Inday TrendingInday Trending
Wais na Misis, Ginulat ang Kaniyang Mister na Natanggal sa Trabaho; Masosorpresa Ito sa Kaniyang Handog na Regalo

Wais na Misis, Ginulat ang Kaniyang Mister na Natanggal sa Trabaho; Masosorpresa Ito sa Kaniyang Handog na Regalo

Bagsak ang balikat ni Jake nang umuwi sa kanilang bahay mula sa kaniyang trabaho. Dala niya kasi ang isang hindi magandang balita…natanggal siya sa kaniyang pinagtatrabahuhang kompaniya. Nagsimula na kasing malugi ang kanilang kompaniya, buhat nang mag-umpisa ang pand*mya kaya naman nagsimula na rin silang magbawas ng tao. Ngayon ay isa siya sa mga natanggal na empleyado, lalo pa at wala naman siyang ‘kapit’ mula sa matataas na opisyal ng naturang kompaniya.

Pagbukas niya ng kanilang pintuan ay naabutan niya ang kaniyang misis na paalis ng kanilang bahay. Nagkagulatan pa sila. Ilang dipa pa ang layo niya sa asawa ngunit mabilis na sumalubong sa kaniya ang amoy ng humahalimuyak nitong pabango. Bukod doon ay nakita niyang posturang-postura ito. Maganda ang suot na damit, sapatos at may kolorete pa sa mukha. Maayos na maayos din ang pagkakagawa ng buhok nitong kinulot pa sa dulo.

“Mahal, saan ka pupunta?” tanong niya sa kaniyang misis na si Christina.

“M-may pupuntahan lang sana ako—bakit ang aga mong umuwi?” takang tanong naman nito sa kaniya.

“Isa ako sa, n-nawalan ng trabaho, mahal,” sagot naman ni Jake sa asawa.

Mabilis na rumehistro ang lungkot sa mukha ng kaniyang misis dahil sa awa nito sa kaniya. Agad siya nitong nilapitan para yakapin. “Pag-uwi ko, pag-usapan natin ’yan, ha?” nang kumalas ito sa pagkakayakap ay sabi nito sa kaniya.

Nagtataka man ay hindi na lamang pinigilan ni Jake ang kaniyang misis. Sa totoo lang ay matagal na niyang napapansin na palagi itong umaalis ng kanilang bahay na nakapustura at nakagayak nang maganda. Ayaw naman niyang pag-isipan ito ng masama ngunit dahil sa halu-halong problemang kaniyang inaalala ay hindi niya iyon maiwasan. Kumirot ang puso ni Jake sa isiping baka ipagpalit siya ng kaniyang misis, lalo pa at alam niyang sa taglay nitong ganda at talino ay hindi ito malabong makahanap pa ng ibang mas higit sa kaniya.

Nang umuwi si Christina ay napansin niya ang panaka-nakang pagsulyap sa kaniya ng kaniyang asawa. Hindi naman siya nagtaka pa. Sa ilang taong pagsasama nila ay nakabisado na niya ang ugali nito. Alam niyang may iniisip itong hindi maganda.

“Mahal, mag-usap tayo,” ani Christina sa kaniyang mister. Inaya niya itong umupo sa kanilang salas. “May gusto ka bang sabihin?” tanong niya rito.

Bumuntong-hininga naman si Jake. “Mahal, maiintidihan ko kung sasabihin mong ayaw mo na sa akin…” malungkot na sabi nito, ngunit imbes ay nakatikim lamang ito ng pambabatok mula kay Christina.

“Sira ka ba? Bakit naman kita aayawan? Mahal na mahal kita!” natatawang sabi niya sa iniaakto ni Jake.

“E, bakit palagi ka na lang umaalis? Tapos, ang ganda-ganda mo pa lagi,” nayuyuko namang sabi ni Jake sa kaniya.

“Kasi, ang sagwa naman kung haharap ako sa mga kustomer natin na ang pangit ko, gayong nagbebenta ako ng mga produktong pampaganda, hindi ba?” nangingiti namang sagot sa kaniya ni Christina.

Napakunot ang noo ni Jake. “Kustomer?” Hindi niya maintindihan ang tinuran ng misis.

“Mahal, hindi ba at matagal mo nang pinapangarap na magkaroon tayo ng negosyo? Pasensiya ka na kung itinago ko sa ’yo, pansalamantala, dahil gusto kitang sorpresahin, pero simula nang sabihin mo sa akin na baka magbawas na ng empleyado ang kompaniya n’yo ay sinubukan kong pasukin ang pagnenegosyo gamit ang perang ibinibigay mo sa akin tuwing sasahod ka. Beauty products ang pinasok ko, dahil doon ako magaling, at hindi inaasahang nagtagumpay ito, mahal!” masayang pagbabalita naman sa kaniya ni Christina na halos ikalaglag ng panga niya. “Mahal, bukas na bukas ay isasama kita sa store natin at ipakikilala kita sa wakas sa kanila! Dalawang taon pa lang ang negosyo natin, pero may naatikha na ako!” sabi pa sa kaniya ng kaniyang wais na misis.

Doon nalaman ni Jake na nakabili na pala ng bahay at lupa ang kaniyang asawa. Iyon sana ang balak nitong iregalo sa kaniya sa darating na anibersaryo nila! Ngayon ay siniguro sa kaniya ni Christina na hindi niya kailangang mag-alala sa pagkakatanggal niya sa trabaho kaya naman simula noon ay nagtulungan pa sila sa kanilang negosyo. Ngayon ay lalo pa iyong lumaki sa kanilang pagtutulungan!

Isang taon ang nakalipas at nagbunga pa ang kanilang pagmamahalan. Ngayon ay isang supling ang kanilang aasahang darating sa kanilang buhay pagkalipas lamang ng siyam na buwan.

Advertisement