Palaging Tampok sa Tsismisan ng mga Marites ang Grupo ng Kabataang Ito; Patutunayan Nilang Mali ang Hinuhusga sa Kanila ng mga Tao
Usapan ng magbabarkadang James, Mikay, Sabrina at Olvi na mangaroling nang gabing iyon. Paano kasi ay balak nilang bilhan kahit ng simpleng regalo lamang ang kani-kaniya nilang mga magulang para sa darating na Pasko.
Pusturang-pustura ang apat, bagama’t kaiba sa mga tagaroon sa kanila ang estilo ng kanilang mga pananamit, pakiramdam nila ay ang gaganda at ang guguwapo na nila. Paano kasi ay iyon ang nakikita nila sa telebisyon na siya naman nilang ginagaya, na madalas ay hindi naman maintindihan ng mga taong nakakakita sa kanila, lalong-lalo na ng ilang nakatatanda.
“Tingnan mo ’yang apat na ’yan. Mukhang may gimik na naman! Akala siguro nila’y ke-gaganda ng mga suot nila! Hindi nila alam, nagmumukha na silang mga lulong sa ipinagbabawal na gamot. Kay babata pa, kung anu-ano na ang ginagawa. Lumalabas pa nang gabi!” naiiling na komento ng isa sa kanilang mga kapitbahay na noon ay nakaistambay sa harap ng tindahan ni Aling Mildred, si Aling Pasing. Kausap nito ang mismong may-ari ng naturang sari-sari store, pati na rin ang kumare nitong si Aling Tonya. Ang tatlong ito ang kinikilalang mga ‘Marites’ ng kanilang lugar dahil sila ang mga pinakatsismosa.
“Naku, sinabi mo pa, mare. Sigurado ako na hindi magtatagal ay mababalitaan na lang nating buntis o nakabuntis na ’yang magbabarkadang ’yan!” naiiling na komento ni Aling Tonya sa sinabi ng kausap.
“Ako nga’y nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli ng mga barangay tanod ang mga ’yan na may mga ginagawang kababalaghan dito sa barangay natin. E, sigurado naman akong sangkot sila sa mga nababalitang pang-iisnats nitong mga nakaraang araw!” hindi naman pahuhuling ani Aling Mildred sa kanila.
Hindi nakaligtas sa pandinig ng apat ang sinabi ng kanilang mga kapitbahay na ‘Marites’ ngunit ganoon pa man ay mas pinili na lamang nilang huwag pansinin ang mga ’yon. Itinuloy na lang nila ang planong pangangaroling…
Marami-rami nang natanggap na barya ang apat, at masaya na sila roon. Sigurado naman sila na kahit ano’ng ibigay nila sa mga magulang ay matutuwa ang mga ito, basta’t galing ang mga ’yon sa kanila. Nasa kalagitnaan na ng paglalakad pauwi ang apat, nang bigla na lang mayroong motorsiklong dumaan sa kanilang harapan, at hindi nito namalayang nahulog pala ang isang bag na itim mula sa likod nito. Dali-dali naman ’yong pinulot ni James at Mikay, habang sina Sabrina at Olvi naman ay sinubukang habulin ang naturang motorsiklo. Hindi nila ito nagawang abutan, ngunit mabuti na lang ay naging maagap ang apat at isa sa kanila ang nakaisip na tandaan ang plate number ng naturang motorsiklo.
Dumiretso sa istasyon ng pulisya ang apat. Wala silang pagpipilian kundi gastusin para sa kanilang pamasahe ang kinita nila kanina sa pangangaroling. Doon ay magkakasama nilang isinauli ang naturang bag na itim, bagama’t hindi naman lingid sa kanilang kaalaman na ang laman n’yon ay lilibuhing mga pera! Sa pulisya na rin nila napag-alamang isang daang libong piso pala ang laman n’yon!
Mabilis namang nalaman ng mga pulis ang may-ari ng naturang bag, gamit lamang ang plate number na natandaan ni Sabrina at sinabi niya sa mga pulis. Agad namang dumating sa presinto ang may-ari. Isa pala itong negosyanteng may-ari ng restawran, at ang perang ’yon ay ang kita ng kainan nito para sa nakaraang tatlong araw. Dahil sa labis na paghanga nito sa magbabarkadang matapat ay ginantimpalaan niya sila ng tigsasampung libong pisong pabuya at pamasko na agad ding nabalita sa kanilang buong barangay.
Nakapaskil sa kanilang barangay hall ang isang tarpulin na nagsasabing matatapat at pag-asa ng bayan ang apat na magkakaibigan na palaging tampulan ng tsismis ng kanilang mga kapitbahay. Ngayon ay wala na silang masabi tungkol sa mga ito.
Nang araw na ’yon ay ipinatawag ng kanilang kapitan sina James, Mikaty, Sabrina at Olvi upang dagdagan ang gantimpalang kanilang natanggap, ngunit ganoon na lang ang gulat nila nang bigla na lang magkagulo sa barangay hall, dahil nahuli na ng kanilang mga tanod ang mga kabataang sangkot sa talamak na pang-iisnats sa kanilang lugar…iyon ay walang iba kundi ang mga anak nina Aling Mildred, Aling Pasing at Aling Tonya!
Iyon ang napapala ng mga ito dahil sa mas madalas pa nilang pagtsitsismisan imbes na intindihin at gabayan ang kanilang mga anak. Abala sila sa pagpahid ng uling sa mukha ng iba, ngunit hindi naman kayang hilamusan ang sariling mukhang nanlilimahid na pala sa dumi!