Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Nanay Nang Makita Niya ang Laman ng Dalawang Maliit na Kahon sa Silid ng Anak na Dalagita; Ano Kaya ang Laman ng mga Ito?

Nagulat ang Nanay Nang Makita Niya ang Laman ng Dalawang Maliit na Kahon sa Silid ng Anak na Dalagita; Ano Kaya ang Laman ng mga Ito?

“Mare, tama na. Nariyan na ‘yan eh. Tanggapin mo na lang. Isipin mo na lamang na panahon na para maging lola ka. Saka, 21 anyos na ang anak mo. Isipin mo na lamang na nasa hustong gulang na siya para magkaanak.”

Inaalo ni Aling Julianna ang kaniyang kumareng si Aling Bibeth dahil hindi nito matanggap na nabuntis nang maaga ang kaniyang anak na babaeng si Mary Ann.

“Wala namang problema sa akin mare kung buntis siya eh, basta ba’t pakakasalan siya ng lalaking nakabuntis sa kaniya. Ang masama kasi nito, hindi niya alam kung sino ang nakabuntis sa kaniya! Wala naman pala siyang nobyo!” pumapalahaw ang iyak na sabi ni Aling Bibeth.

Napahawak na lamang sa kaniyang dibdib si Aling Julianna dahil sa kaniyang mga narinig.

Kung sabagay. May katwiran nga naman ito. Kahit si Aling Julianna, madudurog ang puso kung mangyayari ito sa anak niyang si Beverly, 18 anyos.

“Alam mo ba ang sinasabi sa akin ng mga kapitbahay ko? Na kesyo malandi raw ang anak ko dahil kung kani-kanino pumatol, hayan, nabuntis! Mana raw sa akin…”

“Mare, huwag mo nang isipin ang mga sasabihin ng mga chismosa mong kapitbahay. Hindi ka naman nila matutulungan sa panganganak ng anak mo at pag-aalaga ng magiging apo mo,” payo ni Aling Julianna.

Tumango-tango naman si Aling Bibeth.

“Tama ka, mare. Kaya ikaw ha, ingatan mo ang inaanak kong si Beverly. May nobyo ba siya ngayon? Tingnan-tingnan mo ang buwanang dalaw niya. Kapag hindi ka na nakakita ng gamit na pasador sa basurahan, mag-isip-isip ka na.”

Nang gabing iyon ay hindi nakatulog si Aling Julianna. Nasa isip niya ang kinahinatnan ng anak ni Aling Bibeth, gayundin ang mga paalalang sinabi nito sa kaniya.

Sa palagay naman niya ay malayo ang ugali ng anak sa ugali ng anak ni Aling Bibeth. Tutok sa kaniyang pag-aaral si Beverly at wala pa itong ipinakikilang nobyo.

Isa pa, hindi naman magaslaw ang kilos ng anak.

Lagi rin namang nagkukuwento ang anak sa mga nangyayari sa buhay nito sa paaralan. Minsan, ginagabi ng uwi dahil kabilang ito sa Student Council at manunulat sa pahayagan ng mga mag-aaral.

Ngunit alam ba niya ang lahat hinggil sa kaniyang anak? Hindi naman 24 oras ay mababantayan niya ito. Isa pa, malaki na si Beverly. Hindi naman niya puwedeng panghabambuhay na rendahan sa kaniyang tabi.

Isang araw, nag-akas ng mga nilabhang damit si Aling Julianna. Matapos tupiin ang mga damit ni Beverly ay pumasok siya sa silid nito at inilapag ang mga nakatuping damit.

Aalis na sana siya nang biglang may mahagip ang kaniyang paningin; dalawang kahong nakaplastik at nakalapag sa desk nito kung saan ito nag-aaral.

“Nakalimutan niya kaya ito?” naitanong ni Aling Julianna. Lumapit siya upang silipin kung ano ang dalawang kahon. Inilabas niya mula sa plastik.

Napatda siya sa kaniyang nakita.

C*ndom ang laman ng dalawang kahon. Maraming-maraming c*ndom!

“Diyos ko Beverly,” napaantanda na lamang ng krus si Aling Julianna. Bakit naman magtatago ang anak ng napakaraming c0ndom?

Nawala na sa pokus si Aling Julianna. Naalala niya ang nangyari sa anak ni Aling Bibeth na sa isang iglap lamang ay nagkaroon na kaagad ng responsibilidad, gayong hindi pa ganap na nalalasap ang sarap ng pagiging isang dalaga.

Agad na hinalungkat ni Aling Julianna ang maliit na basurahan sa loob ng palikuran. Nakahinga siya nang maluwag. Nakita niya ang pasador na nakabilot. Matagal na siyang hindi gumagamit ng pasador dahil hindi na siya dinaratnan. Samakatwid, kay Beverly ang gamit na pasador.

Ngunit bakit maraming c0ndom ang kaniyang anak? Aktibo ba ito?

Ayaw niyang pag-isipan nang masama ang anak. Alam naman niya kung saan ginagamit ang c*ndom. Hindi lamang siya makapaniwala na kakikitaan niya nang ganoon ang anak. Mabuti na lamang at siya ang nakakita at hindi ang mister niyang si Rudy. Tiyak na kakastiguhin nito ang anak.

Upang matapos na ang mga agam-agam, agad na kinausap ni Aling Julianna ang anak nang dumating ito mula sa paaralan.

“Anak, bakit may dalawang kahon ka na punumpuno ng… c*ndom? May kasintahan ka ba, anak?” diretsahang usisa ni Aling Julianna sa kaniyang anak.

Hindi man lamang namutla o nagulat si Beverly.

“Nay, huwag po kayong mag-alala. Ako po kasi ay H!V advocate sa paaralan, boluntaryo po ako. Ipinamimigay po namin ‘yan dahil sa panahon po ngayon, talagang hindi na po naiiwasan iyan. Marami po ang nasisira ang buhay dahil sa hindi ligtas na pagnan*ig. Pero huwag po kayong mag-isip nang kung anuman sa akin, ‘Nay. Gusto ko pa pong makatulong sa ating pamilya kaya hindi po ako papasok sa isang bagay na alam kong pagsisisihan ko,” paliwanag ni Beverly.

Nakahinga nang maluwag si Aling Julianna.

“Nagtitiwala ako sa iyo, anak.”

At napatunayan naman ni Beverly na dapat siyang pagkatiwalaan. Nakatapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo na may parangal na Cum Laude, nakapagtrabaho nang maganda, nakapag-ipon, at saka lamang nagkaroon ng nobyo. Makalipas ang dalawang taon ay nagpakasal na rin at lumagay na sa tahimik.

Masayang-masaya si Aling Julianna dahil hindi natulad sa kaniya ang anak. Naituwid niya ang kaniyang mga pagkakamali noong kabataan niya. At sa palagay niya, gayundin ang ituturo ni Beverly sa kaniyang mga magiging apo sa hinaharap.

Advertisement