
Nang Maghirap ang Ama ay Pinabayaan na Lang Ito ng Anak sa Dalagang Pamangkin; Hindi Nito Akalain ang Yaman na Iiwanan ng Matanda
“Tumabi ka nga riyan, Rhea, at dadaan ang mga anak ko!” bungad sa sampung taong gulang palang noong si Rhea ng kaniyang tiyahing si Ellen.
“Nasaan ba ang papa at nais namin siyang makita?” saad pa ng ginang.
“Nasa hardin po at may ipinapaayos sa mga haridero,” tugon naman ni Rhea.
Agad na nagtungo roon si Ellen upang pagmanuhin ang kaniyang mga anak sa matanda.
“Mga anak, magmano kayo sa Lolo Henry niyo,” sambit nito.
“Kumusta na po kayo, papa? Tingnan niyo naman at ang lalaki na ng mga apo ninyo! Hindi ba ay kamukhang kamukha niyo ni mama?” wika pa ni Ellen.
“Hindi ko inaasahan ang pagbisita niyo ngayon. Sana ay sinabi mo man lamang para naipaghanda ko kayo ng meryenda. Sandali nga at tatawagin ko ang kasambahay upang bigyan kayo ng maiinom,” sambit naman ni Henry sa anak.
“H’wag na, papa! Hindi na rin naman kami magtatagal. Dumaan lang kami rito. Pupunta kami sa mall at sabi nitong apo mong si Chelsea ay nangako raw kayo sa kaniya na may regalo raw kayo. Kaya nag-aya dito,” saad ng ginang.
“Ay ganoon ba? Sige, kukuhain ko lang ang pitaka ko para mabigyan ko na ng regalo itong mga apo kong kay gaganda!” tugon pa ng matanda.
Nang maabot na ni Henry ang pera kay Ellen ay agad umalis ang mag-iina. Nasanay na ang matanda sa ganitong senaryo. Wala naman siyang reklamo dahil mga apo naman niya ito sa kaniyang anak na si Ellen. Kahit na madalas na maalala lamang nila ang matanda kapag may kailangan.
“Nagkatagpo ba kayo ng Tita Ellen mo? Dumaan siya rito. Dapat ay sumama ka sa kanila at mamimili raw sila,” saad ni Henry sa kaniyang apong si Rhea.
“Hindi na po, lolo. Wala naman po akong kailangang bilhin,” tugon naman ng bata.
“Hindi ka ba naiinip dito sa bahay? Wala ka rin nakakalaro rito?” tanong muli ng matanda.
“Ayos lang po, Lolo. Nandito naman po kayo,” sagot muli ni Rhea sa kaniyang Lolo Henry.
Simula kasi ng mamayapa ang mga magulang ni Rhea mula sa isang aksidente ay dito na ito nanirahan sa kaniyang Lolo Henry. Ito na rin ang tumataguyod sa kaniya. Dahil dito ay lubos na kinaiinisan ni Ellen ang bata dahil mas napapalapit daw ito sa matanda. Pinangangambahan nito na tuluyan nang ipamana ng ama ang lahat ng kayamanan sa bata.
Lumaki si Rhea na ang tingin sa kaniya ng tiyahin ay isang malaking banta. Kung ano ang naibibigay ni Henry kay Rhea ay dapat din daw ay naibibigay nito sa dalawang anak ni Ellen.
“Sa palagay ko, papa, kailangan siguro ay dito na rin kami tumira ng mga anak ko para naman nakakasama-sama niyo rin sila. Lalo pa ngayon na tumatanda na kayo. Mabuting nandito ako para may tumitingin din sa inyo,” saad pa ni Ellen sa ama.
Agad naman itong sinang-ayunan ni Henry. Magiging masaya nga kung makakasama niya rin ang anak at mga apo sa bahay niya.
Ngunit hindi naging magana ang pagtrato ni Ellen sa kaniyang pamangkin. Nang mapansin ito ng matanda ay agad niyang kinausap ang anak.
“Mabait na bata si Rhea, tulad siya ng kuya mo, Ellen. Hindi ka ba nahahabag sa kaniya na wala man lamang siya kahit isang magulang. Nais ko sana na maging magulang ka para sa kaniya dahil pamangkin mo siya,” pakiusap ng matanda.
Upang magpakitang tao at hindi manabang ang pagtingin sa kaniya ng ama ay pinakikitunguhan ni Ellen ang pamangkin ng maayos sa harapan lamang ni Henry. Ngunit masama pa rin ang trato niya kung wala ang matanda.
