Inday TrendingInday Trending
Isang Ama ang Nagtitiyagang Magtinda ng Tinapa habang Karga ang Kaniyang Anak; Isang Mayamang Matanda ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-asa

Isang Ama ang Nagtitiyagang Magtinda ng Tinapa habang Karga ang Kaniyang Anak; Isang Mayamang Matanda ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-asa

Naghihirap na nga sa buhay ay nagawa pa silang iwan ng kaniyang asawa, kaya naman walang nagawa ang amang si Edmond kundi ang intindihing mag-isa ang kaniyang anak na may kapansanan sa paa habang siya ay nagtatrabaho.

Ipinanganak na walang kakayahang maglakad ang nag-iisang anak ni Mang Edmond na si Gerald. Kaya naman simula pagkabata nito, hanggang sa ngayong isa na itong binatilyo ay kinakailangan pa rin nito ang gabay nilang mga magulang niya…ngunit ngayon nga ay iniwan pa sila ng kaniyang asawa upang sumama sa iba! Ang sabi nito ay nahihirapan na raw ito sa buhay niya at gusto nitong maging maginhawa man lang kaya ito nagdesisyong maghanap ng bagong makakasama.

Ganoon pa man ay hindi iyon naging dahilan upang panghinaan ng loob si Mang Edmond. Imbes na malugmok ito sa buhay ay lalo pa itong nagsipag kahit pa napakahirap ng kanilang sitwasyon. Nagpasiya itong isama na lamang ang anak na si Gerald sa tuwing siya ay magtitinda, upang kahit naghahanap-buhay siya ay nagagawa niya pa rin itong bantayan. Iyon ay sa pamamagitan ng pagpasan niya rito mula sa kaniyang likuran, habang ang kaniya namang mga kamay ay may hawak na basket na siyang naglalaman ng mga tinapang kaniyang paninda.

“Anak, ayos ka na ba riyan? Kumportable ka na ba?” tanong ni Mang Edmond sa anak matapos niya itong maiayos sa kaniyang likuran para sa pagsisimula na naman ng kanilang araw.

“O-opo, papa,” sagot naman sa kaniya ng anak, ngunit hindi maikakaila ang bakas ng kalungkutan sa tinig nito. Sa totoo lang ay naaawa ito sa kaniyang ama dahil dumaragdag lamang siya sa pasanin nito. Literal na pasanin sa likuran at pasanin pa sa buhay.

“Anak, tama bang may naririnig akong kalungkutan sa boses mo? Hindi ba at sinabi ko naman sa ’yo na ayos lang ako? Walang hindi kakayanin si papa para sa ’yo,” pagbibigay naman ng kasiguraduhan ni Mang Edmond sa anak na walang ibang ginawa kundi ihilig na lang ang ulo sa likuran ng kaniyang ama.

“Mahal na mahal kita, papa. Salamat po sa lahat ng sakripisyo mo para sa akin. Balang araw, makakabawi rin ako sa lahat ng ginawa mo para sa akin, papa,” saad naman ni Gerald sa ama na nakapagpaluha naman dito, bagama’t mabilis nito iyong pinahid.

Lingid sa kaalaman nilang dalawa ay nakikinig pala sa usapan nilang mag-ama ang isang matandang noon ay napadaan lamang sa tapat ng kanilang tahanan, sakay ng magara nitong sasakyan. Nasa tapat lamang kasi ng kalsada ang kanilang tinutuluyang barung-barong kaya naman narinig nito ang lahat ng kanilang sinabi.

Mabilis na nahabag ang matandang si Don Arnaldo, isang mayamang negosyante, na kilalang walang sariling pamilya mula nang pumanaw ang asawa nito. Wala kasi itong kakayahang magkaanak at kailan man ay hindi naman nito naisipang mag-ampon, kaya naman likas na sa matanda ang pagtulong na lamang sa ibang mga nangangailangan lalong-lalo na sa mga bata.

Humanga siya sa nakitang pagsisikap ng isang mabuting ama, kahit pa halata naman sa hitsura nito na nahihirapan ito sa kanilang sitwasyon. Abot-langit ang kaniyang pagsaludo dahil nagagawa nitong itago ang kaniyang kalungkutan upang hindi panghinaan ng loob ang kaniyang anak, at dahil doon ay walang pagdadalawang isip na nagkaroon ng ideya si Mang Edmond.

“Carlito, pakisundan ang mag-amang ’yon, at tawagin mo sila. Sila’y tutulungan ko sa abot ng aking makakaya!” utos pa ng don sa kaniyang drayber na agad naman nitong tinalima.

Labis na tuwa ang naramdaman ni Mang Edmond nang sabihin sa kaniya ni Don Arnaldo ang balak nitong pagtulong sa kanilang mag-ama. Bagama’t ipinagtataka niya iyon ay hindi na siya nag-isip pa ng negatibo at nagpasalamat na lang.

Ipinatingin ni Don Arnaldo si Gerald sa magagaling na espesyalista at doon ay napag-alaman nilang may pag-asa pa itong makalakad sa pamamagitan ng therapy. Labis naman ang tuwa ng mag-ama. Binigyan din sila ng matanda ng kapital upang makapagpatayo ng negosyo na siyang unti-unti namang nagpaganda ng kanilang buhay, hanggang sa tuluyan nang makalakad si Gerald!

Labis ang pasasalamat ng mag-ama sa mabuting Don Arnaldo, ngunit kapalit naman ng pagtulong na ’yon ay nakahanap naman ang don ng panibagong pamilya sa katauhan ng mag-amang Mang Edmond at Gerald na kalaunan ay itinuring niyang anak at apo…na sa huli ay napagpasiyahan niyang pamanahan ng lahat ng kaniyang mga ari-arian.

Advertisement