Hindi Siya Nagbibigay ng Aguinaldo sa mga Batang Nangangaroling at Ipinagtatabuyan pa ang mga Ito; Isang Binata ang Magpapabago sa Lahat
Kahit may-ari ng isang malaking sari-sari store ang ginang na si Tonia, ni minsan, wala pa siyang binigyan ng kahit dalawang piso sa dami ng nagtatangkang mangaroling sa kaniya tuwing nalalapit na ang Kapaskuhan.
Kung hindi niya itataboy ang mga ito sa pamamagitan nang malakas niyang pagdadabog, bubungangaan niya naman ang mga ito para tigilan ang pagkanta ng mga kantang pang-Pasko na ikinaririndi na.
Noon naman talaga’y nagbibigay siya sa mga batang nangangaroling sa kaniyang tindahan. Sa katunayan, minsan pa nga’y namimili pa siya ng mga tsokolate o simpleng laruan upang ito ang ibigay sa mga bata kaysa pera.
Kaya lang, habang siya’y abala sa pamimigay ng mga mumunting aguinaldo sa mga batang nangangaroling, naenganyo naman ang kaisa-isa niyang anak na noon ay sampung taong gulang na sumama sa isang grupo ng mga bata upang mangaroling din.
Ginawa man niya ang lahat para pagbawalan na sumama sa mga iyon dahil nga taong bahay lang ang kaniyang anak at walang alam sa pasikot-sikot sa kanilang lugar, nagpumilit pa rin ito dahilan para pagbigyan niya na rin ito ‘di kalaunan lalo na nang makita niyang makakasama nito ang isa sa mga inaanak niya. Katwiran niya pa noon matapos umalis ang kaniyang anak sa kanilang bahay, “Sabagay, kailangan ding maranasan ang anak kong mangaroling kahit isang beses sa buhay niya.”
Ngunit, sumapit na ang hating gabi noong araw na ‘yon, hindi pa rin nakakauwi ang kaniyang anak. Hindi niya mawari kung bakit ibang kaba ang nararamdaman niya kaya siya’y nagmadaling pumunta sa bahay ng kaniyang inaanak na kasama nito.
Kaya lang, nang tanungin niya ang bata kung nasaan ang kaniyang anak, sabi lang nito, “Hindi ko po alam, ninang. Nauna po siyang umuwi kaysa sa akin dahil nagugutom na raw po siya,” at doon na siya labis na nataranta. Sinuyod man niya ang kanilang buong lungsod kasama ang ilang mga tanod ngunit kahit anino nito, wala silang nakita hanggang sa umabot na ng isang dekada ang paghahanap niya sa anak niyang ito.
Ito ang dahilan para simula noon, imbis na magbigay siya ng aguinaldo sa mga bata, palagi niyang sermon sa mga ito, “Magsiuwi kayo sa mga bahay niyo! Kapag kayo nawala, kawawa ang mga magulang niyo!”
Dalawang linggo bago ang Kapaskuhan, nagsimula na namang umikot sa kanilang barangay ang mga bata upang mangaroling at katulad ng taon-taon niyang nakasanayan, hindi siya nagbibigay ng kahit na anong kapalit sa pag-awit ng mga bata.
“Thank you, thank you, ang babarat ninyo, thank you!” ang palaging kanta sa kaniya ng mga batang sinisigawan niya ng, “Patawad!”
Ngunit isang gabi, habang abala siya sa paglilista ng mga bibilhin niyang paninda para bukas, may isang lalaking mag-isang nangaroling sa kaniyang tindahan. May gamit pa itong gitara habang kumakanta.
“Katanda-tanda mo na, nangangaroling ka pa? Magtrabaho ka kaysa umasa ka sa mga bigay ng tao! Umalis ka na, hindi kita bibigyan kahit ni piso!” sigaw niya rito.
Pero imbes na umalis, nagpatuloy pa rin sa pag-awit ang binata dahilan para lapitan niya ito at paalisin nang harapan.
“Hindi mo ba ako…” biglang nanigas ang buo niyang katawan nang makitang kamukha nito nang nawawala niyang anak, “Anong pangalan mo, hijo?” mangiyakngiyak niyang tanong dito.
“Isang dekada lang po ako nawala, mama. Nakalimutan mo na po agad ang pangalan ko?” tanong din nito dahilan para siya’y mapaluhod na lang sa sobrang saya saka umiyak nang husto.
Agad naman siyang niyakap ng kaniyang anak at sinabing, “Pasensya na po, mama, natagalan ang pagbabalik ko,” saka nito ikinuwento sa kaniya ang nangyari noong nawala ito.
“Habang nasa daan po ako pauwi noon dahil nagugutom na ako, may isang lalaki nagsabi sa akin na ihahatid niya na raw po ako pauwi at dahil masakit na rin po ang paa ko, sumakay po ako sa kotse niya. Pero nang mapansin ko pong lumabas na kami sa lungsod natin, doon na po ako natakot. Sakto naman pong naiwan niyang nakabukas ang bintana ng sasakyan kaya nang maipit po kami sa traffic, tumakas na po ako. Kaya lang, hindi ko po alam paano umuwi kaya nagpalaboy-laboy po ako. Sa katunayan, hindi ko po alam paano ko nakayanan ang buhay sa kalsada,” kwento nito na lalo niyang ikinaiyak.
“Patawarin mo ako, anak,” tangi niyang sabi habang yakap-yakap ito.
“Hindi mo po ba tatanungin kung paano po ako nakauwi rito?” pagtataka nito.
“Hindi na ‘yon mahalaga, anak. Ang importante sa akin ngayon, kasama na ulit kita!” tugon niya saka ito muling niyakap nang sobrang higpit.
Simula noon, binusog niya sa pagmamahal at kalinga ang anak niyang iyon. Nagsimula na rin siyang magbigay ng aguinaldo sa mga batang nangangaroling bilang pasasalamat sa Panginoon sa pagbabalik nito sa kaniyang anak.
“Kahit maubos ang lahat ng mga paninda ko, ayos lang po! Basta’t makasama ko habambuhay ang anak ko!” sambit niya habang nagbabalot ng mga kending ibibigay sa mga bata.