Inday TrendingInday Trending
Bulok ang mga Gamit Niya sa Eskwela Noon; Makaganti Kaya Siya sa mga Nang-api sa Kaniya Gaya ng Nais Niya?

Bulok ang mga Gamit Niya sa Eskwela Noon; Makaganti Kaya Siya sa mga Nang-api sa Kaniya Gaya ng Nais Niya?

Mula man sa isang mahirap na pamilyang hindi sigurado kung may kakainin pa kinabukasan si Nini, hindi ito naging hadlang para siya ay makatungtong sa paaralan at makapag-aral. Plastik bag man ang kaniyang ginagawang bag at lumang mga gamit sa eskwela ang laman noon, ni minsan ay hindi siya nahiyang pumasok sa unang baitang sa elementarya sa edad na anim.

Nakikita man niyang naggagandahang ang bag na dala ng kaniyang mga kaklase at unat na unat sa plantsa ang uniporme ng mga nito, kahit kailan ay hindi siya nakaramdam ng inggit sa mga ito dahil sa murang edad, natutuhan na niyang makuntento sa kung anong mayroon siya at sa kung ano lang ang kayang ibigay ng kaniyang mga magulang na pawang nangangalakal para may maipakain lang sa kaniya.

Kung tutuusin, wala naman talagang balak ang kaniyang mga magulang na siya’y ipasok sa eskwela dahil nga sa hirap ng kanilang buhay. Siya lang ang tanging nagpumilit na mag-aral siya sa pampublikong paaralang iyon.

Sa katunayan, ang mga gamit niya’y mula lang sa basuran katulad ng kaniyang mga putol-putol na pangkulay, maliliit na lapis, at maruruming mga papel. Lahat ito ay kaniyang pinagtitiisan para sa matugunan ang pagkauhaw niya sa edukasyon.

Kaya lang, noong unang araw niya sa paaralan, habang siya’y abala sa pakikinig sa gurong nagtuturo sa harapan, naramdaman niya na lang na may humila sa plastik bag na nasa likod ng upuan niya saka sinabog lahat ng laman nito.

Tandang-tanda niya ang mga sinabi ng kaniyang mga kaklase noon na talagang nagbigay sa kaniya ng kahihiyan sa unang pagkakataon.

“Kadiri naman! Parang galing basurahan na ‘yong notebook mo!”

“Bali-bali na ‘yong colors mo! Wala bang pambili ang mga magulang mo?”

“Hala! Karton lang ng katol ang pencil case mo? Kawawa ka naman!”

Saka nagtawanan ang mga ito dahilan para wala na siyang magawa kung hindi maiyak na lamang. Habang pinupulot ng guro niya ang mga gamit niyang nasa sahig, isa lang ang tumatakbo sa isip niya, “Balang araw, magkakaroon ako ng mga bagong gamit sa eskwela! Ipapahiya ko rin kayong lahat!”

Ito ang dahilan para sa mura niyang edad, siya’y sumabak na sa pagbananat ng buto. Bago siya pumasok sa eskwela, dinidiligan niya ang mga pananim ng isang mayamang ginang na kinukuhanan ng basura ng kaniyang mga magulang upang makatanggap siya ng bente pesos dito. Habang masayang naglalaro naman ang kaniyang mga kaklase pagkatapos ng kanilang klase, nananatili siya sa kanilang silid-aralan para maglinis at doon ay muli siyang kikita ng pera. Hindi pa roon natatapos ang kasipagan niya, dahil pagkatapos noon, dumadaan pa siya sa terminal ng jeep at bus upang magtawag ng pasahero at muling makalikom ng pera.

Sa gawain niyang ito, sa loob lang ng isang buwan, nakabuo na siya ng halagang sasakto para mabili ang mga gamit pang-eskwelang gusto niya.

At kahit pa nagawa na niyang ibili ang sarili niya ng mga gamit na iyon, nagpatuloy pa rin siya sa pagbabanat ng buto hanggang sa makapagtapos na siya ng pag-aaral. Hindi man naging madali ang buhay para sa kaniya, nilabanan niya ito para matupad ang kagustuhan niyang maipamukha sa mga dating kaklase ang kakayahan niya kahit siya’y mahirap.

Dahil sa talas ng kaniyang isip at galing niya sa pagsasalita ng ingles, siya rin ay agad nang nakahanap ng kilalang kumpanyang kaniyang pagtatrabahuhan at doon na nagsimulang mabago hindi lang ang buhay niya kung hindi ang buhay ng kaniyang buong pamilya.

Una niyang pinagtuunan ng pansin ang titirhang bahay ng mga ito saka siya nagpatayo ng kainan sa tabi ng unibersidad na dati niyang pinapasukan dahilan para makapagbigay din siya ng trabaho sa mga estudyanteng nahihirapang maghanap ng panggastos.

Dito niya muling nakita ang batang noon ay nagtapon ng gamit niya at unang nangutiya sa kaniya. Nag-aapply ito bilang isang serbidora para raw makapagtapos siya ng pag-aaral.

“Patawarin mo na ako, Nini. Nagbago na naman ako, eh. Maawa ka na sa akin, ilang taon na akong natigil sa pag-aaral dahil sa kahirapang biglang naranasan ng pamilya ko,” hikbi nito sa kaniya.

Nanumbalik man ang galit na naramdaman niya noong panahong minaliit siya nito, naisip niyang minsan din siyang naging desperada sa buhay na nangangailangang makapagtapos ng paaralan kaya kahit pa ganoon, tinanggap niya pa rin ito at pinakitunguhan nang maayos.

“Ayos lang ‘yan, Nini. Hindi mo man natupad ang pangako mong ipahiya sila katulad ng pagpapahiya nila sa’yo noon, natulungan mo naman silang magpatuloy sa pag-aaral. Ito na ang pinakamagandang ganting magagawa mo sa buhay mo,” sabi niya sa salamin saka tinapik-tapik ang sariling balikat.

Advertisement