Inday TrendingInday Trending
Inis na Inis ang Ginang na Ito sa Alagang Aso ng Kaniyang Kapitbahay Dahil Naiingayan Siya sa Tahol; Subalit Bakit Isang Araw, Niyayakap na Niya ang Naturang Aso?

Inis na Inis ang Ginang na Ito sa Alagang Aso ng Kaniyang Kapitbahay Dahil Naiingayan Siya sa Tahol; Subalit Bakit Isang Araw, Niyayakap na Niya ang Naturang Aso?

Iritang-irita si Aling Igna sa malakas na tahol ng aso ng kanilang kapitbahay. Town house kasi ang estilo ng kanilang mga bahay, magkakadikit, kaya ang kibot ng bawat isa ay madaling maririnig. Hindi mahilig sa aso si Aling Igna kaya hindi sila nag-aalaga.

“Hindi ako makatulog sa tahol ng asong iyan,” bubulong-bulong na sabi ni Aling Igna.

Kung ano-ano na ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Ano kaya kung hagisan niya ng pagkaing may lason ang asong iyon, na nagngangalang Tyler? Matatapos na ang problema niya. Subalit kahit ayaw niya sa mga aso, hindi naman maaatim ng kaniyang konsensya na gawin iyon sa walang kamuwang-muwang na hayop.

Ireklamo kaya niya sa barangay ang naturang kapitbahay para pagbawalan na itong mag-alaga ng aso? Pero imposible iyon. Isa sa mga adbokasiya ng barangay na mag-ampon ang mga mamamayan ng mga pakalat-kalat na aso. Isa pa, hindi naman bawal sa kanilang barangay ang pag-aalaga ng aso.

Nagkakataon naman na kapag magsisiesta siya sa tanghali, o kaya naman ay sa kalagitnaan ng kaniyang mahimbing na tulog sa madaling-araw, nagtatatahol ang aso. Hudyat kasi ito na nagnanais nitong dumumi sa labas.

Isang araw, hindi na natiis pa ni Aling Igna ang kaniyang pagnanais na kausapin ang kaniyang kapitbahay na si Aling Juana, ang siyang nagmamay-ari kay Tyler. Natiyempuhan niya ang ginang mga bandang hapon.

“Puwede mo bang ibahin ang puwesto ng alaga mo? Kasi tuwing hapon at madaling-araw, naiistorbo ang pagtulog ko. Isa pa, naiirita ako sa kaniyang tahol. Hindi kasi ako mahilig sa pag-aalaga ng aso. Sana maintindihan mo.”

Um-oo naman ang ginang. Subalit sa mga nagdaang araw ay ganoon pa rin. Kahit na iniba na nito ang pinupuwestuhan ng aso, maingay pa rin ito.

Nagpasensya na lamang si Aling Igna. Hindi naman niya puwedeng busalan ang bibig ng aso. Baka mapaaway pa siya nang di-oras, o kaya naman ay maireklamo ng pagmamaltr*to sa mga hayop.

Subalit lalong naglatang ang pagkairita ni Aling Igna nang makita niyang nakakawala ang asong si Tyler, at umihi ito sa kaniyang bakuran. Lumabas ng kaniyang bahay si Aling Igna at sinugod si Aling Juana, na noon ay tinatawag na pabalik ang alaga.

“Huwag nga kayong mag-alaga ng aso kung ganyan lang din na pababayaan ninyo at nakakaperwisyo kayo ng mga kapitbahay! Irereklamo ko kayo sa barangay! Hindi ba’t sinabi ko na sa inyo na huwag ninyong hayaang nag-iingay ang aso ninyo? At ngayon, tingnan mo, umihi pa sa bakuran ko,” asik ni Aling Igna kay Aling Juana.

“Pasensya na po Aling Igna, hindi na po mauulit,” pagpapaumanhin ni Aling Juana. Mabuti na lamang at mahinahon lamang at hindi palaaway sa kaniyang kapwa si Aling Juana kaya napagpapasensyahan niya ang kapitbahay.

“Ulitin pa ninyo iyan at maghaharap-harap tayo sa barangay!” pagbabanta ni Aling Juana sabay pasok sa loob ng bahay.

Subalit hindi inaasahan ni Aling Juana na ang asong kinaiinisan, siyang makatutulong sa kaniya sa panahon ng matinding pangangailangan.

Hatinggabi. Mahimbing na natutulog si Aling Igna nang marinig niya ang sunod-sunod na kahol ng asong si Tyler. Hindi na niya sana papansinin subalit maya-maya, nakarinig siya ng tila kaluskos.

Mga yabag. Galit na galit ang pagkakatahol ni Tyler.

Maya-maya, may nabasag na plorera sa bandang sala.

Agad na lumabas si Aling Igna, dala ang kaniyang flashlight. Sinagihan niya ng ilaw ang kabuuan ng sala, at kitang-kita niya ang isang anino ng lalaki, isang akyat-bahay! Nakapasok ito sa bintana niya, na nakalimutan pala niyang isarado. Agad naman itong tumakas palayo.

Ito pala ang tinatahulan ng asong si Tyler. Kung hindi tumahol ang asong kinaiinisan niya, sana’y nalimas na ang kaniyang mga gamit, o kaya naman ay nagkaroon ng malaking banta sa kaniyang buhay.

Kinabukasan, maagang gumising si Aling Igna. Nagluto siya ng adobong atay ng manok, na paborito niyang ulam. Puwedeng ulamin ng tao, at paboritong kainin ng mga aso. Inilagay niya ito sa magandang balutan, at nagsadya sa bahay nina Aling Juana.

“Patawarin ninyo ako sa pagiging masungit ko sa aso ninyo. Nagpapasalamat ako sa kaniya, dahil kung hindi dahil sa pagtahol niya, malamang wala na ang mga gamit ko. Baka kung ano pa ang masamang nangyari sa akin,” pasasalamat ni Aling Igna.

Nilapitan naman ni Aling Igna ang asong si Tyler. Ngayon lamang niya napagmasdan ang anyo nito. Napakaganda ng mga mata nito, nangungusap. Maamo rin ang mukha. Hinimas-himas niya ang ulo, pisngi, at baba nito. Kumawag-kawag naman ang buntot nito sa kaniya. Napangiti si Aling Igna. Masaya pala sa pakiramdam na lambingin ng isang aso!

Sa mga sumunod na araw, maririnig na may tumatahol na aso na rin sa bahay ni Aling Igna. Pangako niya, mamahalin niya at ituturing na miyembro ng pamilya ang kaniyang bagong alaga.

Advertisement