Sa Oras ng Kagipitan ay Hindi Sila Tinulungan ng Kanilang mga Kadugo; Sino ang Tutulong sa Kanila?
“Mabuti naman at nakauwi ka na! Kanina pa kita hinihintay,” bungad ng asawa niyang si Belinda.
Galing si Isko sa maghapong pagtatrabaho sa bukid kaya naman patang-pata ang katawan niya. Gayunpaman ay agad niyang nilapitan ang asawa para malaman kung ano ang problema na sinasabi nito.
“Bakit mahal? May nangyari ba?” tanong niya.
“Si Biboy kasi, kanina pa mataas ang lagnat. Ginawa ko na ang lahat pero hindi bumababa ang temperatura niya.”
Bakas sa mukha nito ang pagkabalisa.
Nilapitan niya ang anak na nakahiga sa papag. Balot ito ng kumot, mainit na mainit ang katawan, at putlang-putla.
“Dalhin natin siya sa ospital para matingnan ng mga doktor,” aniya.
“Pero wala tayong pera. Ni pambili nga ng bigas, wala. Pambayad pa kaya?” anito, tila iiyak na.
Napabuntong-hininga si Isko. Totoo ang sinasabi ng asawa niya. Subalit hindi rin naman niya kayang pabayaan na lang ang anak na may sakit.
“Susubukan kong humiram muna kila Tiyo. Ihanda mo si Biboy at hintayin niyo ako rito,” pahayag niya.
“Mahal, kilala nating pareho sina Tiyo. Baka imbes na tulungan ka, pagsalitaan ka pa ng masama. Ako na lang ang pupunta!” prisinta nito, na agad niyang tinutulan.
“Ako na. Dito ka na lang at bantayan mo si Biboy dahil baka kung ano pa ang mangyari. Babalik din ako agad,” aniya saka diretsong lumabas ng bahay para puntahan ang mga kamag-anak nila na nakatira sa ‘di-kalayuan.
Kabado siyang kumatok sa bahay ng mga ito. Alam niya kasi kung ano mismo ang pinag-aalala ng asawa.
Hindi lihim ang mga masasamang komento ng mga kamag-anak sa kaniya lalo na’t hindi siya nakapag-aral kagaya ng mga ito. Hindi siya marunong magsulat o magbasa man lang kaya’t ganun na lang kung maliitin siya ng mga ito.
“Isko? Anong kailangan mo?” bungad ng kaniyang Tiyo Pedring nang makita siya.
Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at agad na sinabi ang sadya.
“Tiyo, baka pwedeng manghiram muna ako ng pera sa inyo. May sakit kasi si Biboy at matagal-tagal pa ang ani,” pakiusap niya.
Napangisi na lang ito saka umiling-iling.
“Uutang ka? Paano mo naman babayaran, aber? Ni wala ka ngang kinikita sa pagsasaka mo,” taas kilay nitong komento.
“Mababayaran ko ‘yan, Tiyo. Hindi man agad-agad pero babayaran ko rin,” pangako niya.
Hindi man ito natinag sa pakiusap.
“Bakit ba kasi pinakasalan ka pa ni Belinda? Sinabi ko na sa kaniyang wala siyang mapapala sayo pero hindi nakinig. Tingnan mo ngayon, pare-pareho kayong walang makain. Pati anak mo nadamay. Anong klase kang ama?” iiling-iling nitong komento.
Napapikit siya nang mariin habang pilit na iniignora ang maanghang nitong salita. Ito na nga ang inaalala ng asawa kanina—ang mga masasakit na insulto nito na mawawala kahit anong pagsusumikap pa ang gawin niya.
“Tiyo naman, babayaran ko rin naman. Kailangang-kailangan ko lang para magamot si Biboy,” hindi natitinag na pakiusap niya.
“Hindi kita mapapahiram ng pera dahil ayaw kong masayang. Sa iba ka na lang maghanap at ‘wag ako ang abalahin mo. Wala kayong maasahan sa akin. Alis!” inis nitong pahayag saka siya tinaboy na parang aso.
Nang hindi siya natinag, marahas siya nitong pinagsarhan ng pinto.
Sumubok pa siya sa iba niyang tiyuhin bago siya tuluyang nawalan ng pag-asa.
Laylay ang balikat na naglakad siya pabalik sa bahay nila.
“Ano’ng nangyari?” tanong ng asawa.
Ikinuwento niya rito ang nangyari. Napabuntong-hininga ito saka pilit na ngumiti.
“Sabi ko na naman sa’yo, hindi ba? Hayaan mo na. Gumawa na lang tayo ng paraan ngayon. Ito na ang huling beses nating lalapit sa kanila. Hindi na nga tumulong, puro insulto pa, parang hindi pamilya ang tingin sayo,” dismayadong komento nito.
Tumango siya. Noong una ay pinilit niya pang makasundo ang mga ito, dahil sila na lang ang natitira niyang kamag-anak. Pero tama nga ang asawa, kung tratuhin at pagsalitaan siya ng mga ito ay parang hindi siya kadugo.
Dinala nila sa ospital ang anak. Swerte naman na nabalitaan ng kapitbahay na si Aling Beth ang nangyari, bumisita ito sa kanila at pinahiram sila ng pera.
“Ano ba naman kayo? Bakit hindi kayo nagsabi sa akin para nakatulong ako kaagad? Kung hindi lang nabanggit sa akin, hindi ko pa malalaman.”
Nagkatinginan silang mag-asawa saka napayuko sa kahihiyan.
“Nahihiya ho kasi kami, Aling Beth. Hindi naman po namin kasi kayo kamag-anak,” sagot ni Isko.
“Wala naman sa dugo ‘yan, nasa malasakit. O heto pa,” anito saka inilagay sa palad niya ang ilang libong piso.
“’Wag na po! Sobra-sobra na po, nakakahiya. Maraming salamat na lang po,” giit niya.
“Bakit naman nakakahiya? Hindi naman ito bigay kundi utang. Ibabalik niyo rin kapag meron na kayong pambayad. Hindi ba?”
Tumango silang mag-asawa. Hindi nila akalain na sa ibang tao pa nila mararamdaman ang malasakit at kalinga na ipinagkait ng sarili nilang pamilya.
“Nahihiya ako bilang ama ni Biboy. Salamat po. Ibabalik ko po ito, pangako.”
Ngumiti ito at nagpaalam sa kanilang dalawa pero bago ito umalis, isang salita ang binitiwan nito na hinding-hindi niya makakalimutan kahit na kailan.
“Tandaan mo, hindi sa yaman o diploma nasusukat ang pagiging mabuting asawa at ama, kundi sa pagmamahal at sakripisyo mo para sa kanila.”
Habang pinagmamasdan ni Isko ang papalayo nitong pigura ay napagtanto niyang hindi lahat ng tao’y hahamakin siya dahil lang sa kaniyang estado. May mga tao na handang tumulong at magmalasakit sa kapwa—kadalasan pa nga ay ‘yun pang mga hindi mo kapamilya.