Inday TrendingInday Trending
Inareglo Niya ang Kasalanang Nagawa ng Anak, Ito pala ang Magbibigay Bangungot sa Kaniya

Inareglo Niya ang Kasalanang Nagawa ng Anak, Ito pala ang Magbibigay Bangungot sa Kaniya

Kahit anong gawin ng panganay na anak ng ginang na si Perla, palagi niya itong kinakampihan at pinagtatanggol. Ito man ang may kasalanan o hindi, gumagawa siya ng paraan upang masalba ang anak sa tiyak na kapahamakan.

Sa katunayan, noong ito ay nasa hayskul pa lang, nang sawayin ito ng guro dahil sa pangongopya nito sa pagsusulit, imbes na humingi ng tawad at magsagot gamit ang sariling kaalaman, hinagisan pa nito ng upuan ang naturang guro dahilan para ito’y mapaospital at gustuhing patalsikin ang kaniyang anak sa paaralang iyon.

Ngunit dahil nga hindi niya matanggap na nagawa iyon ng kaniyang anak at ayaw niyang umingay ang maling ginawa nito sa kanilang buong lalawigan, agad niyang pinuntahan ang guro habang nagpapagaling sa ospital at siya’y nagmakaawa roon na patawarin ang kaniyang anak. Araw-araw niya pa itong dinadalaw at binibigyan ng pera para lang huwag patalsikin ang loko niyang anak. Sa kabutihang palad, napapayag niya naman ang gurong ito at matagumpay na nakapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang anak doon.

Kaya lang, habang patuloy niyang kinukunsinti ang kalokohan ng kaniyang anak, patuloy ding lumalalim ang mga ginagawa nitong kalokohan na talagang nagbibigay sa kaniya ng paghihirap at pagkadurog ng puso.

Isang araw, habang abala siya sa paghahanda ng pagkain ng bunso niyang anak na anim na taong gulang na papasok sa eskwela, nagulantang siya nang biglang dumating ang panganay niyang anak at basag-basag ang mukha nito.

“Anong nangyari sa’yo, anak? Ano na namang kalokohan ang ginawa mo?” nag-aalala niyang tanong dito at bago pa ito sumagot, dumating na sa kanilang bahay ang isang ginoong humahabol dito na may dalang itak, “Diyos ko! Ano pong nangyayari? Maghunos dili po kayo!” sigaw niya rito.

“Walang h*ya ‘yang anak mo, Perla! Pinagsamantalahan niya ang anak ko! Menor de edad pa ‘yon, Perla, sinong dem*nyo ba ang sumanib d’yan, ha? Kitang-kita ko pa ang kababuyang ginawa niya sa anak kong walang kalaban-laban! Ipapakulong ko ‘yang tarant*dong ‘yan!” galit na galit na sigaw nito sa kaniya habang nagpupumiglas sa iba pa nilang kapitbahay na umaawat.

Hinang-hina man siya sa nalamang balita, pilit niyang pinakalma ang naturang ginoo. Nang makita niyang bumaba na ang emosyon nito, roon na siya lumuhod sa harapan nito habang pilit niyang nilalagay sa kamay nito ang perang naipon niya na hindi bababa sa isang daang libong piso.

“Pakiusap, huwag niyo pong ipakulong ang anak ko. Pangako, kapag pinalampas niyo ito, lalayo na kami rito para hindi na siya makita ng anak at buong pamilya niyo,” hikbi niya sa harap nito at dahil nga mahirap din ang buhay ng ginoong iyon, sa huli ay napapapayag niya rin ito ngunit kailangan nilang maghanap ng panibagong matitirhan.

Wala na siyang sinayang na oras noon at agad nang umalis sa bahay noon kasama ang dalawa niyang anak dahil sa takot na baka hindi pumayag ang ibang kapamilya nito.

Sa awa naman ng Diyos, mayroon silang natagpuang maliit na apartment sa isang tagong lugar sa kanilang lalawigan na sakto pa sa perang natitira sa kaniyang bulsa.

“Anak, wala na akong pera para masalba ka sa mga kalokohan mo. Parang awa mo na, magtino ka na, ha? Ngayong wala na akong pera, kailangan ko nang magtrabaho ulit. Ikaw na munang bahala kay bunso,” bilin niya pa rito saka agad na umalis ng bahay para naman maghanap ng mapagtatrabahuhan.

Gabi na nang makauwi siya sa kanilang bahay. Sobrang saya man niya dahil may pabrikang agad na tumanggap sa kaniya, lahat ng ito ay napalitan nang panlalambot noong makita niyang may dugo ang pang-ibabang damit na suot ng bunso niyang anak.

“A-anak, a-anong nangyari sa’yo? Ba-kit ka may du-dugo?” natatakot at uutal-utal niyang tanong dito.

“Tinuruan po ako ni kuya mag-ehersisyo. Ang sakit nga po, mama, eh. May pinasok…” agad na niyang pinutol ang sinasabi ng anak at dali-dali na niya itong niyakap habang humahagulgol.

Oramismo, tumawag na siya ng pulis upang dakpin ang kaniyang anak. Kung dati ay naaawa siya rito, ngayo’y galit na ang kaniyang nararamdaman.

“Nagsisisi ako kung bakit hindi kita agad pinakulong! Pati kapatid mo, binaboy mo na!” galit niyang sigaw dito.

“Kasalanan mo rin ‘yan, palagi mo akong pinagtatakpan, eh,” sagot pa nito na nagbigay sa kaniya ng labis na pangongonsenya dahilan para pati sarili niya, hindi niya magawang mapatawad sa sinapit ng bunso niyang anak.

Kahit pa ganoon, unti-unti siyang bumawi sa bunsong anak na hanggang ngayon ay walang muwang sa nangyari. Patuloy niya itong binigyan ng kaalaman at prinotektahan upang huwag na nitong muling maransan ang bangungot ng nakaraan.

Habang ang binata naman ay tiyak nang mabubulok sa selda dahil kasong isinampa mismo ng sarili niyang ina.

Advertisement