Nagdadalawang-Isip ang Babaeng Ito Kung Tama Ba ang Pinasok Niyang Propesyon; Panahon ang Magsasabi sa Kaniya ng Sagot
Hindi talaga nais ni Amy na maging isang guro. Napilitan lamang siyang sundin ang yapak ng kaniyang mga magulang. Ang yumao nilang tatay ng kapatid na si Ysbette ay retiradong punungguro. Ang nanay naman nila ay kasalukuyang Master Teacher sa isang pampublikong paaralan.
Nang magdesisyon naman ang kaniyang ate na si Ysbette na tahakin na rin ang propesyong tila nakaugat na sa kanilang pamilya, nahiya na ring mag-iba pa si Amy. Ang totoo niyan, hindi lang talaga niya alam noon kung anong kurso sa kolehiyo ang nais niyang kunin. Hindi niya alam kung ano ba talaga ang nais niyang maging.
Tamang-tama naman na katatapos lamang niya sa hayskul nang magkaroon ng sakit sa puso ang kanilang tatay. Talagang napilitan na lamang si Amy na kumuha ng kursong Edukasyon dahil mura lamang ang matrikula. Hanggang sa ikatlong taon ay parang mabigat ang puso niya sa kursong kaniyang pinasok.
Subalit nang nasa ikaapat na taon na siya, unti-unting nayakap at natanggap ni Amy ang pagpasok sa larangan ng pagtuturo. Naranasan niya kasi na masarap pala sa pakiramdam na may natutuhan ang mga mag-aaral niya, nang simulan na niya ang practice teaching. Mapalad siya dahil naitalaga siya sa isang Science High School kaya naging madali sa kaniya ang pagtuturo. Mababait at mahuhusay ang mga mag-aaral.
Lubusan na nga niyang niyakap ang katotohanang inilaan talaga siya ng tadhana upang maging guro.
Ngunit nang makatapos siya at makapasok na sa isang pribadong paaralan ay muli na naman siyang nagtanong sa sarili kung para ba siya talaga sa pagtuturo. Nagkaroon siya ng matitinding problema bilang gurong tagapayo. Hindi niya napaghandaan ang tungkuling iyon. Halos lagi siyang napapatawag ng punungguro dahil sa klase niya nagmumula ang mga pasaway na mag-aaral.
“Parang ayoko na po, Ma’am,” naiiyak na pag-amin ni Amy sa kaniyang level leader. “Parang magbibitiw na po ako sa aking tungkulin sa susunod na taon. Masaya pong magturo pero hindi po ako handa para maging gurong tagapayo. Hindi po ito naituro sa amin sa paaralan.”
“Kahit naman kami ay nagdaan din sa ganyan, T. Amy. Wala namang guro ang magaling na kaagad. Lahat ay kailangang dumaan sa apoy upang kuminis at maging makinang gaya ng isang diyamante. Huwag kang panghinaan ng loob. Kaya mo ‘yan. Narito kami upang umagapay sa iyo,” pahayag ng kaniyang level leader.
Pinag-isipang mabuti ni Amy ang mga sinabi sa kaniya ng level leader. Napag-isip-isip niyang tama ito. Hindi dapat isipin kaagad ang mga problemang hinaharap; kundi ituon ang isipin sa kung ano ang mga solusyon upang malutas ang mga problema.
Hindi nga siya nagbitiw sa tungkulin, bagkus ay sinuri niya ang sarili kung saan nga ba siya nagkukulang bilang isang gurong tagapayo.
Hanggang sa hindi na niya namalayang tumagal na pala siya sa serbisyo. 15 taon.
Siya na ang pumalit ngayon sa level leader niya, na ngayon ay katuwang na punungguro na.
Marami nang mga mag-aaral ang dumaan sa kaniyang mga mapagpala at mapagkalingang-palad.
Lagi niya ring isinasalaysay sa mga baguhang guro ang kaniyang mga pinagdaanan upang magsilbing inspirasyon sa kanila.
Ngunit isang pagsubok ang dumating sa kanilang pamilya. Nagkasakit nang malubha ang kanilang nanay. Kailangan itong maoperahan sa lalong madaling panahon.
“Amy, paano ba ito? Hindi ako makatulong nang husto dahil may binabayaran din kami ng Kuya Ernan mo,” sabi ni Ysbette kay Amy. Si Ernan ang mister nito.
“Hayaan mo, ate. Mananawagan ako sa social media. Gagawa tayo ng donation drive.”
Gayon na nga ang ginawa ni Amy. Isinalaysay niya sa social media kung gaano niya kamahal ang kaniyang ina, at kung ano ang pinagdaraanan nito. Nakiusap siya sa social media na kahit na anong tulong mula sa mga kakilala niya ay maluwag nilang tatanggapin.
“Hello, T. Amy! This is Dave Alcaraz, your former advisee na nagpasakit sa ulo ninyo noong unang taon ng pagtuturo ninyo. Ako po yung pinakamalokong estudyante ninyo. Sa ngayon po ay doktor na ako. Nabasa ko po ang social media post ninyo. Willing po akong operahan ang nanay ninyo nang libre para makabawas-bawas po sa mga gastusin ninyo…”
“Hello T. Amy! Si Samantha Pagsanjan po ito, dati ninyong estudyante. Paboritong guro ko po kayo at hindi ko po makakalimutan noong sinabihan ninyo akong magaling ako kahit hindi ako naniniwala sa sarili ko. Negosyante na po ako ngayon, at botika po ang negosyo ko. Puwede po akong magbigay ng suplay ng gamot para sa nanay ninyo, libre na po…”
At marami pa siyang mga mensaheng natanggap mula sa mga dating mag-aaral. Mga mensahe ng pagpapaabot-tulong at pasasalamat.
Tuluyang gumaling ang kanilang nanay. Naisalba ang mga gastusin sa ospital dahil sa mga tulong na nagmula sa kanilang mga dating mag-aaral na nabigyang inspirasyon nila sa kanilang tapat at mahusay na pagtuturo.
Masarap lamang sa pakiramdam na nakakaalala pa sila at matatagumpay na rin sila, bitbit ang walang hanggang pasasalamat sa kanila bilang mga naging guro.
Napangiti si Amy habang pinagmamasdan ang inang nagzu-zumba na. Ngayon, naniniwala siyang nakatadhana talaga siyang maging guro, at tama ang landas na kaniyang tinahak.