Inday TrendingInday Trending
Simple lamang Manamit ang Bilyonaryang Ginang na Ito, Palagi Tuloy Siyang Napagkakamalang Mahirap ng Iba

Simple lamang Manamit ang Bilyonaryang Ginang na Ito, Palagi Tuloy Siyang Napagkakamalang Mahirap ng Iba

“Madam, saan na naman po ang punta niyo? Hindi na naman po kayo nakabihis nang maayos na damit, baka magalit na naman po sa akin si sir kapag nakitang pinabayaan ko po kayong umalis nang nakagan’yan,” wika ni Anita sa kaniyang amo, isang hapon nang makita niya itong papalabas ng tinitirhan nilang mansyon.

“Naku, ewan ko ba riyan sa sir mo, maayos naman ang damit ko, bakit palagi kang pinagagalitan sa tuwing ganito ang suot ko!” tugon ni Criselda habang iiling-iling.

“Kasi naman po, madam, hindi po bagay sa inyo ang mga gan’yang klaseng damit. Saan po ba kayo nakakita ng isang bilyonaryang nakasuot ng shorts at may malaking butas na damit kapag mamimili sa mall,” sambit pa nito na ikinatawa niya.

“Diyos ko! Wala namang kaso ‘yon, ang mahalaga, may pangbili ako. Saka, ang sarap kaya sa katawan nang ganitong kasuotan!” pagmamalaki niya pa saka sadyang pinakita ang butas sa kilikili ng damit niya na ikinatawa rin nito.

“Kahit na, madam, kaya lagi po kayong nahuhusgahang mahirap, eh,” patawa-tawang tugon nito.

“Ayos lang sa akin ‘yon, ang importante komportable ang pakiramdam ko. Sige na, aalis na ako, ako nang bahala sa sir mo kapag pinagalitan ka,” pagpupumilit niya pa saka agad nang nagpaalam sa kasambahay na bakas ang kaba sa mukha.

Kahit na limpak-limpak na ang pera ng bilyonaryang ginang na si Criselda, ni minsan, hindi siya nahiyang lumabas ng kaniyang mansyon nang nakasuot ng simpleng damit. Masaya na siyang nakasuot lamang ng mahabang short at maluwag na damit na kung minsan pa ay may butas sa tagiliran o kilikili.

Komportable kasi ang pakiramdam niya sa tuwing suot niya ito kaya kahit na siya’y kagalitan ng asawa o matahin ng ibang nakakakita sa kaniya, dinededma niya lang ang mga ito at patuloy pa rin sa pagsuot ng ganitong klaseng damit lalo na kung palengke, mall, at kainan lang naman ang pupuntahan niya.

Wala siyang ni katiting na arte sa katawan dahilan para siya’y paghinalaang kasambahay ng asawa niya nang minsan siyang isama nito sa isang biglaang pagpupulong na ikinatawa niya lamang kahit na iiling-iling na ang asawa niya.

Katwiran niya, “Gusto kong mabuhay nang normal at komportable, kahit mayaman naman na ako, gusto ko pa ring makatapak sa lupa. Saka, wala naman akong kailangang patunayan sa iba dahil alam ko na ang abilidad ko.”

Ito ang dahilan kung bakit sa tuwing aalis siya, palagi siyang pinipilit na mag-ayos ng kanilang kasambahay dahil alam nitong magagalit ang asawa niya sa patuloy niyang pagsusuot ng ganoong klaseng damit.

Pero dahil nga iyon ang gusto niya, wala itong nagawa at nagpatuloy pa rin siya sa pagpunta ng mall na ganoon ang damit.

Habang nasa mall, naagaw ng isang kumikinang na alahas ang atensyon niya dahilan para lapitan niya ito.

“Magkano ‘to, miss?” tanong niya habang tinuturo ang nakursonadahan niyang alahas.

“Ay, mahal po ‘yan, ma’am! Ito na lang po ang bilhin niyo, wala pa po itong isang libo,” tugon nito na ikinatawa niya.

“Ang tanong ko sa’yo, miss, kung magkano ‘to, hindi kung mahal ba ito,” nakangiti niyang wika na ikinapagtaka ng saleslady.

“Ah, eh, pasensya na po, ma’am, sa itsura niyo po kasi parang ano…” hindi na nito mapagpatuloy ang pagsasalita.

“Naku, bilang isang saleslady, hindi ka dapat gan’yan. Hindi ka dapat manghusga ng kustomer dahil baka kasi ‘yong hinuhusgahan mo ay ang taong magbibigay ng biyaya sa’yo,” pangaral niya rito na ikinatungo nito, “O, sige na, miss, ibalot mo ‘yan, bibilhin ko na,” dagdag niya na ikinalaki ng mga mata nito.

“Diyos ko, ma’am! Malaki ang dagdag nito sa sweldo ko, sandali lang po!” natataranta nitong wika.

Kahit na ilang beses man siyang husgahan at maliitin ng mga taong hindi nakakakilala sa kaniya dahil sa paraan niya ng pananamit, pinagkikibit-balikat niya lamang ito.

Alam niya kasi sa sarili niyang wala naman siyang ginagawang masama, sadyang sanay lamang siya sa ganoong klaseng pamumuhay dahil siya’y bunga rin ng isang mahirap na pamilya.

“Hindi naman porque nagtagumpay ka na sa buhay, wala ka nang karapatang mamuhay ng simple at payak. Ganoon ang gusto kong klaseng buhay, mahal, kaya hayaan mo na ako, ha?” sambit niya sa asawa niya nang minsan na naman siya nitong pagalitan nang malaman nitong napaghinalaan na naman siyang mahirap ng isang saleslady sa sarili nilang alahasan.

Advertisement