Maraming Bulung-Bulungan ang Naririnig ng Batang Babae Tungkol sa Nanay Niya; Totoo Nga Ba Ito?
Masayang-masayang naglalaro ng tagu-taguan sina Iday, Tonton, Macmac, at Tina nang makaramdam sila ng pagkapagod. Dapit-hapon na. Kay gandang pagmasdan ng papalubog na araw sa Kanluran. Ipinasya nilang mahiga sa mga dayami kung saan sila naroon.
Magkababata ang apat na paslit, ngunit ang mga magulang nina Tonton, Macmac, at Tina ay hindi pabor sa pakikipagkaibigan nila kay Iday.
“Anong sasabihin natin kapag tinanong tayo ng mga nanay natin kung saan tayo nagpunta?” tanong ni Tina sa mga kalaro.
“Eh ‘di sabihin natin na naglaro tayo ng tagu-taguan dito sa bukid!” wika ng pinakamatanda sa kanila na si Tonton.
“Sasabihin ba natin na kasama natin si Iday? Baka pagalitan tayo,” tanong naman ni Macmac.
Napatingin ang tatlo kay Iday.
“Huwag na lang siguro, baka mapalo na naman tayo ng mga nanay natin. Okay lang ba, Iday? Hindi namin sasabihin na kasama ka namin, para hindi kami mapagalitan sa amin,” tanong ni Tonton sa kanilang kaibigan, na kahit pinapalayo sa kanila ay patuloy pa rin nilang pinapasama sa kanila.
“Bahala kayo. Hindi naman ako magtatampo,” tugon ni Iday habang kinakain ang napulot na bunga ng santol na nalaglag kanina sa puno.
“Sabi kasi ng mga nanay namin, huwag na kaming sumama sa iyo, Iday. Kasi raw, ang nanay mo raw…” naputol ang sasabihin sana ni Tina nang sawayin siya nina Tonton at Macmac.
“Ang daldal mo talaga!” sansala ni Macmac.
“Eh ano ba talagang problema ng mga nanay ninyo sa nanay ko? Sabihin na ninyo,” pagmamakaawa ni Iday sa tatlong kaibigan.
Napabuntung-hininga naman si Macmac.
“Sabi kasi ng Nanay ko, ang Nanay mo raw Iday, ay isang masamang nanay. Kung sino-sino raw ang sinasamahan niya gabi-gabi. Isa siyang bayarang babae,” wika ni Macmac.
“Ha? Bayarang babae? S’yempre babayaran siya kasi nagtatrabaho siya. Ano bang masama sa bayaran?” inosenteng tanong ni Iday sa mga kalaro.
Hindi kumibo ang tatlong bata.
“Ibig sabihin, kung sino-sino raw ang nagiging asawa gabi-gabi!” wika naman ni Tina.
“Uy grabe naman ‘yan, hindi naman gan’yan ang nanay ko. Mahal na mahal niya ang tatay ko, kahit noong nabubuhay pa siya. Hindi naman niya ipagpapalit sa iba si Tatay,” pagtatanggol ni Iday sa kaniyang nanay.
“Huwag na nga nating pag-usapan ‘yan. Tara na at magsiuwi na tayo,” wika ni Tonton. Maya-maya, tila may naalala ito.
“Gusto n’yo bang kumain ng cake? May cake kami sa bahay.”
Isang malakas na ‘oo’ ang sabay-sabay na isinagot nina Iday, Macmac, at Tina.
“T-teka lang, paano si Iday? Isasama ba natin siya? Magagalit ang nanay mo, Tonton,” sansala naman ni Tina.
“Wala pala ang nanay. Nasa probinsya. Baka bukas o sa makalawa pa ang balik. Si Tatay lang ang nariyan. Hindi naman galit kay Iday ‘yon. Hindi magagalit ‘yon.”
Kaya naman masayang-masaya ang apat dahil kompleto silang kakain ng cake.
Pagdating sa bahay nina Tonton, agad nitong inilabas mula sa kanilang refrigerator ang cake na binili nila noong nakaraang araw. Naglabas din siya ng mga platito at tinidor.
Habang masaya silang kumakain ay biglang bumukas ang pinto sa loob ng kuwarto ng mga magulang ni Tonton. Naroon pala si Mang Abner, ang kaniyang tatay.
“Hello, ‘Tay, inaya ko po sila Iday, Macmac, at Tina para kumain ng—“
Subalit hindi na nakapagsalita si Tonton gayundin sina Iday, Macmac, at Tina nang makitang lumabas din ang isang babaeng pamilyar—lalo na kay Iday. Napamulagat ang mga mata ni Iday nang makita ang babaeng iyon.
“Nanay? Ano’ng ginagawa ninyo rito kina Tonton? Bakit nariyan ka sa kuwarto ni Tito Abner?” napatakbo si Iday sa harapan ng kaniyang nanay. Nabitiwan niya mismo sa harapan nito ang platitong dala-dala. Nahulog ang cake sa sahig.
Wala ni isa sa kanila ang nakakibo. Parang tinuklaw ng ahas sina Mang Abner at ang nanay ni Iday na si Aling Virgie.
“I-Iday, halika na at umuwi na tayo,” hiyang-hiyang sabi ni Aling Virgie at hinaltak na si Iday.
Umiiyak si Iday pag-uwi.
“Nanay, bakit nasa kuwarto ka ni Tito Abner? Hindi naman kayo mag-asawa. Totoo ba ang sinasabi ng mga tao na kung kani-kanino kayo sumasamang lalaki? Bakit naman sa tatay pa ni Tonton, Nanay?” umiiyak na tanong at sumbat ni Iday kay Aling Virgie.
Umiiyak na ipinaliwanag ni Aling Virgie ang kaniyang sarili.
“Anak… totoo naman ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin. Pinagtatrabahuhan ko ang ginagawa ko at nakakatanggap ako ng bayad, pero para naman sa panggastos natin iyon, anak. Para sa iyo. Huwag kang mag-alala, anak. Hinding-hindi na mauulit ito. Pangako, Iday… hindi mo ‘ko dapat tularan.”
Kinabukasan, nakipagkita si Iday kina Tonton, Macmac, at Tina subalit hindi na sila gaya ng dati sa kaniya, lalo na si Tonton.
“Galit ba kayo sa akin? Huwag naman sana kayong magalit sa akin, lalo na ikaw, Tonton.”
“Hindi ako galit sa iyo, Iday. Hindi lang ako makapaniwala sa ginawa ni Tatay. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba kay Nanay ang tungkol sa nakita natin,” malungkot na sabi ni Tonton.
“Mabuti naman at hindi kayo galit sa akin, Tonton, Macmac, at Tina. Oo nga pala, aalis na pala kami ni Nanay. Doon na raw kami sa probinsya kasi may alok daw na trabaho sa kaniya. Mamimiss ko kayo…”
Bago pa man maghiwa-hiwalay ang magkakaibigan ay nagkaayos-ayos sila. Babaunin ni Iday ang kanilang pagkakaibigan saan man sila ipadpad ng tadhana ng kaniyang nanay.
Minabuti naman ni Aling Virgie na manirahan na lamang sa probinsya at tanggapin ang alok na mas maayos at disenteng trabaho roon at magsimula ng bagong buhay kasama si Iday. Ayaw niyang tularan ni Iday ang kaniyang ginagawa kaya ngayon pa lamang ay tatapusin na niya ito.