Labag na Labag sa Loob Niya ang Pagpapakasal ng Kaniyang Anak; Ano ang Magpapabago ng Isip Niya Ukol sa Manugang?
“‘Ma, bawasan mo naman ang simangot, hindi ‘yan kayang takpan ng makeup!”
Napairap na lang si Lilia dahil sa paalala ng kaniyang nag-iisang anak na si Joy. Kasalukuyan silang mine-makeup-an para sa kasal nito.
“Anak naman kasi, hindi pa rin ako makakapaniwala na magpapatali ka sa Julian na ‘yun! Hindi ka man lang pumili ng lalaking kaya kang bigyan ng bonggang kasal!” inis na litanya niya.
“‘Ma, hinaan mo naman ang boses mo. Isipin ng mga tao mukhang pera tayo…” marahang saway nito.
“‘Ma, hindi ba’t sinabi ko na ako ang tumanggi sa bonggang kasal? Ayoko na maubos ang ipon ni Julian. Kaya ‘wag ka nang magmaktol diyan, dahil sa mabuting lalaki ako mapupunta,” naiiling na paliwanag pa nito.
Hindi na lamang siya nagsalita. Alam niya kasi na pinagtatanggol lang nito ang mapapangasawa.
Buong seremonya ay masama ang timpla niya. Ni hindi siya makangiti para sa mga larawan. Alam niya kasi na mali ang desisyon ng anak.
Sa dinami-dami ng inireto niya rito, gwapo, mayaman, may magandang trabaho, bakit nito pinili si Julian na isang simpleng guro?
Ano na lang ang ipapakain ng lalaki sa anak niya? Sa mga magiging apo niya?
Kaya naman masamang-masama ang loob niya na tumuloy si Joy sa pagpapakasal sa nobyo nito, sa kabila ng marahas niyang pagtanggi.
Sa totoo lang, kung kaya niyang tiisin ang anak ay hindi siya dadalo sa kasal nito.
Ngunit hindi niya kayang gawin iyon sa kaniyang unica hija!
Nang matapos ang kasal ay pasimple siyang lumapit sa kaniyang manugang upang balaan ito.
“Kung hindi mo kayang buhayin ang anak ko, ibalik mo siya sa akin. Sanay ‘yan sa masaganang buhay. Ayokong maghirap siya sa piling mo,” mariing wika niya kay Julian.
Bago pa ito makahuma ay naglalakad na siya palayo.
Nang matapos ang kasal ay halos hindi matapos-tapos ang pagpapaalam niya sa nag-iisang anak. Iyon kasi ang unang pagkakataon na mahihiwalay sa kaniya ang anak.
“‘Ma, pagbalik namin galing honeymoon, bisita ka na lang po sa bahay. Tetext ko sa’yo ang address,” bilin ni Joy.
Napaingos na lang siya. Sana naman ay mabigyan man lang ni Julian ng matino at maayos na bahay ang anak niya.
Kaya naman matapos ang dalawang buwan, nang malaman niyang nakabalik na ang mag-asawa ay agad siyang tumungo sa bahay ng mga ito.
Tumaas pa ang kilay niya nang matuklasan na sa isang magandang subdibisyon nakatira ang dalawa.
Mas lalo siyang nagulat nang tumambad sa kaniya ang isang magandang bahay. Hindi kasinglaki ng bahay nila iyon ay masasabi niya pa rin na maganda iyon para sa mga mga nagsisimula ng pamilya.
“‘Ma! Mabuti naman po at nakadalaw kayo!” magiliw na bungad ni Julian. May suot pa itong apron, at tila galing ito sa pagluluto.
Isang malamig na tango ang isinukli niya sa manugang.
Naabutan niya ang anak sa maluwag na sala.
Kasalukuyang itong nagre-relax habang nakaupo sa isang bagong-bagong massage chair!
Nagmamadali siyang lumapit sa anak para mag-usisa.
“Ang bongga naman ng massage chair mo, anak! Gusto ko sana ‘to, kaso nanghihinayang ako dahil mahal!” aniya.
Masigla itong tumayo at niyakap siya.
“Sino’ng nagregalo ng massage chair mo, anak? In fairness, maganda,” komento niya.
Natawa ito bago sumagot.
“Si Julian ang bumili nito, Mama. Nasabi ko kasi sa kaniya na gusto ko ng ganito. Ayoko nga sana, kasi mahal. Pero nagpilit, kaya ito,” humahagikhik na kwento ng kaniyang anak. Hindi maitatago ng nagniningning nitong mga mata ang labis na saya.
Nagulat man siya ay hindi siya nagkomento. Ngunit sa isip niya ay nabuo ang isang tanong. Paano kaya napagbibigyan ni Julian ang kapritso ng kaniyang anak?
“Halika, Mama, ililibot kita sa bahay,” yaya ni Joy.
Sa buong paglilibot nila ay nakataas lang ang kilay ni Lilia, ngunit sa isip niya ay pinupuri niya ang bahay ng mag-asawa. Bagaman kasi simple iyon ay hindi basta-basta ang kagamitan sa bahay ng dalawa.
Maya-maya ay narinig nilang sumigaw si Julian mula sa kusina.
“Mahal, hindi ka pwede malipasan ng gutom! Yayain mo na rito si Mama sa kusina, at kumain na tayo,” anito.
Nang pumasok sila sa kusina ay tumambad sa mesa nila nang masaganang pananghalian. Karamihan doon ay mga paborito niya.
“Ba’t parang ang dami naman nito?” takang usisa niya.
“Mga paborito ko na naman ‘yan, Mama, pati mga paborito mo, inaral lutuin ni Julian,” pagbibida ni Joy sa asawa.
Sa pagkakataong iyon ay hindi niya maiwasang mapangiti.
“Mabuti naman. Akala ko ay puro de lata ang kakainin niyo dahil hindi ka marunong magluto,” natatawang wika niya.
Umiling si Joy.
“Naku, Mama, hindi mangyayari ‘yun. Napakasipag ng asawa ko magluto. Kaya araw-araw masarap ang pagkain dito,” anito.
Napasulyap siya sa pawisang si Julian na abala sa paglilinis ng mga pinaglutuan nito.
“‘Ma, wala kang dapat ipag-alala. Alagang-alaga ako ni Julian,” nakangiting pahayag nito.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinukol niya ng ngiti ang binata. Sapat na ang narinig niya. Noon ay alam niya nang nagkamali siya ng pagkakakilala sa manugang. Kayang-kaya nitong alagaan si Joy, marahil sa paraang higit pa sa kaya niya bilang ina.
“Julian, halika’t kumain ka na rin dito bago pa lumamig ang pagkain,” masiglang alok niya sa manugang.
Saglit na nanlaki ang mata nito bago tinungo na rin ang hapag. Hindi yata ito sanay na maayos na pakikitungo mula sa kaniya. Bahagya siyang nakaramdam ng sundot ng konsensya.
Nilingon niya ang lalaki.
“Salamat, hijo. Salamat sa pag-aalaga mo sa anak ko. Pasensya ka na akin, gusto ko lang na maayos ang unica hija ko,” sinserong wika niya sa lalaki.
“Walang anuman po. Ito po ang sinumpa ko sa harap ng Diyos, kaya umasa po kayo na tutuparin ko ang pangako ko. Aalagaan ko po si Joy,” nakangiting tugon nito.
Nakangiting tumango siya sa lalaki. Ngayon ay makakahinga na siya nang maluwag. Sigurado na siyang nasa mabuting mga kamay ang kaniyang unica hija!