Inday TrendingInday Trending
Pinagalitan ng Isang Ina ang Kaniyang Anak nang Ibigay Nito sa Kalaro ang Inipon Nitong Pera; Magugulat Siya sa Dahilang Sasabihin Nito sa Kaniya

Pinagalitan ng Isang Ina ang Kaniyang Anak nang Ibigay Nito sa Kalaro ang Inipon Nitong Pera; Magugulat Siya sa Dahilang Sasabihin Nito sa Kaniya

“Bakit ibinigay mo ang lahat ng laman ng alkansya mo sa kalaro mo, anak?! Alam mo bang pinaghihirapan namin ng tatay mo ang ibinibigay namin sa ’yo?” Sapo ni Aling Mariana ang kaniyang noo habang pinagagalitan ang anak na si Onyok. Paano kasi ay umuwi ito, dala ang alkansya nitong ngayon ay butas na at wala nang laman! Hinayang na hinayang siya sa laman nito lalo pa at halos mapupuno na nila ang naturang alkansya na inilalaan pa man din sana nila para pambili sa bisikletang matagal nang hinihingi ni Onyok sa kanila.

“Sabihin mo, anak, tinatakot ka ba ng mga kalaro mo kaya mo ibinigay? Hindi ba at sinabi ko sa ’yo na huwag kang magpapaapi sa mga b*lly? Bakit ngayon ay ibinigay mo pa sa kanila ang pambili mo ng bike?” paulit-ulit pang tanong niya sa anak na ngayon ay pumapalahaw naman sa pag-aakalang mali ang kaniyang ginawa.

“Sorry po, mommy, pero sabi n’yo po kasi sa akin noon ay huwag akong magdadalawang isip na tumulong sa mga totoong nangangailangan. E, mommy, kailangan po kasi nina Jacob ng pera, kasi po nagkasakit po ang mommy niya at dinala sa ospital, tapos ay wala po silang pambayad,” umiiyak pang paliwanag sa kaniya ng anak na si Onyok sabay yakap sa kaniya. “Sorry po, mommy, kung bad po ang ginawa ko!”

Bigla namang natulala si Aling Mariana sa sinabi ng anak. Nagkatinginan din sila ng asawa niyang noon ay kararating lamang sa sala mula sa pagluluto nito sa kusina. Hindi alam ng mag-asawa kung maiiyak ba sila o matutuwa sa narinig mula sa anak. Hindi nila akalaing lumaking ganito kabuti ang anak nilang si Onyok, dahil tinatandaan nito ang mga turo nilang dalawa!

“T-totoo ba ang sinabi mo, anak? May sakit ang mama ni Jacob at nasa ospital ito kaya ibinigay mo sa kanya ang laman ng alkansya mo?” paninigurado pa ni Aling Mariana sa anak na si Onyok na agad naman nitong tinanguan.

“Opo, mommy. Nakakaawa po kasi sila, e. Pasko na po mamaya, hindi ba? Hindi po kasi makakalabas ng hospital ang mama niya kapag hindi sila nagbayad. ’Di ba po, sabi ni daddy, kapag family, dapat magkakasama sa Pasko?” sagot pa sa kaniya ni Onyok.

Nabagbag ang damdamin ng mag-asawa. Nayakap nilang bigla ang kanilang anak sa sobrang tuwa. Dahil doon ay agad nila itong niyayang lumabas. Kahit maraming tao ay nakipagsiksikan sila sa grocery store upang makapag-last minute shopping ng mga pang-Noche Buena—hindi para sa kanilang pamilya, kundi para sa pamilya ng kalaro ni Onyok.

Pinuntahan nila ang bahay ng batang si Jacob na itinuturing palang matalik na kaibigan ng anak nila, at doon ay naabutan nilang kadarating lamang din pala ng ina nito. Salamat sa laman ng alkansiya ni Jacob at nagawa nitong bayaran ang bill sa ospital upang makalabas ang naturang ina!

“Kayo po ba ang mga magulang ni Onyok?” tanong ng ina ni Jacob sa kinakabahang tinig. Tumango naman si Aling Mariana, at ganoon na lang ang kanilang gulat nang bigla itong umiyak.

“Pasensiya na po kung hiniram ng anak ko ang perang inipon ni Onyok. Talagang gusto lang nila akong makasama ngayong Pasko. Babayaran ko na lang po iyon—” Ngunit bago pa man matapos nito ang sasabihin ay pinutol na ’yon ni Aling Mariana.

“Naku, hindi po kami narito para bawiin ang ipon ng anak namin. Gusto lang naming iabot ito—” Ibinigay nila ang dalawang kahon ng mga grocery na ipinamili nila kanina. “Maliit na tulong lamang po para may panghanda kayo ngayong Noche Buena. Marry Christmas po!” nakangiti pang sabi ni Aling Mariana sa naluluhang ina ni Jacob na labis naman ang pasasalamat sa kanila.

Hindi matatawaran ang tuwang nakikita nila sa mukha ng anak na si Onyok habang nakikita nito na masaya na ang kalaro nitong si Jacob ngayong Pasko. Kaya naman dahil doon ay lalo pa silang napursigeng tulungan ang pamilya nito na bilang kapalit ay pinagsilbihan sila at palaging nariyan sa tuwing nangangailangan din sila ng tulong.

Pinaaral ng mga magulang ni Onyok si Jacob hanggang sa magbinata ito at dahil doon ay lalong naging matibay ang pagkakaibigan ng dalawa. Hanggang sa sila ay magbinata na at magkaroon ng sariling pamilya ay patuloy na ipinasa ng dalawa ang kuwento ng kanilang pagtutulungan na madalas nagiging inspirasyon sa marami.

Advertisement