
Inuna ng Dalaga ang Pamilya Kaya Hindi na Nakapangasawa; Makalipas ang Ilang Dekada ay Nagbalik ang Kaisa-isang Lalaking Minahal Niya
“Sumama ka na sa akin, Cielo. Magpakasal tayo at manirahan sa probinsiya tulad ng pangarap natin. Iwan mo na ang pamilya mo. Maiintindihan din nila kinalaunan ang lahat ng ito,” sambit ni Edgar sa kaniyang kasintahan.
“Kailangan ako ng pamilya ko, Edgar. Hindi ko kayang iwan ang mga magulang ko. Paano na lang ang mga kapatid ko kung wala ako sa piling nila?” tugon naman ng dalaga.
“Bakit ba palaging sila na lang ang iniisip mo? Paano naman ‘yung sarili mo? Paano naman ‘yung tayo. Matatanda na ang mga kapatid mo, Cielo. Kaya na nila ang mga sarili nila. Maaalagaan din nila ang mga magulang mo. Sa unang pagkakataon ay isipin mo naman kung ano ang magpapaligaya sa iyo. Sumama ka na sa akin!” giit pa ng binata.
“Mahal kita, Edgar. Pero malulungkot ako kapag hindi ako nakasigurado na naisaayos na ng mga kapatid ko ang mga buhay nila. Kailangan nila ako, kailangan ako ng mga magulang ko. Sana ay maunawaan mo ako,” sambit pa ni Cielo sa nobyo.
Sa mismong tagpong iyon sa kanilang tagpuan ay naghiwalay na ng landas ang magkasintahan.
Tatlong taong inililihim ni Cielo ang kaniyang pakikipagrelasyon sa kaniyang kasintahang si Edgar. Tutol kasi ang kaniyang mga magulang na magkaroon siya ng nobyo dahil nais ng mga ito na itaguyod muna ng dalaga ang kaniyang mga kapatid.
Matagal na nagsakripisyo ang dalaga. Sa katunayan ay hindi naman ito nakapagtapos ng pag-aaral ngunit ito ang nagtatrabaho at nag-aasikaso sa mga magulang habang pinag-aaral niya ang tatlo niya pang mga kapatid.
Para kay Edgar ay tuluyan nang iniasa ng mga magulang ang lahat sa nobya at nakalimutan na nito ang sarili niyang kaligayahan kaya nais sana niyang itanan ito upang sa gayon ay simulan na ni Cielo na unahin naman ang kaniyang sarili.
Ngunit gustuhin man ay hindi magawang iwan ni Cielo ang kaniyang pamilya.
Lumipas ang mga taon ay sumakabilang buhay na ang mga magulang ni Cielo. Sa kasamaang palad ay hindi rin nakapagtapos sa pag-aaral ang kaniyang mga kapatid. Ang dalawa dito ay nakapag-asawa ng maaga at ang isa naman ay nakulong. Kahit na may kaniya-kaniya ng pamilya ay sa kaniya pa rin ito nakadepende.
Habang si Cielo ay hindi na nakapangasawa pa.
“Singkwenta ka na, Cielo, hanggang ngayon ay dala mo pa rin ang bigat ng responsibilidad ng pamilya mo. Bakit hindi mo na lang kasi pabayaan ‘yang mga kapatid mo?” saad ng kaibigan nitong si Delia.
“Alam mo naman na pangako ko sa ga magulang ko na hindi ko sila pababayaan. Aaminin ko, minsan ay nahihirapan na rin ako. Pero, anong magagawa ko? Kapatid ko sila at mahal ko sila,” tugon naman ni Cielo.
“Nga pala, alam mo ba nagkita kami ni Edgar sa bayan noong isang araw. Ikaw ang kinumusta kaagad. Aba’y tingin ko ay hindi ka pa rin niya nakakalimutan,” wika pa ng kaibigan.
“B-bakit? A-anong ibig mong sabihin,” hindi mapakali si Cielo sa kaniyang narinig.
“Balita ko kasi ay hindi na rin nakapangasawa itong si Edgar. Baka mamaya ay hinihintay ka pa rin niya!” tukso ng ginang.
“Tigilan mo nga ang mga sinasabi mo riyan, Delia! Hindi ka ba kinikilabutan? Ang tatanda na namin para sa mga ganiyan!” saad ni Cielo.
