Inday TrendingInday Trending
Galit ang Maybahay sa Ampon ng Asawa; Lalambot ang Puso Niya Paglipas ng Panahon

Galit ang Maybahay sa Ampon ng Asawa; Lalambot ang Puso Niya Paglipas ng Panahon

“Paul, hindi ba nag-usap na tayo tungkol dito. Hindi mo aampunin ang anak ng kaibigan mo! Kung tayo nga ay gipit na at hindi na nagkakasya ang sinasahod mo, nag-uwi ka pa ng isang palamunin dito? May iba pa naman siguro ‘yang kamag-anak. Doon mo ibigay ang batang iyan!” galit na wika nng buntis na si Sita sa kaniyang asawa.

“Kilala ko ang mga kapatid ni Pareng Ric. Hindi nila itatrato itong si Lucy ng maayos. Nangako ako sa kaniya na pangangalagaan ko itong anak niya. Kaya parang-awa mo na, Sita, nakikiusap ako sa iyo. Wala nang mapupuntahan si Lucy,” pakiusap ni Paul sa kaniyang misis.

Nasawi mula sa isang aksidente sa kanilang pinagtatrabahuhang construction site ang matalik na kaibigan ni Paul na si Ric. Naiwan nito ang sampung taong gulang na anak na si Lucy. Sumakabilang buhay na rin ang ina nito kaya sa pagkawala ng ama ay naging lubusang ulila na ang bata.

Ngunit tutol si Sita sa pagkupkop nila sa bata. Manganganak na kasi siya at magkakaroon na sila ng anak ni Paul Bukod sa hindi naman sila nakakariwasa sa buhay ay ayaw rin ng ginang na mahati pa ang atensyon ng mister sa kaniyang anak.

“Simula ngayon ay dito ka na titira, Lucy. Tawagin mo akong Tatay Paul at ito naman ang iyong Nanay Sita. Ituring mo na kaming bago mong pamilya. Kung may kailangan ka ay h’wag kang mahihiyang magsabi sa amin ng Nanay Sita mo ah,” sambit ng ginoo sa bata.

Tumango lamang si Lucy at halatang nahihiya sa mga ito. Bakas pa rin sa kaniyang mukha ang lungkot sa pagkakawala ng kaniyang mga magulang.

Naging maayos naman ang pagtira doon ni Lucy. Maayos ang naging pagtrato sa kaniya ng kaniyang Tatay Paul. Ngunit hindi maiiwasan na masungitan siya ni Sita. Lalo pa at hindi ito pabor sa pamamalagi ng bata sa kanilang bahay.

“Intindihin mo na lang ang Nanay Sita mo. Mainitin talaga minsan ang ulo ng mga buntis. Hayaan mo at kapag nakapanganak na siya ay magbabago din ang pakikitungo niya sa iyo,” paliwanag ni Ric sa anak-anakan.

Kaya ganito na lamang ang paghihintay ng bata na makapanganak ang kaniyang Nanay Sita. Ngunit nang dumating na ang araw na ito ay tila kasalungat ang nangyari. Lalo itong naging magagalitin at lalong naging mabilis din ang pag-init ng ulo nito sa bata.

Hindi rin maganda ang pakikitungo ni Sita kay Lucy. Ang tingin kasi nito ay isang malaking kaagaw sa atensyon at pangangailangan ng anak ang inampong bata.

“Paul, tingin ko ay panahon na para isauli mo na si Lucy sa mga tunay niyang kamag-anak. Kailangan ay pagtuunan na natin itong pamilya natin ay hindi mo magagawa na ituon ang atensyon mo sa anak natin hanggang narito ang batang iyan,” pahayag ni Sita sa asawa.

“Mabait na bata naman si Lucy at hindi naman niya inaagaw ang atensyon ko sa inyo lalo na sa anak natin. Ginagawa ko naman ang lahat para maitaguyod kayo. Hayaan mo na rito si Lucy. Pag-aralan mo na mahalin siya at ituring bilang sa atin,” muling pakiusap ng mister.

Lumipas ang mga taon at nagdalaga na itong si Lucy. Hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang nanay-nanayan ngunit nasanay na siya sa ginang. Mabait naman kasi sa kaniya ang kaniyang Tatay Paul. Sa katunayan nga ay pinag-aral pa siya nito sa kolehiyo kahit na tutol itong si Sita.