Pinapalagpas na lamang ito ni Rhea dahil ayaw niya ng gulo.
Makalipas ang ilang buwan ay bigla na lamang nagkasakit ang matanda. Nang dalhin ito sa ospital ay nalaman nilang hindi na maganda ang lagay nito at malubha na.
“H’wag kayong mag-aalala, papa, ako ang bahala sa inyo,” saad ni Ellen sa ama.
Sa umpisa ay mahusay na inaalagaan ng ginang ang matanda ngunit sa pagtagal ng panahon, dahil na rin sa mahal na gastusin sa gamutan ng matanda ay unti-unting naubos ang pera at ari-arian nito. Sa puntong iyon ay tuluyan na rin siyang iniwan ng anak na si Ellen.
“Tutal, matagal naman kayong nagkasama at siya naman ang nag-alaga sa iyo ng mawala ang mga magulang mo ay panahon na para gumanti ka sa lolo mo. Ikaw naman ang mag-alaga sa kaniya,” giit ni Ellen sa pamangkin.
Hindi naman nagdalawang isip si Rhea na akuin ang responsibilidad na ito. Kahit na hirap at kakahanap pa lamang niya ng trabaho ay pilit niyang pinagsasabay ang pag-aalaga sa matanda at ang paghahanap-buhay.
“Apo, hindi mo na kailangang gawin ito. Matanda na ako at tanggap ko na kung ano ang kahihinatnan ko,” saad ni Henry sa dalaga.
“Gusto ko po kayong alagaan, lolo. Gusto ko pong bumawi sa inyo. Gusto ko pong maging kalakasan ninyo tulad ng mga panahon na madilim ang mundo ko nang mawala ang mga magulang ko. Nagsilbi po kayong liwanag sa akin. Kaya hayaan niyo po akong ibalik sa inyo ang lahat ng kabutihan ninyo sa akin,” wika pa ni Rhea.
“Ako po ang bahala sa inyo, Lolo Henry. Gagawin ko po ang lahat para makasama ko pa kayo ng mas matagal,” dagdag pa ng apo.
Hindi ininda ni Rhea ang hirap. Lagi niyang naiisip ang mga panahon na nariyan ang matanda sa kaniyang tabi. Habang si Ellen ay hindi na kinumusta man lamang ang ama ay ibinuhos naman ni Rhea ang sarili sa pag-aalaga sa kaniyang Lolo Henry.
Mahirap na proseso man ay unti-unting bumuti ang kalagayan ng matanda. Laking pasasalamat ni Rhea sa Maykapal sa pagdugtong muli ng buhay ng kaniyang lolo.
Nang makauwi sila sa bahay ay may isang papel na iniabot sa dalaga ang matanda.
“A-ano po ito, lolo?” tanong ng dalaga sa matanda.
“Buksan mo nang makita mo, apo,” saad naman nito.
Nagulat na lamang si Rhea nang makita ang testamento ng matanda na ang lahat ng kaniyang ari-arian ay iiwanan niya sa kaniyang apo. Lahat ng titulo ay nakapangalan na sa kaniya.
“N-ngunit paano pong nangyari ito, lolo? Hindi po ba ay naibenta na lahat ng pag-aari niyo at naubos na rin ang pera niyo sa bangko?” pagtataka ng dalaga.
“Iyon ang alam ni Ellen,” tugon ng matanda.
“Nalulungkot ako sa ipinakita ng aking anak. Sa oras pala na wala na akong kahit singko ay tatalikdan din pala niya ako. Pati na rin ng mga apo ko sa kaniya. Mabuti na lang ay nariyan ka, Rhea. Kasing buti ng kalooban mo ang sa tatay mo. Mabuti na lamang at pinalaki ka nila ng maayos,” wika pa ni Henry.
“Isa rin po kayo sa nagpalaki sa akin, Lolo. Saka gagawin ko po ang lahat dahil mahal na mahal ko po kayo dahil minahal niyo rin po ako ng higit pa sa pagmamahal sa sarili niyong anak,” sambit naman ng dalaga.
Lubos ang galit at hindi makapaniwala naman si Ellen sa ginawang ito ng kaniyang ama. Sa isang banda ay nagsisisi na rin siya kung bakit tinalikdan niya ang matanda.
Lahat ng kayamanan ni Henry ay iniiwan na niya sa kaniyang apong si Rhea. Ngunit sa ngayon ay nais munang tamasain ng dalaga ang bawat sandali na makakasama pa niya ang mapagmahal niyang Lolo Henry.