Inday TrendingInday Trending
Kinalakhan at Inakala ng Batang Lalaki na ang Pananakit sa Asawa ay Tanda ng Pagmamahal; Madala Kaya Niya Ito sa Kaniyang Pagtanda?

Kinalakhan at Inakala ng Batang Lalaki na ang Pananakit sa Asawa ay Tanda ng Pagmamahal; Madala Kaya Niya Ito sa Kaniyang Pagtanda?

“Maawa ka sa akin, Romy… tama na… tama na…”

Halos lumuhod sa pagmamakaawa si Aling Tessie sa kaniyang mister na si Romy na walang habas na nananakit sa kaniya: suntok, sapok, sipa, tadyak, at sampal ang inabot niya sa asawa dahil lamang sa simpleng nagtutong at nasunog ang sinasaing nito. Hindi kasi nabantayan ang sinaing dahil abala siya sa paglalaba.

“Hayop ka eh! Ano bang ginagawa mo para masunog pa ang sinaing ha? Hind*t ka talaga. Siguro may kalandian ka naman sa cellphone no haliparot ka!”

“W-Wala… hindi ko lang talaga maiwan ang paglalaba. Pasensiya na, pasensiya na…” nanginginig ang katawan ni Tessie.

“Lumayas ka sa harap ko baka hindi kita matantiya,” saad ni Mang Romy at inambahan na naman si Aling Tessie. Nagdudumali naman ang kaawa-awang ginang na tumayo at nagtungo sa kusina upang asikasuhin ang paghahain para sa kanila.

Lahat ng iyon ay nasaksihan ni Tonton, ang kanilang anak na anim na taong gulang. Hindi iyon ang unang beses na makita niyang sinasaktan ni Mang Romy ang kaniyang ina. Lumaki siyang gayon ang kaniyang nakikita. Hindi niya maipagtanggol ang kaniyang ina dahil laging sinasabi sa kaniya ni Mang Romy na iyon ay pagpapakita lamang ng pagmamahal.

“Bakit sinasaktan po ninyo si Nanay, Tatay?” tanong ni Tonton noong mas bata-bata pa siya. Kitang-kita niya kasi kung paano gulpihin ni Mang Romy si Aling Tessie.

“Kailangan iyon, anak. Tayong mga lalaki, pinanganak tayong malalakas. Iyan talaga ang gawain ng mga lalaki. Kailangan mong ipakitang malakas at matipuno ka kapag magaling ka manapak. Saka, ganiyan talaga kaming maglambingan ng Nanay mo. Mahal na mahal ko siya,” tugon naman ni Mang Romy.

Kaya sa tuwing nag-aaway ang kaniyang Nanay at Tatay, hindi na ito pinapansin ni Tonton. Pakiramdam niya kasi ay normal lamang ito sa mag-asawa, at ipinakikita lamang ni Mang Romy ang kaniyang “paglalambing” sa kaniyang Nanay.

Subalit sa kaibuturan ng batang puso ni Tonton, alam niyang masakit sa pakiramdam ng kaniyang Nanay ang bawat sapok, suntok, tadyak, at buntal ng kaniyang Tatay sa kaniya, lalo na sa tuwing nagkakamali siya. Kitang-kita niya iyon sa pagtagas ng mga luha sa mga mata ni Aling Tessie.

Hanggang sa isang araw, nagising na lamang si Tonton na wala na ang kaniyang Nanay; wala na ang mga gamit at damit nito sa cabinet. Hindi man lamang ito nagpaalam sa kaniya. Agad niyang tinanong ang Tatay niya hinggil dito.

“Tatay, nasaan po ang Nanay?” inosenteng tanong nito.

“Wala. Lumayas na. Pinagpalit tayo sa ibang lalaki,” tugon ni Mang Romy.

“Ibang lalaki po?”

“Oo. Ibang lalaki. May iba nang asawa ang Nanay mo. Hindi na babalik ‘yon.”

Hanggang sa sumunod na mga araw ay may ibang babae nang nainirahan sa kanilang bahay; mas maganda, mas seksi, at mas bata sa hitsura ni Aling Tessie. Nakikita niyang lagi itong magkayakap sa sala. Lagi niyang naririnig na bumubungisngis na tila nasasarapan ang babaeng iyon, lalo na kapag nasa loob ng kuwarto silang dalawa ni Mang Romy.

“Siya na po ba ang bago kong Nanay?” tanong ni Tonton.

“Oo siya na,” itutugon ni Mang Romy.

“Ayoko ngang maging Nanay niyan!” laging sasabihin ng babae, na tinatawag na Ligaya ng kaniyang ama.

Sa buong panahon ng pamamalagi ni Ligaya sa loob ng kanilang bahay, hindi niya nakitang sinuntok, sinipa, o binuntal ito ng kaniyang ama. Naisip niya, marahil ay hindi ito mahal ng kaniyang ama, hindi kagaya ng pagmamahal nito kay Aling Tessie na kaniyang ina.

Tumatak sa isipan ni Tonton na ang pananakit nang pisikal ay isang “paglalambing” at pagpapakita ng ibayong pagmamahal sa kasintahan o asawa. Ito ang mga nasaksihan niya noong bata pa siya, at sa kasawiang-palad, hindi ito naproseso ng kaniyang ama, at wala namang nakaalam sa ginagawa ni Mang Romy kay Aling Tessie para ipaliwanag na masama ito.

At ngayong may asawa na si Tonton, lagi niyang binubugb*og ang kaniyang misis.

“Parang awa mo na, Tonton… maawa ka… ayoko na… nasasaktan na ako…” pumapalahaw na sabi sa kaniya ng misis. Pagkauwi niya sa bahay, nadatnan niyang naglinis ito ng bahay at pinalitan ang mga binili niyang muwebles. Inaawat siya ng kanilang dalawang anak, subalit sinampal lamang niya ang dalawa.

Maya-maya, dalawang lalaki ang bigla na lamang pumasok sa kanilang bahay. Ito pala ay mga kuya ng kaniyang misis. Pinagtulungan nilang bugb*gin si Tonton hanggang sa literal na mata na lamang nito ang walang latay.

Kinasuhan ng kaniyang misis si Tonton dahil sa domestic viol*nce na ipinatikim sa kaniya nito at natalo naman sa kaso si Tonton. Dumaan sa isang psychiatrist si Tonton at ipinaunawa sa kaniyang ang pananakit ay hindi isang porma ng pagmamahal kundi pang-aabuso, taliwas sa sinabi ng kaniyang ama noong maliit pa siya.

Nasa huli man ang pagsisisi, napagtanto ni Tonton na hindi pala dapat pinagbubuhatan ng kamay ang kahit na sino, lalo na ang mga mahal sa buhay.

Advertisement