Inday TrendingInday Trending
Nagtaka Siya nang Malamang Hindi Kumakain sa Klase ang Kaniyang Anak; Ikinataba ng Puso Niya ang Dahilan Nito

Nagtaka Siya nang Malamang Hindi Kumakain sa Klase ang Kaniyang Anak; Ikinataba ng Puso Niya ang Dahilan Nito

Katulad ng ibang ilaw ng tahanan, walang ibang hinangad ang ginang na si Melly kung hindi mapasaya ang kaniyang anak. Mag-isa man niyang tinutugunan ang lahat ng pangangailangan nito sa pamamagitan ng pagtatrabaho niya sa isang pabrika, lahat ay ginagawa niya upang maibigay niya ang mga gusto ng isang tipikal na bata kahit ni minsan, hindi ito humiling sa kaniya ng kahit na ano.

Tuwing galing siyang trabaho at mapapadaan siya sa bangketa, palagi niya itong binibilhan ng mga laruan katulad ng kotse, yoyo, bola ng basketball at kung anu-ano pang laruan na makakapagpasaya rito. Minsan naman, kapag napapansin niyang panay laruan na ang nabibili niya rito, damit na pang-alis naman o kaya’y matatamis na pagkain gaya ng tsokolate at kendi ang pinapasalubong niya rito.

Ayos lang sa kaniyang maglakad siyang pauwi at mapudpod ang kaniyang sapatos basta’t may pasalubong lang siya sa anak niyang kinakaawaan niya dahil lumalaking walang ama at may mahirap na buhay.

Sa katunayan, kung ang mga batang nasa ikatlong baitang sa elementarya ay nagbabaon lang ng mga biscuit o kung ano pang pagkain sa klase, binibigyan niya ng trenta pesos ang kaniyang anak para hindi nito maramdamang gipit na ang bulsa niya at siya’y naghihirap sa trabaho.

Lagi niya pang sabi rito, “Bilhin mo lahat ng gusto mo sa paaralan, anak, ha? At kapag may gusto ka pa, sabihin mo lang kay mommy, okay?”

Kaya lang, isang araw, matapos ang pagpupulong ng mga magulang sa klaseng kinabibilangan ng kaniyang anak, nagulat siya nang lapitan siya ng guro nito. “Madam, pupwede ko po ba kayong makausap?” tanong nito na agad niyang kinakaba.

“Ay, opo naman, teacher! May problema po ba sa anak ko? Pasensya na po, ha, hindi ko po kasi ‘yan masyadong nagagabayan tuwing may klase kayo dahil nagtatrabaho ako. Kung ano man po ang nagawa niya…” pagpapaliwanag niya na agad naman nitong pinutol.

“Hindi po sa ganoon, madam, wala po siyang ginagawang mali sa klase ko,” sagot nito.

“Ah, eh, bakit niyo po ako gustong makausap?” pang-uusisa niya.

“Napansin ko lang po kasi na tuwing oras ng breaktime namin sa klase, hindi kumakain ang anak niyo. Tinatanong ko siya kung wala siyang baon pero ang palagi niyang sabi, mayroon naman po. Nagtataka lang po ako bakit hindi siya kumakain. May problema po ba sa bahay niyo?” kwento nito na labis niyang ikinapag-alala.

“Wala naman po, teacher. Sige po, ako na pong bahalang magtanong sa anak ko kung ano pong dahilan niya,” sambit niya sa guro na sinang-ayunan naman nito.

Habang nasa daan siya pauwi, hindi niya maiwasang mag-isip ng mga maaaring dahilan ng kaniyang anak kung bakit hindi ito kumakain.

“May pera naman siya, bakit hindi siya bumibili ng pagkain niya? Hindi kaya nalulungkot na ang anak ko dahil wala siyang ama? Hindi na ba siya masaya sa pag-aalaga ko? Naku, huwag naman sana!” mangiyakngiyak niyang sabi.

Bago pumasok sa kanilang bahay, agad niyang pinunasan ang kaniyang luha. Pagkabukas na pagkabukas niya ng pintuan, anak niyang ngiting-ngiti ang sumalubong sa kaniya dahilan para mayakap niya ito nang mahigpit.

Pagkayakap niya rito, napansin niya ang isang kahong hawak nito sa likuran.

“Ano ‘yang hawak mo, anak?” tanong niya rito.

“Nakita ko po kasing pudpod na at malapit nang masira ang sapatos mo, mommy. Kaya naisipan ko pong mag-ipon para may bago kang sapatos. Lahat po kasi binibigay mo sa akin kahit hindi ko hilingin kaya bilang kapalit, gagawin ko po ang lahat kahit hindi mo sabihin sa akin,” sabi pa nito saka agad na hinubad ang kaniyang sapatos at isinuot sa kaniya ang bagong sapatos.

“Alam kong nahihirapan ka po, mommy, sa pagtatrabaho at pag-aalaga sa akin. Salamat po, ha? Kahit wala po akong daddy, pakiramdam ko, kumpleto pa rin po ang pamilya ko,” dagdag pa nito na lalong nagpatulo sa kaniyang luha. Wala nang ibang lumabas sa bibig niya noon kung hindi mga hikbi at katagang, “Salamat, anak ko,” habang yakap-yakap niya ito.

Pagkatapos ng iyakan nilang iyon, sa unang pagkakataon, humiling sa kaniya ang anak niyang ito.

“Sana po, mommy, huwag niyo na po akong bilhan ng pasalubong araw-araw. Ipunin niyo na lang po ang perang ginagastos niyo o kaya sumakay po kayo ng jeep pauwi. Wala na po akong ibang kailangan kung hindi ang makauwi ka po nang ligtas,” wika nito dahilan para labis niyang napagtanto kung gaano siya kaswerte sa anak niyang ito.

Bilang kapalit, hiniling niya rin dito na kumain na sa klase at mag-aral nang mabuti na pinangako naman nitong gagawin.

Advertisement