Isang Bagong Kaibigan ang Nakilala ng Babae Habang Papauwi at Nagkasundo Kaagad Sila; Hindi Niya Inasahan ang Matutuklasan
“Miss! Miss! Sandali lang!”
Napahinto si Emily sa pagtawag sa kaniya ng isang babaeng maganda ngunit sa palagay niya ay kaedad lamang niya. Hawak nito ang kaniyang pitaka na naglalaman ng pera at mga mahahalagang ID niya.
“Nalaglag itong pitaka mo sa bulsa ng pantalon mo. Mabuti na lang at nakita ko kaagad,” wika ng babae.
Hindi naman makuha kaagad ni Emily ang pitaka dahil okupado ang kaniyang mga kamay at bisig sa kaniyang mga pinamili. Galing siya sa paboritong grocery at nagsagawa ng buwanang pamimili para sa kanilang mga pangangailangan sa bahay.
At mukhang nakaramdam naman ang babaeng maganda na nakapulot ng kaniyang nalaglag na pitaka.
“Mabuti pa tulungan na kitang magbitbit niyang mga pinamili mo kasi hirap na hirap ka na. Saan ba natin dadalhin?”
“Naku, ang bait mo naman, miss. Pero sige, sasamantalahin ko na ‘yan. Sa kotse ko sa parking lot.”
Nang mailagay na sa compartment ng kotse ang mga pinamili, iniabot ng babae ang kaniyang pitaka kay Emily.
“Maraming salamat ha? Naku, sumakay ka na sa kotse ko at mailibre sana kita bilang pasasalamat sa ginawa mong kabutihan sa akin,” pakiusap ni Emily.
Tinapik siya nito sa balikat.
“Sus, wala ‘yun. Kahit kanino naman ay gagawin ko iyon. Hindi dapat kunin ang mga bagay na pag-aari ng iba. Dapat itong ibalik sa rightful owner,” wika ng babae. Mukha itong masayahin at kalog.
“Tama ka naman diyan. By the way, I’m Emily. Ikaw?” magiliw na tanong ni Emily sa babae. Inilahad niya ang kamay.
“I’m Alessandra, pero tawagin mo na lang akong Alex. Nice meeting you, Emily,” at ginagap ni Alex ang iniabot na kamay ni Emily.
“Alex, magtatanghalian na, at hindi ako papayag na hindi ko man lang maibigay sa iyo ang pabor na ginawa mo sa akin. Treat kita ng tanghalian. Sumakay ka na sa kotse ko, halika na,” yakag ni Emily.
At nagpaunlak na nga si Alex. Sumakay na ito sa kotse ni Emily at masaya silang nagkakilanlan habang nasa sasakyan. Kumain sila sa isang fast food chain.
Masayang-masaya si Emily na nagkaroon siya ng isang kaibigang kagaya ni Alex. Napag-alaman niyang branch manager pala ito sa isang kompanya sa Taguig. Siya naman, si Emily, ay isang maybahay.
At iyon na nga ang pagsisimula ang pagkakaibigan nina Emily at Alex. Madalas ay nagkikita sila at magkasamang mag-shopping o kaya naman ay magkuwentuhan sa coffee shop.
Naikuwento na rin ni Emily ang tungkol sa bagong kaibigan sa kaniyang mister na si Froilan.
“Ang galing naman. Ano palang pangalan ng bago mong kaibigan?” tanong ni Froilan.
“Alex,” sagot ni Emily. Natigilan si Froilan.
“Alex? Lalaki?”
Natawa naman si Emily.
“Palayaw lang niya iyon. Alessandra talaga ang pangalan niya. Oo nga pala, inaya ko siya rito sa Sabado ha? Sabi ko ipapakilala ko siya sa iyo.”
“A-Alessandra? Anong apelyido?” muling untag ni Froilan.
Natigilan si Emily.
“Ano ba ‘yan, nakalimutan kong itanong ang apelyido niya! Isang linggo na kaming namamasyal at lumalabas bilang magkaibigan, hindi ko pa pala alam ang apelyido ng hitad na ‘yun!” naalala ni Emily.
“Mahal, baka naman type ka ng babaeng ‘yan ha? Malay mo, t*bo pala…”
Napahagalpak naman ng tawa si Emily.
“Ano ka ba naman, Mahal. Mas maganda pa at mas palaayos pa sa akin ‘yun ‘no. Saka may karelasyon daw siya. Lalaki. Okay na? Saka masaya lang na magkaroon ng bagong kaibigan, alam mo ‘yun… kahit bago lang kaming magkakilala, parang matagal na naming kilala ang isa’t isa. Biro nga namin, para kaming ‘soul sisters.’ Nag-click kaagad kami.”
