. Nakakamangha nga naman kung paano nito isinapuso ang natutunan mula sa isang estranghero.

Ibinigay nito sa kaniya ang papel dahil ayon dito, siya naman ang may misyon na tumulong sa iba sa paraang alam niya.

Buong pusong tinanggap ni Lito ang papel kasabay ang pangako na ibabalik niya sa iba ang kabutihang loob nito sa kaniya.

Masaya siyang umuwi sa kaniyang pamilya at ikinuwento sa mga ito ang nangyari nang araw na iyon.

Ipinakita niya kay Lola Alberto ang papel at nagulat siya nang makitang nangilid ang luha nito.

“Bakit po, Tatay?” takang usisa niya.

Pinunasan nito ang luha bago ngumiti nang matamis. “Mukhang may kabuluhan naman pala ang buhay ko,” sabi nito.

Pagkatapos ay ikinuwento nito ang isang beses na may tinulungan itong isang nagugutom na bata ilang dekada na ang nakalipas.

Napagtanto nila na ang kanilang Tatay Alberto ang estranghero na tumulong sa estranghero na tumulong kay Lito nang araw na iyon.

Bumalik dito ang kabutihan na minsan nitong ginawa sa iba. Napakalaki ng mundo subalit lubha ngang nakamamangha na lahat ng ginawa mo, mabuti man o masama, ay babalik at babalik sa iyo.

Advertisement