Gustong Humalakhak ng Dalaga nang Makitang Nag-eehersisyo ang Kapatid Habang Umiiyak; Ito Pala ang Dahilan ng Pagluha Nito

Maagang umuwi si Zia sa trabaho, sapagkat nais masama ang kaniyang pakiramdam. Kaya nagpaalam siyang mag-under time upang makapagpahinga nang maaga. Nang sa kaniyang pag-uwi ay nakita niya ang kaniyang bunsong kapatid na si Zion na nag-eehersisyo.

Matutuwa na sana siya kung hindi niya nakitang umiiyak ito habang panay ang push-up.

“Hoy, sira ulo! Anong trip ‘yan? Nagpu-push-up na umiiyak?” Sita niya. Gusto niyang tumawa ngunit mas nanaig ang pag-aalala sa kapatid na animo’y sira*ulong umiiyak sa wala namang dahilan.

“Kailangan kong magbawas ng taba, ate. Lagi na lang kasi akong binu-bully sa school namin. Mataba raw ako at bondying,” umiiyak na paliwanag ni Zion.

“E bakit ka umiiyak?!” Naiiritang wika ni Zia.

“Kasi ang hirap pa lang magbawas ng taba. Nakakapagod at masakit sa katawan,” humihikbing sagot ni Zion, ngunit patuloy pa rin sa pag-eehersisyo.

“Tigilan mo na nga iyang kalokohan na iyan!”

“Ayoko ate,” agad na tanggi ni Zion. “Kailangan kong pumayat para wala na silang masabing masama sa’kin.”

Advertisement

“Tumigil ka na kung ayaw mong hambalusin kita d’yan!” Matigas na wika ni Zia, saka lumapit kay Zion upang patigilin ito sa ginagawa. “Kung ayaw mo iyang ginagawa mo’y huwag mong gawin, para sa ikasisiya ng ibang tao, Zion!” Naiinis ngunit nag-aalalang wika ni Zia sa bunsong kapatid.

“Bakit kasi masarap ang ulam na palaging hinahain ni mama. Ayan tuloy tumaba ako ng ganito.” Reklamo pa nito.

“Pasalamat ka nga may masarap tayong ulam, tapos nagrereklamo ka pa d’yan.”

“Eeeh! Gusto ko nang pumayat. Sabi ni Alexa, ang pangit ko raw kasi mataba ako. Tapos iyong mga kaklase ko lagi nila akong sinasabihan na baboy, bondying at mataba. Siguro raw feeds ang kinakain ko o ‘di kaya’y kanin baboy.

Naiinis na ako sa katawan ko. Kaya gusto kong pumayat na para magustuhan na ako ni Alexa at ‘di na rin ako kakantyawan ng mga kaklase ko,” nakalabing wika ni Zion.

“Diyos ko namang bata ka! Que bata-bata mo pa kaya. Dose anyos ka pa lang, tapos may ganyan ka nang nalalaman. Grabeng mind set ‘yan!” Natatawang wika ni Zia. “Hindi ka baboy, Zion. Hindi ka rin bondying, at mas lalong hindi kanin baboy o feeds ang kinakain mo. Alam mo iyan kaya bakit ka nagpapa-apekto sa mga sinasabi nila sa’yo? Ang bata mo pa kaya may mga baby fats ka pa sa katawan. Saka iyang si Alexa na nagsasabing pangit ka, magsisisi ‘yan kapag nakita ka niyang nagbinata ng lubusan. Ang gwapo mo kaya kahit chubby ka.”

“Ate naman e, pinapagaan mo lang iyong loob ko,” nakangiwing wika ni Zion.

“Hindi ah! Nagsasabi lang ako ng totoo. Wala tayong lahing pangit. Sila Kuya Ziggy at Kuya Zean din dati noong mga ganyang edad ay kagaya mong chubby. Natatandaan ko dati ang lalakas din kasi nilang lumamon.

Advertisement

Pero noong nagbibinata na sila’y dahan-dahang naging fit ang katawan nila lalo na’t palagi silang nagbabaskeball at kung ano-anong outdoor work-out ang ginagawa nila.” Pangungumbinse niya sa kapatid.

“Talaga ate?”

“Oo. Kaya huwag mong pilitin ang sarili mo kung ayaw mo iyong ginagawa mo. Hindi iyong para kang ta*ngang nag-eehersisyo na umiiyak d’yan. Darating ang araw na kusang mawawala iyang mga taba mo sa katawan at bigla’y mapapansin mo na lang na fit ka na pala, gaya ng dalawa mong kuya.

Alam mo bunso, ang pinakamahalagang gawin natin ay ang mahalin natin kung anong meron tayo. Kapag mahal mo na ang sarili mo, kahit anong sabihin ng ibang tao sa’yo ay hindi ka na maaapektuhan.

Kasi tanggap mo kung ano ang meron sa’yo. Huwag mong hanapin sa sarili mo ang wala sa’yo. Isipin mo na ikaw iyan at mahal mo kung ano ang meron ka,” mahabang wika ni Zia sa kapatid.

“Salamat ate ah. Sa totoo lang hindi ko na talaga alam kung ano ang gagawin ko. Napapagod na ang katawan ko, pero sinasabi lagi ng isip kong dapat kung ipagpatuloy ang ginagawa ko para patunayan sa lahat na hindi ako gano’n— gaya ng tinatawag nila sa’kin,” mangiyak-ngiyak na wika ni Zion.

Agad namang niyakap ni Zia ang bunsong kapatid. “Halika nga rito. Hayaan mo kakausapin ko iyang mga bully mo na kaklase.”

“Huwag ate. Baka mas lalo lang nila akong kantyawan at sabihang duwag, kasi nagsusumbong ako sa’yo.” Tanggi nito. “Tatandaan ko na lang ang mga sinabi mo at mula ngayon ay hinding-hindi na ako magpapaapekto sa kanila. Sisikapin ko pa ring mag-bawas ng timbang pero sa maayos na paraan.”

Advertisement

“Tama iyan. Huwag ka ng nangpu-push-up habang umiiyak ah,” biro niya.

Agad namang tumawa si Zion. “Opo. Hindi na po,” anito.

Hindi ka nabubuhay para sa sasabihin sa’yo ng ibang tao. Gawin mo ang mga bagay na gusto mong gawin. Hindi dahil sa nais mong patunayan ang sarili mo sa iba.