Inday TrendingInday Trending
Naging Bukas-Palad ang Binatang Ito nang Siya’y Manalo sa Lotto, Muli kaya Siyang Maghirap dahil Dito?

Naging Bukas-Palad ang Binatang Ito nang Siya’y Manalo sa Lotto, Muli kaya Siyang Maghirap dahil Dito?

“Ano na ang balak mo, Jurel, ha? Hindi ba’t kabilin-bilinan ko sa’yo noon, huwag na huwag mong uubusin ang pinanalunan mong pera? Dahil hindi na ‘yan babalik! Iyang mga tinulungan mo ba, kilala ka pa ngayong walang-wala ka na naman katulad nang dati?” sermon ni Juana sa nag-iisa niyang anak, isang araw nang malaman niyang ubos na ang perang napanalunan nito sa lotto.

“Nanay, huwag na po kayong magalit sa akin. Wala na po tayong magagawa dahil naipamigay ko na po lahat at hindi po ako nagsisi roon dahil mayroon naman tayong bahay at lupa. Ito lang naman po talaga ang gusto kong makamit kaya ako tumaya ng lotto,” katwiran ni Jurel habang pinagmamasdan ang pangarap niyang bahay na ngayo’y nakamit na niya.

“Diyos ko! Hindi ka talaga nag-iisip! Hindi na ako magtataka kung bukas makalawa, pati ‘tong bahay nabenta mo na dahil lang may humingi sa’yo ng tulong!” bulyaw pa ng kaniyang ina na ikinatawa niya.

“Malay mo, mama, ‘di ba? Basta ako, palagi akong handang tumulong sa iba dahil alam kong iba kung magbalik ng biyaya ang Panginoon!” tugon niya na lalo niyang ikinainis.

“Bahala ka na sa buhay mo!” sigaw nito saka siya bahagyang binatukan at agad na nilayasan.

Isa na yata ang binatang si Jurel sa pinakabukas-palad na nilalang sa buong mundo dahil nang minsan siyang manalo sa lotto, lahat na yata ng kakilala niya, mapakaibigan man, kamag-anak o kahit tambay sa dati nilang tinitirhang barangay, naabutan niya ng tulong mula sa perang napanalunan niya.

Halos araw-araw dinadagsa ng tao ang bago nilang bahay simula nang umugong sa kanilang lugar ang kaniyang pagkapanalo at dahil nga alam niya ang pakiramdam nang maghirap, malambot ang puso niya sa mga taong ito kaya panay ang pagpapamigay niya ng mga tulong.

Bigas, mga de lata, biskwit, at iba pang pupwedeng pantawid gutom ang ipinamimigay niya sa mga taong nagpupunta sa kaniyang bahay. Bukod pa ang mga pinansiyal na tulong na ibinigay niya sa mga pinsan niyang nakasama niya mula pagkabata.

Ito ang dahilan para ganoon na lang mangamba ang nanay niya na baka sila naman ang maubusan at muling mawalan. Ngunit dahil nga kumpiyansado siyang babalik sa kaniya lahat ng biyayang ito base sa salita ng Diyos, hindi niya pinakinggan ang ina at nagpatuloy sa pamimigay hanggang sa wala na siyang mahugot na pera.

Bahagya man siyang nag-aalala sa mga darating na araw dahil nga wala na siyang natitirang yaman bukod ang kaniyang bahay at lupa, pinili niya pa ring maniwala sa salita ng Diyos at patuloy na nanalangin.

“Hindi ba’t sabi Mo, kapag nagbigay ako, dodoblehin mo ang biyayang makakamtan ko? Kaya, maghihintay ako Sa’yo,” nakangiti niyang wika habang nakatanaw sa kalangitan.

At tila dininig nga ng Panginoon ang kaniyang panalangin dahil kinabukasan, sandamakmak na tao ang gumising sa kaniya ngunit hindi tulad noon, siya naman ang bibigyan ng mga ito ng tulong.

“Teka, sobra naman yata ito!” mangiyakngiyak niyang sambit nang abutan siya ng hindi bababa sa limang tseke ng isang Intsik na hindi niya naman kilala pero tinulungan niya noon.

“Ikaw dahilan bakit lumago negosyo ko. Ikaw swerte ko!” sagot nito na labis niyang ikinatuwa dahilan para mayakap niya ito.

Marami pa siyang iba’t ibang tulong na natanggap nang araw na ‘yon katulad ng kabang-kabang bigas, kahong-kahong grocery items, mga prutas, at kung ano pa mang mga gamit na labis na ikinataba ng puso niya.

At doon niya nalamang inilagay pala ng isa sa mga tambay na natulungan niya ang kwento kung bakit naubos ang napanalunan niyang pera agad-agad at marami sa mga taong natulungan niya ang gumanda ang buhay na ngayon ay nag-usap-usap para magbalik ng biyaya sa kaniya.

“Ibang klase Ka talagang magplano ng milagro, Panginoon ko, maraming salamat Sa’yo!” tangi niyang sambit saka muling nagdesisyong ipamigay ang mga nakalap niyang tulong sa mas mga nangangailangan katulad ng mga pulubi sa lansangan.

Sa ganoong pamamaraang ginagawa niya, hindi na siya nauubusan ng yaman at makakain, patuloy pa siyang nakatutulong sa mga nangangailangan na labis na ikinatuwa ng nanay niya.

“Tama ka nga, anak, kapag naging bukas-palad tayo sa iba, maubusan man tayo, may babalik namang agad na mas malaking biyaya. Sana, lahat ng tao matutunan ang ganitong klaseng pamamaraan, ‘no?” wika nito na ikinatuwa niya rin.

Kumalat sa buong mundo ang gawain niyang ito dahilan upang mas makakalap pa siya ng maraming donasyong ginagamit niya upang matustusan ang sariling pamilya at ng taong bayan.

Advertisement