Humingi ng Tulong ang Lalaking Ito sa Kaniyang Mayamang Lolo Upang Mabayaran ang Kaniyang mga Utang Dulot ng Pagsusugal; Mapagbigyan Kaya ang Kaniyang Hiling?
Hindi makapaniwala si Don Mauricio sa hinihingi sa kaniya ng apong si Mylfred.
“’Lo, kaunting tulong lang po… alam kong hindi maganda ang ginawa ko. Nagumon ako sa pagsusugal sa casino at nagkabaon-baon ako sa utang. Ngayon po, gusto ko nang talikuran iyon, kaya nakikiusap po ako sa inyo na pautangin ninyo ako para mabayaran ko ang mga pinagkakautangan ko,” saad ni Mylfred sa kaniyang maunawain at matalinong lolo.
“Sa tingin mo ba ganoon lang kadali iyon, apo? Alam mo namang labis kong pinahahalagahan ang pera, hindi dahil sa mukha akong pera, kundi alam ko ang hirap sa pagkuha nito. Bakit kasi kailangan mo pang umutang kung alam mong wala ka namang maibabayad?” saad ng kaniyang lolo habang nagbabasa.
Napakamot na lamang sa kaniyang ulo si Mylfred.
“Nangyari na po ang mga nangyari ‘Lo, at pinagbabantaan po ako ng mga taong pinagkakautangan ko, na kapag hindi ako nakabayad sa kanila sa lalong madaling panahon, ay may gagawin sila sa akin. Kilala ko sila at alam kong gagawin talaga nila ang pagbabantang iyon.”
Saglit na nag-isip si Don Mauricio.
“Binigyan ka ba nila ng palugit kung hanggang kailan ka nila sisingilin?” tanong ng matanda.
“Mga isang buwan po.”
“Buweno iho, mag-usap tayo bukas. Makukuha mo ang hinihingi mo.”
Tuwang-tuwa naman si Mylfred. Sadyang maaasahan talaga ang kaniyang lolo. Totoong may mga pinagkakautangan siya dahil sa kaniyang pagsusugal sa casino. Subalit hindi naman siya pinagmamadali ng mga ito.
Kinabukasan…
“Tseke po ba ang ibibigay ninyo, Lolo? Mas maganda po kung cash na ang ibibigay ninyo para hindi na kailangan pang ipapalit,” nakangiting sabi ni Mylfred.
Ngumit lamang si Don Mauricio. Iniabot ang isang brown envelope. Sabik naman na tiningnan ni Mylfred ang laman nito, sa pag-aakalang tseke ito.
Subalit nawala ang kaniyang ngiti nang masilayan ang laman ng naturang envelope.
“Teka, ito po yung papalugi mong restaurant ah. Bakit ibinibigay mo sa akin?” untag ni Mylfred.
“Oo, tama ka. Ibinibigay at ipinagkakatiwala ko na sa iyo. Iniisip kong isara na iyan, kaya lang, sayang. Binuo namin ng Lola Esmeralda mo ‘yan kaya ayokong isara. Gusto ko, ikaw ang bumuhay at mangalaga. Kapag nagawa mo ‘yan, sa iyo na iyang negosyo ko na iyan at kikita ka pa.”
“Lolo naman… ano’ng gagawin ko sa isang papaluging restaurant?” naiiritang tanong ni Mylfred. Hindi ito ang inaasahan niya. Mas gusto niya ay pera.
“Nasa sa iyo iyan. Kung gusto mong ibenta, hindi kita pipigilan. Pero kung maisipan mong pangasiwaan para may aasahan kang kita, mas mainam.”
Wala nang nagawa si Mylfred kundi tanggapin ang hamon ng kaniyang lolo.
Nanalaytay rin naman sa kaniyang dugo ang husay sa pagnenegosyo subalit tinatamad lamang siya. Napalaki kasi siya sa luho, at nagkaroon siya ng ideya na mayaman naman sila at mapapamanahan naman siya ng kaniyang pamilya kapag nagkataon.
Noong una, naghahanap si Mylfred nang posibleng bumili ng kaniyang restawran, subalit walang kumakagat nito.
Nang magsawa na siya sa paghahanap ng posibleng bagong may-ari, ipinasya niyang gamitin ang kaniyang nalalaman sa pagnenegosyo upang mabuhay ang restawran.
Humanap siya ng mga kaibigan na maaaring maglagak ng pera sa naturang restawran, at kumuha rin siya ng mga consultant para sa marketing nito, at sa iba pang mga inobasyong maaaring gawin dito.
Nagdagdag sila ng mga makabagong putahe gayundin ng iba pang paraan ng pagluluto upang mas makahikayat pa sa mga kustomer.
Sa unti-unting pagtitiyaga ni Mylfred, unti-unti na ngang nakabangon ang restawran. Kumikita na ulit ito, at dahil natuwa si Mylfred, nabuhos na ang kaniyang atensyon sa mas pagpapalago pa nito.
Sa loob lamang ng apat na buwan ay unti-unti na ring nakabawi ang restawran! Ang ilan sa bahagi ng kita rito ay naibayad ni Mylfred sa kaniyang mga pinagkakautangan, bukod pa riyan, mayroon pa siyang ipon. Hindi na niya kailangan pang humingi sa kaniyang Lolo Mauricio.
Masayang-masaya si Mylfred sa pagkakataong ibinigay ng kaniyang lolo sa kaniya. Makalipas ang anim na buwan, nabayaran na niya ang kaniyang mga pagkakautang, nagkaroon pa siya ng sariling negosyo at pagkakakitaan!
Dahil naranasan at nabantad si Mylfred sa hirap ng pagpapatakbo ng isang negosyo, nakita niya ang tunay na halaga ng pera. Hindi dapat ito sinasayang dahil dugo, pawis, pagod, at panahon ang pinakamahalagang puhunan dito.
“Masaya akong nakatulong ako sa iyo apo, hindi lamang sa pagbabayad ng utang mo, kundi maging sa pagsasaayos ng buhay mo,” tuwang-tuwang saad ni Don Mauricio.
Sa ngayon, malakas na malakas ang restawran ni Mylfred at nagkaroon pa ng iba’t ibang branch. Tuluyan na rin niyang itinigil ang pagsusugal. Hindi naglaon, pinakasalan niya ang kaniyang nobya at bumuo na sila ng sariling pamilya.