Nagtaka ang Binatilyo Nang Makakita ng Lipstick sa Bulsa ng Pantalon ng Kaniyang Tatay; Tama Kaya ang Hinala Niya?
Ipinagwalang-bahala lamang ni Edwin nang makakita ng lipstick sa bulsa ng pantalon ng kaniyang amang si Mang Fred, na isang panggabing guwardiya sa isang gusali sa Quezon Avenue. Ngunit nang mapag-isip-isip niya kung bakit nga ba may lisptick ang isang matikas na lalaki sa bulsa ng pantalon nito, sumagi sa isipan niyang baka may ginagawang kalokohan ang ama.
Hilig kasi niyang tingnan kung may naiwang pera sa bulsa ng mga pantalong hinubad ng kaniyang ama nang sa gayon ay may maidagdag siya sa kaniyang baon sa paaralan. Sa halip na pera ang nadukot niya, isang pulang lipstick.
Gusto sana niyang sabihin sa kaniyang ate at sa mismong nanay ang kaniyang natuklasan subalit natatakot siya na baka pagmulan pa ito ng away ng mga magulang.
“Sa palagay mo, ano kayang dahilan at may pulang lipstick ang tatay ko sa pantalon niya?” tanong ni Edwin sa kaniyang matalik na kaibigang si Jiro.
“Hindi ko alam sa tatay mo. Beki ba siya?”
“Ha? Paanong magiging beki ang tatay ko eh guwardiya nga siya. Saka dalawa na ang anak niya eh. May guwardiya bang beki?”
“Malay mo naman! Uso na ngayon ‘yun ‘no. Yung tito ko nga beki eh pero may anak at misis. Hindi mo na masasabi mo ngayon. Minsan, kung sino pa mukhang macho, sila pa ang nagkakagusto sa kapwa nila lalaki!” wika ni Jiro.
Hindi nakakibo si Edwin.
“Pero sa palagay ko hindi naman beki si Tatay. Imposible.”
“Eh sige, ipagpalagay natin na hindi. Baka naman sa kabit niya ‘yan!”
At iyon ang gustong paniwalaan ni Edwin. Mukhang may ginagawang kalokohan ang kaniyang ama. Sa palagay nga niya ay niloloko nito ang kanilang nanay. Naalala niya ang usapan nila noong mga nakaraang gabi.
“Iwanan mo na ‘yan, Fred habang hindi pa nalalaman ng mga anak mo ang tungkol diyan,” narinig ni Edwin na turan ng kaniyang nanay na si Aling Queenie.
Sasagot pa sana si Mang Fred subalit nakita nito na nakikinig siya at tinawag ang kaniyang atensyon.
Ngayon, hindi sigurado si Edwin kung ang tinutukoy bang kailangang iwanan ay tao o iba pang bagay.
Ngunit sa natuklasan ngayon ni Edwin, mukhang tao ang pinag-uusapan ng mga magulang niya.
Kailangang maging sigurado siya bago pa man sabihin sa kaniyang ate o nanay ang maaaring kalokohan ni Mang Fred.
Minanmanan niya ang bawat kilos ng ama.
Nang sumunod na mga araw ay sinikap ni Edwin na subaybayang mabuti ang bawat kinikilos ng kaniyang tatay.
Hanggang sa magkaroon siya ng tiyempo na makita ang laman ng bag ng kaniyang ama, na madalas ay dala-dala nito sa trabaho. Naghalungkat siya ng mga ebidensya.
Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita niya ang laman ng bag nito. Nakakita siya ng isang make-up, eye liner, at pelukang puti.
Bakit may mga ganitong bagay ang tatay niya?
Hindi kaya… hindi kaya totoo ang unang naisip at sinabi ni Jiro na baka beki ang kaniyang tatay na isang panggabing sekyu?
Kaya naman, nagpasya si Edwin na sundan ang kaniyang tatay nang pumasok na ito sa trabaho.
Ngunit ang mas nakapagtataka, sa halip na isang kompanya o opisina magtungo ang kaniyang tatay, sa isang comedy bar ito nagtungo.
“Ito ba ang ginuguwardiyahan ni Tatay? Parang hindi naman dito… pero bakit dito siya nagpunta?” tanong sa sarili ni Edwin.
Nag-isip nang paraan si Edwin kung paano siya makakapasok sa loob ng naturang comedy bar. Hindi kasi siya puwedeng pumasok sa loob dahil menor de edad pa lamang siya. Kaya nang makalingat ang guwardiya ay nagmamadali siyang pumasok sa loob.
Tamang-tama naman na nagsisimula na ang palabas ng mga stand-up comedian subalit hindi doon nakatutok ang kaniyang pansin. Hinahanap niya ang tatay niya.
“Hello, hello, mga dzaii!!!”
Napatingin si Edwin sa stand-up comedian na nasa entablado. Nanatili doon ang kaniyang mga paningin. Tila nakikilala niya kung sino ang beki na nasa entablado. Naalala niya ang pelukang puti na nakita niya sa bag ng kaniyang tatay…
Napatigil din nang bahagya ang beking stand-up comedian nang maispatan si Edwin. Kahit makapal ang make-up nito, alam ni Edwin na namutla ito nang makita siya sa loob ng comedy bar.
“Hoy totoy, paano ka nakapasok dito?” sita ng guwardiya sa kaniya. Walang nagawa si Edwin kundi ang lumabas.
“Umalis ka na at baka hinahanap ka na ng mga magulang mo, bawal ang menor de edad na gaya mo rito,” sabi ng guwardiya.
“H-Hihintayin ko na lang po yung tatay ko Manong guard,” nauutal na sabi ni Edwin.
“Tatay? Customer ba?”
“H-Hindi po… isa po sa mga… sa mga performer…”
At nang matapos na nga ang oras ng pagtatanghal ay nagkaharap na nga ang mag-ama. Ipinagtapat na nga ni Mang Fred ang tunay niyang trabaho.
“Anak, nawalan kasi ako ng trabaho bilang panggabing guwardiya. Kaya naghanap ako nang paraan. Nagkataon naman na nangailangan ng stand-up comedian sa comedy bar na iyon, at dahil malapit lang naman sa pinagtatrabahuhan ko dati, nagbaka-sakali lang ako,” pagtatapat ni Mang Fred. “Pero hindi ibig sabihin nito anak na binabae ako. Kinailangan ko lamang gawin ito para sa pamilya natin. Ang ate mo, malapit nang matapos sa kolehiyo. Huwag kang mag-alala anak, alam naman ito ng Nanay mo.”
At naunawaan na ni Edwin ang lahat.
Sa halip na mabawasan ang paggalang niya sa kaniyang tatay ay mas lalo pa niya itong iginalang at minahal.
Sa halip na husgahan ay sinuportahan na lamang niya ang tatay sa diskarte nito upang makaraos sila sa mga gastusin at pangangailangan sa bahay.