Dumating ang Sabado. Sinalubong ng mag-asawa ang kanilang panauhin.
“Mahal… si Alex nga pala. Alex, ang mister ko, si Froilan…”
Nakangiting inilahad ni Alex ang kaniyang kamay. “Nice meeting you, Froilan.”
Inilahad naman ni Froilan ang kaniyang kamay at tumango.
Naghanda ng espesyal na pagkain si Emily para sa kanilang bisita. Ang ingay nina Emily at Alex subalit kapansin-pansin naman ang pananahimik ni Froilan.
“Ang tahimik naman ng mister mo, Emily. Sorry ah, ang ingay ko,” paghingi ng paumanhin ni Alex kay Froilan.
Ngumiti lang naman si Froilan.
Umalis sandali si Emily at nagtungo sa kusina upang kunin at ihanda ang kanilang panghimagas. Gumawa siya ng fruit salad.
Pagbalik niya ay naabutan niyang nagkukuwentuhan na sina Alex at Froilan.
“Masaya naman palang kausap itong si Froilan,” nakangiting sabi ni Alex.
“Ah oo naman friend, ewan ko ba riyan, ang tahi-tahimik ngayon. Baka nahihiya sa iyo,” wika naman ni Emily habang idinudulot ang fruit salad sa kanila.
Maya-maya, nagpaalam na makikigamit ng palikuran si Alex.
“Ihing-ihi na kasi ako eh,” sabi ni Alex.
Maya-maya, nagpaalam naman si Froilan.
“Mahal, may kukunin lang pala ako sa likod-bahay.”
Makalipas ang limang minuto, nainip na si Emily.
“Saan ba nagpunta ang babaeng iyon…”
Ipinasya ni Emily na silipin si Alex sa palikuran. Walang tao.
Nagtaka si Emily. Sinilip niya ito sa iba pang bahagi ng bahay subalit hindi niya mahanap. Hanggang sa makita niya ang kanilang bodega sa likod-bahay. Naalala niya, nagpaalam din si Froilan.
Ipinasya niyang lumabas at nagtungo sa likod-bahay. Nakita niya na medyo nakabukas ang pintuan nito. May kung anong kabang naramdaman si Emily. Minabuti niyang silipin kung sino ang nasa loob ng kanilang lumang bodega.
Napatda siya sa kaniyang nakita. Nagtutukaan sina Froilan at Alex!
“Mga hayop! Anong ibig sabihin nito!” gigil na gigil na sabi ni Emily.
Nakapagtatakang hindi man lamang nagulat si Alex nang makitang nahuli sila ni Froilan.
“Anong ibig sabihin nio, ha? Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito! Wala bang magsasalita sa inyo?”
“E-Emily magpapaliwanag ako…” nauutal na pahayag ni Froilan.
“Babe, tumahimik ka na riyan. Ako na ang magpapaliwanag. Nahuli na rin lang naman tayo,” sansala ni Alex kay Froilan.
Tumaas ang kilay ni Emily nang marinig ang pagtawag ng ‘babe’ ni Emily kay Froilan, na para bang matagal na silang may relasyon.
“Hindi aksidente ang lahat, Emily. Hindi aksidenteng nagkakilala tayo. Kinaibigan talaga kita para makilala kita. Para mapasok ko ang buhay ninyo. Oo, kabit ako ni Froilan at matagal na kaming may relasyon. Gusto ka niyang iwan pero hindi niya magawa-gawa. Tingnan mo nga ang sarili mo… ang boring mo…”
Hindi na natapos ni Alex ang sasabihin. Nadampot na ni Emily ang bote ng asido na matagal nang nakatago sa bodega. Isinaboy niya ito sa mukha ni Alex.
“Naalala mo noong nagkakilala tayo? Isinauli mo ang pitaka ko. Sa iyo na mismo nanggaling na dapat isauli ang mga bagay na hindi mo pag-aari, at huwag aagawin o kukunin ang mga hindi sa iyo. Hindi sa iyo ang asawa ko! Ako ang rightful owner!”
Nasira nang tuluyan ang mukha nito.
Hindi ito nagsampa ng reklamo sa kaniya dahil kung tutuusin, siya pa nga ang dapat kasuhan ni Emily dahil sa pangangalunya niya sa mister nito.
Minabuti ni Emily na makipaghiwalay kay Froilan sa pamamagitan ng annulment. Sising-sisi si Froilan sa kaniyang mga nagawang kasalanan sa misis, at sa kaniyang kabit na nasira na ang mukha.
Nang maaprubahan at lumabas na ang annulment papers ay ipinasya ni Emily na manirahan na lamang sa Amerika kasama ang mga magulang at kalimutan ang lahat.