“Ikaw naman hindi ka mabiro. Pero seryoso, hinahanap ka sa akin. Ang sabi ko ay narito ka pa rin. Baka mamaya ay nais ka niyang makita kaya nagtatanong,” tugon pa ni Delia.
Naging palaisipan kay Cielo ang sinabi ng kaniyang kaibigan. Ngunit kung nais nga siyang makita ng dating kasintahan ay bakit hindi pa nito ginawa matagal na panahon na ang nakakalipas.
Ilang araw ang nagdaan at tila nawala na sa isip ni Cielo ang paghihintay sa mga susunod na hakbang ni Edgar. Habang nasa kaniyang hardin at inaayos ang kaniyang mga tanim na bulaklak ay may isang pamilyar na tinig siyang narinig.
“Hindi ka pa rin nagbabago. Mahilig ka pa rin sa bulaklak at kasing ganda mo pa rin sila,” wika ng lalaki.
Paglingon ni Cielo ay nakita niya si Edgar.
“A-anong ginagawa mo dito, Edgar?” tanong ni Cielo sa ginoo.
“‘Kailangan kong ng gawin ang matagal ko nang dapat ginawa,” tugon ng matandang binata.
“Mahal kita, Cielo. Sa lahat ng taon na nagdaan ay ikaw pa rin ang mahal ko. Pero naduwag ako sapagkat alam kong sa muling pagkakataon ay hindi ako ang pipiliin mo. Pero nasayang ang lahat ng taong iyon. Nagsisisi ako na hindi kita kinulit,” sambit ni Edgar.
“Pero matanda na tayo, Edgar. Wala na sa edad natin ang mga ganitong bagay,” pahayag ni Cielo.
“Oo lang o hindi, Cielo. Mahal mo pa ba ako?” mariing tanong ng ginoo.
Alam ni Cielo na sa mga nagdaang taon ay wala siyang ibang minahal kung hindi si Edgar lamang. Kaya sa pangalawang pagkakataon ay muling binuksan niya ang puso para sa kasintahan.
Ngunit tutol ang mga kapatid ni Cielo sa pakikipagrelasyon ng kanilang ate.
“Kung kailan ka tumanda, ate, doon ka pa naglandi. Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao?” saad ng kapatid ni Cielo.
“Saka kailangan ka namin! Pababayaan mo na lang ba kami?” saad pa ng isang kapatid.
Muli ay naalala niya ang pangako niya sa kaniyang mga magulang na hindi pababayaan ang kaniyang mga kapatid.
Nang yayain na naman si Edgar na magpakasal sa ikalawang pagkakataon ay hindi niya alam ang kaniyang isasagot.
“Hindi mo kailangan sumagot ngayon, Cielo. Pag-isipan mong mabuti. Nakapaghintay ako ng maraming taon at kaya ko pang maghintay ng kaunti pa,” saad ni Edgar sa nobya.
Binalikan ni Cielo ang kaniyang naging buhay at kung paano niya inilaan ang sarili sa pagtataguyod ng pamilya.
“Sasama na ako sa’yo, Edgar. Magpapakasal na ako sa’yo. Ayoko nang mag-aksaya pa ng isa pang sandali. Mahal na mahal kita at magpapakasal ako sa’yo!” sambit ni Cielo kay Edgar.
“Ngunit paano ang mga kapatid mo?” tanong ng ginoo.
“Mahal ko sila at dahil doon ay naging bulag ako. Hindi ko sila hinayaang harapin nila ang kanilang mga responsibilidad. At dahil din doon ay napabayaan ko pati ang sarili kong kaligayahan. Maiksi lang ang buhay, Edgar at nais ko itong ibuhos sa pagmamahal ko sa iyo. Ito ang isang desisyon na dapat ay matagal ko nang ginawa,” saad ni Cielo sa kasintahan.
Walang mapaglagyan ang kasiyahan ni Edgar sa kaniyang narinig. Sa wakas ay maipagpapatuloy na nila ang naudlot nilang pagmamahalan.
Kahit na nagtanim ng sama ng loob ang mga kapatid ni Cielo sa kaniya ay hindi na niya ito inalintana sapagkat sapat na ang ilang dekada ng kaniyang buhay na ibinigay niya para sa pamilya at ngayon ay nais naman niyang harapin ang mga bukas sa piling ng pinakamamahal na si Edgar.
Ikinasal ang dalawa at nagsama ng buong saya at pagmamahal.