“Siguro naman, Paul, kapag nakatapos na ‘yan at nagkatrabaho ay p’wede na ‘yang umalis dito at bahala na siya sa buhay niya. Aba, mas matindi pa ang nagawa mo sa kaniya. Biruin mo ay magtatapos na siya ng kolehiyo. Kung nasa kamag-anak niya ‘yan ay baka hindi man lang nakatuntong ng hayskul ‘yan!” sambit ng ginang.

“Ginawa ko lang ang nararapat. Saka hindi lang naman ako ang nagtiyaga upang mapaaral si Lucy. Nagsikap naman din siya. Tingnan mo nga, nagtatrabaho din kahit na nag-aaral. Purisgido talaga siya sa buhay,” paliwanag ni Paul.

“Matagal na akong nagtiis, Paul. Sa pagkakataon na ito ay ako na ang masusunod. Kapag nakapagtapos na siya ay aalis na siya dito sa bahay na ito o kami ang aalis ng anak mo,” giit muli ng ginang.

Sa araw mismo ng pagtatapos ng dalaga ay pilit na siyang pinaalis ni Sita sa kanilang bahay. Wala naman nang magawa rin si Paul. Tinulungan na lamang niya ang dalaga na makahanp ng matutuluyan.

“Kapag may problema ka, anak, h’wag kang mahihiyang tumawag sa akin. Pasensiyahan mo na ang Nanay Sita mo,” sambit ni Paul kay Lucy.

“Naiintindihan ko po, ‘tay! Maraming maraming salamat po sa suporta niyo sa akin!” tugon naman ng dalaga sabay yakap sa tatay-tatayan.

Sa unang pagkakataon ay parang nabunutan ng tinik itong si Sita sa pagkakaalis ni Lucy sa kanilang pamamahay. Gustong gusto niya ang atensyon na ibinibigay ng asawa sa kanilang mag-ina.

Ngunit makalipas lamang ang dalawang taon ay inatake sa puso si Paul at na-istrok ito. Ang dating malakas na pangangatawan ay tila unti-unting inuubos ng panahon.

Dahil na rin sa kalagayan ni Paul, ay unti-unti ng naubos ang ipon ng mag-asawa. Nang malaman ni Lucy ang naging kalagayan ng ginoo ay agad siyang nagtungo sa bahay nito upang tignan ang kalagayan ng amain.

“Nay, h’wag na po kayong malungkot. Ako na po ang bahala na magpagamot kay Tatay Paul. H’wag niyo na rin pong isipin ang lahat ng gastusin dito sa bahay at ang pag-aaral ni Lizzie, ako na po ang bahala sa lahat ng iyan,” pahayag ni Lucy sa ginang.

Laking gulat ni Sita sa sinabi ng dalaga. Dahil maganda ang tinapos nito sa pag-aaral at talagang masikap ay madali siyang nakapaghanap ng trabaho at agad siyang napromote.

“Kahit na hindi maganda ang naging pagtrato ko sa iyo ay ganito ang isusukli mo sa akin?” napaluha na lamang ang ginang habang sinasabi ang mga ito sa anak-anakan.

“Kayo lamang po ang pamilya ko, Nanay Sita. Utang ko po sa inyo ni Tatay Paul ang lahat ng tinatamasa ko ngayon. Kung wala po ang pamilyang ito ay hindi ko na po alam kung saan po ako pupulutin,” sambit ni Lucy sa ginang.

“Kahit naman po hindi naging maganda ang ating pagsasama ay hindi po ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo. Naniniwala po ako na d’yan sa kalooban niyo ay may pagmamahal rin kayo sa akin. Dahil kung wala po, sana ay hindi niyo na ako pinatuloy sa bahay at mga buhay ninyo,” dagdag pa ng dalaga.

“Hindi talaga nagkamali ang Tatay Paul mo sa iyo. Mabait ka talagang bata. Patawarin mo ako sa lahat ng pagkukulang ko sa iyo at sa lahat ng hindi magandang nagawa ko sa iyo noon,” wika ni Sita.

Inako na ni Lucy ang lahat ng responsibilidad ni Paul para sa kanilang pamilya. Ganti ito ng dalaga para sa lahat ng taon na inari siyang bilang isang tunay na anak ng ginoo. Mula noon ay naging maayos na rin ang pagsasama nila ng kaniyang Nanay Sita. Laking pasasalamat nito na dumating si Lucy sa kanilang buhay at muling nadugtungan ang buhay ng kaniyang mister.

Advertisement