Inday TrendingInday Trending
Imbes na Intindihin ang Pamilya ay Lulong ang Lalaking Ito sa Bilyaran; Sa Pagkawala Niya’y Magiging mas Maayos Kaya ang Kanilang Lagay?

Imbes na Intindihin ang Pamilya ay Lulong ang Lalaking Ito sa Bilyaran; Sa Pagkawala Niya’y Magiging mas Maayos Kaya ang Kanilang Lagay?

Mayroong apat na anak si Grace—isang manicurista at labandera. Ang asawa naman niyang si Tonyo ay nagtratrabaho sa pabrika, ngunit sakit na nito ang magbitiw sa trabaho sa tuwing nawawalan ito ng gana. Dalawang buwan lamang yata ang pinakamatagal na itinagal nito sa isang trabaho dahil sa bilyaran nauubos ang oras nito.

Ang panganay na si Jeah ay nangangarap na maging isang nurse simula noong siya’y nasa elementarya pa lamang. Nagsusumikap si Jeah na makatapos ng pag-aaral, para matulungan niya ang kaniyang nanay na hirap na sa pagalalabada. Nasa senior high school na si Jeah, at pinagsasabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho, upang kahit papaano ay makatulong siya sa gastusin sa kanilang bahay. Alam naman kasi niya na hindi nila maaasahan ang kanilang ama.

“Jeah, anak, p’wede bang utusan kita sa grocery store? Mamili ka ng kahit na kaunting panghanda natin para sa Noche Buena. Kumita naman ako kahit papaano sa labada ko ngayon,” nang araw na iyon ay utos ni Grace sa anak na agad naman nitong tinalima.

Dahil siksikan ngayon sa mga pamilihan ay inabot si Jeah ng isang oras sa pamimili pa lamang ng mga nakalista sa listahang ipinadala ng kaniyang ina, pagkatapos ay napakahaba pa ng pila sa mga counter. Siguradong aabutin ng gabi si Jeah dahil sa dami ng mamimili ngayon.

Matiyaga siyang nakatayo sa mahabang pilang iyon nang biglang tumunog ang telepono niya. Nag-text pala ang kaniyang ama.

“Anong oras na, hindi ka pa umuuwi! Gawain ba ng matinong dalaga ’yan, ha?!” sabi sa kaniya ng ama na nagpakunot naman sa noo ni Jeah.

“Inuutusan po ako ni mama. Mahaba po kasi ang pila rito kaya natatagalan ako,” paliwanag naman niya, bagama’t mabilis na umakyat ang inis niya. Alam kasi niya na kaya nagkakaganito ito ay dahil wala itong mautusan sa bahay dahil wala siya.

“Ang aga-aga mong umalis, ’tapos hangang ngayon wala ka pa? Baka naman nakikipagkita ka sa boyfriend mo? Kunwari ka pa. Manang-mana ka sa nanay mo!” sabi pa nito na hindi na lamang pinansin pa ni Jeah.

Ngunit sa kaniyang pag-uwi sa bahay ay isang malakas na sampal mula sa ama ang natanggap niya pagpasok niya pa lang sa kanilang bahay. “ Ganitong oras ba ang uwi ng matinong babae?” bungad ni Tonyo sa kaniya. “Tingnan mo at wala pang sinaing!”

“E, bakit po hindi na lang kayo ang mag-saing? Wala naman po kayong ginagawa,” sagot ni Jeah sa ama. Hindi na kasi niya napigilan pa ang damdamin dahil halos buong buhay na lamang niya ay ganito sila tratuhin nito.

“Ang galing mo nang sumagot!” Binigyang muli ni Tonyo ng malakas na sampal si Jeah at iyon naman ang senaryong inabutan ng kaniyang inang noon ay kararating lamang ng bahay galing sa pagbili sa tindahan.

“Ano’ng ginagawa mo sa anak ko?! Ako na ang magsasaing kung iyon ang kinagagalit mo!” Agad siyang dinaluhan ng ina.

“Isa ka pa, e! Kaya natututo ’yang mga anak mo na sagutin ako, dahil kinukunsinti mo!” Dinuro-duro ni Tonyo ang sentido ni Grace at sinabunutan niya ito. Ngunit kung akala ni Tonyo na tulad ng dati ay palalampasin lamang ito ng kaniyang asawa ay nagkakamali siya. Mabilis itong nakakuha ng panghataw at agad na inihampas sa kaniya!

Hindi na kaya ni Grace ang ginagawa ni Tonyo sa kaniyang mga anak. Kaya’t napagdesisyunan din niya noong gabing iyon na iwan si Tonyo.

“Saan kayo pupunta? Iiwanan niyo ako? Sige, umalis na kayo! Tingnan natin kung makakaya ninyong mabuhay na wala ako!” nagmamalaki pang sabi ni Tonyo habang pinagtatabuyang paalis ang kaniyang pamilya. Malaki ang tiwala niya na hindi nila kakayaning wala siya sa piling nila…ngunit doon nagkakamali si Tonyo.

Dahil nang mawala siya sa piling nila ay tila nawala rin ang pabigat sa buhay ng mga ito. Nakahanap ng magandang trabaho si Jeah at naging iskolar pa ang mga kapatid niya habang si Grace naman ay nakapagtayo ng maliit na negosyong unti-unti ring lumago.

Samantalang si Tonyo, dahil sa kaniyang katamaran ay halos wala nang gustong tumanggap pang trabaho. Ngayon ay nagugutom na siya at halos walang makain kung hindi pa lilimusan ng ilang mga kaanak niya. Ni hindi na siya makabalik pa kina Grace at sa kaniyang pamilya dahil ayaw na siyang tanggapin pa ng mga ito. Doon niya napagtantong pabigat nga lamang siya sa kanila, ngunit huli na para magsisi pa siya. Tuluyan na siyang itinakwil ng kaniyang pamilya!

Advertisement