Sa Kanilang Anibersaryo ay Isang Sorpresa Para sa Nobyo ang Inihanda Niya; Bakit Napaiyak Siya nang Gabing Iyon?
Pagdilat pa lang ng mata ni Ivy ay kumakabog na ang dibdib niya. Ito na kasi ang pinakahihintay niyang araw.
Sa suporta ng kaniyang mga malalapit na kaibigan ay isang sorpresa ang hinanda niya sa kaniyang nobyo na si Jude.
Ngayon kasi ang ikalimang taong anibersaryo nila ng nobyo. Kay tagal niyang hinintay na mag-propose ito sa kaniya, ngunit hindi dumating ang araw na iyon.
Kaya naman nang masiguro niya sa sarili na ito na ang nag-iisang lalaki na nais niyang iharap sa dambana ay hindi na siya nag-atubili pa. Nagdesisyon na siyang siya na mismo ang humingi sa kamay nito, kaysa maghintay pa.
“Mahirap na, baka maagaw pa siya ng iba.” Iyon ang katwiran niya.
Napangiti siya nang tumunog ang cellphone niya. Lalong lumapad ang ngiti niya nang makita ang text ng kaniyang nobyo.
“Good morning, love. Happy anniversary. Kita tayo sa date natin mamaya. Love you!”
Isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit mahal na mahal niya si Jude. Simula kasi noong maging sila, ni minsan ay hindi pa ito pumalya na padalhan siya ng mga sweet na mensahe tuwing umaga.
Agad siyang nagtipa ng mensahe para sa nobyo.
“Happy anniversary, love. See you later!” sagot niya.
Alas sais ang usapan nila ng nobyo, ngunit alas tres pa lang ay naghahanda na siya. Nais niya na maging maganda sa espesyal na araw na iyon.
Tatlumpung minuto bago mag-alas sais ay dumating na siya sa restawran.
Sa gulat niya ay naroon na rin naghihintay si Jude.
Agad itong tumayo upang ipaghila siya ng upuan. Sa lamesa ay nakapatong ang isang bungkos ng bulaklak.
“Ang ganda mo,” nakangiting papuri nito.
Hindi niya maiwasang mamula. Kahit na matagal na silang magkasintahan ay kinikilig pa rin siya sa nobyo sa tuwing pinupuri siya nito.
“Thank you!” nahihiyang tugon niya.
Nang makaupo siya ay iniabot nito ang bungkos ng bulaklak.
“Happy anniversary!” nakangiting bulalas nito.
“Happy anniversary, love,” aniya.
Masaya silang nagkwentuhan. Ngunit may napansin siyang kakaiba sa nobyo. Panay ang gamit nito ng cellphone, bagay na kataka-taka dahil tila may hinihintay itong mahalagang mensahe.
Ni hindi nito magalaw ang hawak na pagkain.
“Love,” marahang tawag niya rito nang makitang nagtitipa na naman ito ng mensahe para sa kung sino.
“May problema ba? Sino ‘yang ka-text mo?” pasimpleng usisa niya nang lingunin siya nito.Saglit itong natahimik bago sumagot.
“Ah, wala, love. Boss ko,” sagot nito.
Inignora niya na lang ang nararamdamang kaba at nagpatuloy siya sa pagkain.
Subalit maya-maya ay tumunog ang cellphone ni Jude. Akma itong tatayo upang sagutin ang tawag kaya tinawag niya ito.
“Sino ‘yan? Dito mo na lang sagutin,” aniya.
Matigas itong umiling.
“Hindi, hindi pwede. Kailangan kong lumabas,” pagdadahilan nito bago nagmamadaling sinagot ang tawag habang naglalakad palabas ng restawran.
Napabuntong hininga na lang si Ivy habang minamasdan ang nobyo na ngiting-ngiti sa kausap nito sa cellphone.
Hindi niya maiwasang kabahan. Sino ba ang kausap nito?
Mahigit dalawampung minuto ang lumipas bago ito nakabalik.
Magagalit na sana siya kung hindi lang abot-abot ang paghingi nito ng dispensa.
“Sorry love ha, may mahalaga lang akong inaasikaso. Pero ok na lahat, kaya pokus na ulit ako sa’yo,” malambing na wika nito, dahilan upang matunaw ang inis niya.
Bago sila matapos kumain ay pasimple niyang kinuha ang singsing sa bulsa niya. Pagkatapos ay hinuli ang kamay ng nobyo. Sa nanginginig niyang kamay ay tinanong niya ito ng isang napakahalagang tanong.
“Papayag ka ba na makasama ako habang buhay?” naiiyak na tanong niya sa nobyo.
Natulala ito. Pagkatapos ay umiiling na lumuha.
Tila nabasag ang puso niya. Tinanggihan nito ang alok niya!
“B-bakit hindi mo tinanggap ang alok k-ko, Jude? May iba ka na ba? Siya ba ang kausap mo kanina pa?” sunod-sunod na tanong niya. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na tatanggihan siya ni Jude.
Lumapit sa kaniya ang nobyo. Lumuhod ito bago may kinuha na isang kahita. Sa loob noon ay may isang kumikinang na singsing!
May kung ano itong itinuro sa likuran niya.
Nang lingunin niya iyon ay nakita niya ang mga kaibigan ni Jude. May hawak ang mga itong papel na bumubuo ng tanong na “Will you marry me?”
“Sorry. Hindi ko matatanggap ang alok mo… pero pwede mong tanggapin ang alok ko, love. Pakasalan mo ako, at pangako na araw-araw kitang mamahalin,” madamdaming pahayag nito.
Tuluyan nang napahagulhol si Ivy.
Sa putol-putol na tinig dulot ng luha ng kasiyahan ay ibinigay niya rito ang matamis niyang “oo.”
Sumabog ang malakas na palakpakan nang magyakap ang magkasintahan.
“Akala ko may ibang babae ka na kaya hindi mo ako papakasalan…” umiiyak na sumbong niya sa nobyo.
Mas lalo lang nitong hinigpitan ang yakap sa kaniya.
“Sino pa bang ibang mamahalin ko bukod sa’yo? ‘Wag na ‘wag mong iisipin na kaya kitang ipagpalit…” anito.
Masayang-masaya si Ivy. Alam niya kasi na iyon ang unang araw ng kanilang paglalakbay patungo sa pagsasama habambuhay!