Inday TrendingInday Trending
Nagpaparinig Siya sa mga Magulang na Selpon ang Gusto Niyang Regalo sa Pasko; Nabuksan ng Isang Pangyayari ang Bulag Niyang mga Mata

Nagpaparinig Siya sa mga Magulang na Selpon ang Gusto Niyang Regalo sa Pasko; Nabuksan ng Isang Pangyayari ang Bulag Niyang mga Mata

Kung karamihan ng mga solong anak ay nakukuha ang lahat ng kailangan at luho nila, iba ang nararanasan ng dalagang si Niña dahil sa kinakaharap na kahirapan ng kaniyang mga magulang simula pa lamang nang isilang siya.

Sa katunayan, aksidente lang naman talaga ang pagkakabuo sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Aminado naman ang mga ito na ayaw nilang magkaanak muna dahil nga sa hirap ng buhay na dinaranas nila. Ngunit dahil nga nagsasama na rin ang kaniyang mga magulang noon sa iisang bahay, hindi naiwasan ang pagkabuo sa kaniya na tila ba mas nakadagdag sa problema nila sa gastusin.

Noong pinanganak nga siya, wala siya ni anong gamit. Ang mga baberong suot niya noon ay mula lang sa mga lumang damit ng kaniyang ama na tinahi ng kaniyang ina. May pagkakataon pang kapag walang gatas na lumalabas sa kaniyang ina, sabaw ng sinaing ang pinapainom sa kaniya nito para lang may mailaman sa kaniyang tiyan.

Habang siya’y nagkakaedad, natututo na siyang humingi at magturo ng mga laruan dito, pero ni isa sa mga hiling niya, kahit magpa-Pasko, walang tinupad ang mga ito. Palaging paliwanag ng mga ito sa kaniya, “Pasensya ka na, anak, kulang ang pera natin. Hayaan mo, darating din ang araw na mabibili natin ang mga gusto mo,” na talagang nasaulo na niya dahil sa paulit-ulit na pagsasabi ng mga linyang ito sa kaniya.

Kaya naman ngayong dalaga na siya at pakiramdam niya’y bahagya nang umangat ang buhay nila dahil kung dati’y namamasura lang ang kaniyang mga magulang, ngayon ay nagtitinda na ng tuhog-tuhog at ilan pang pantawid gutom na pagkain ang mga ito, panay na muli ang pagpaparinig niya sa mga ito tungkol sa pinapangarap niyang selpon.

“Sana sa Pasko, may magregalo na sa akin ng selpon! Ang tanda-tanda ko na, hindi pa ako nakakahawak ng selpon sa tanang buhay ko!” parinig niya sa ama nang makita niya itong naglilinis ng mga tuhog-tuhog na ititinda.

“Magkano ba ‘yong selpon na gusto mo, anak? Susubukan naming bilhin ng nanay mo,” pang-uusisa ng kaniyang ama.

“Talaga po, tatay? Mabuti naman po at naisipan niyo na akong ibili! Ang hirap kayang mag-aral nang walang ginagamit na selpon! Kaso lang po, tatay, nasa sampung libo po ‘yong gusto kong selpon,” sambit niya pa rito dahilan para mapakamot ito ng ulo.

“Malaki-laki pala ang presyo, ano?” sabi nito sa kaniya.

“Opo, tatay, huwag mong sabihing hihindian mo na naman ako, ha! Nasabi mo nang ibibili mo ako ng selpon!” wika niya rito.

“Oo, anak, susubukan natin ‘yang bilhin bago mag-Pasko,” nakangiting sabi nito.

“Sige po, tatay! Aasahan ko po kayo, ha!” tuwang-tuwa niyang wika habang nagtatatalon-talon pa.

Kinabukasan, habang siya’y naglalakad patungo sa pinapasukan niyang paaralan, iniisip niya na kung anu-ano ang pupwede niyang gawin sa selpong malapit na niyang makamit.

Ngunit maya maya, napansin niyang nakikipagtalo ang kaniyang ama sa isang awtoridad na gustong isakay sa trak ang sidecar ng ama na naglalaman ng kanilang mga paninda.

Rinig na rinig niya kung paano magkaawa ang kaniyang ama kahit siya’y nasa kabilang banda ng kalsada.

“Sir! Pakiusap naman, huwag niyo pong kuhanin ang pangkabuhayan namin! Ang tagal-tagal na naming nagtitinda rito, ngayon niyo pa kami huhulin kung kailan malapit nang mag-Pasko! Kailangan ko pa pong bilhan ng selpon ang anak ko!” hikbi nito.

Ngunit imbes na pakinggan ng awtoridad, sapilitan pang hinatak ang kanilang sidecar na dali-daling sinakay sa isang nag-aabang na trak. Kitang-kita niya rin kung paano ito pagbuhatan ng kamay ng naturang awtoridad na labis na dumurog sa puso niya.

“Luho lang ng anak mo ang selpon! Tumahimik ka na riyan bago pa kita paputukan ah!” sigaw pa nito na talagang tumagos sa puso niya.

Habang naglalakad siya patungo sa kaniyang mga magulang na wala nang nagawa kung hindi maiyak na lang, napagtanto niyang wala pala talaga siyang karapatan maghangad ng mga ganoong bagay sa estado ng kanilang buhay.

“Habang hiling ako nang hiling sa kanila, ganito pala ang nararanasan nilang hirap sa kalsada,” mangiyakngiyak niyang sabi saka agad na niyakap ang umiiyak niyang mga magulang.

“Pasensya na, anak, mukhang hindi ka namin mabibilhan ng selpon bago mag-Pasko,” hikbi ng kaniyang ama.

“Ayos lang po, tatay, naiintindihan ko na po kayo ngayon… Naiintindihan ko na po…” tugon niya saka patuloy na niyakap ang mga ito.

Simula nang insidenteng iyon, imbes na humiling at magparinig siya sa kaniyang mga magulang na tugunan ang mga luho niya, naisipan na niyang gumalaw mag-isa upang sabay na mabili ang gusto niya at matulungan ang kaniyang mga magulang.

Siya’y nagtinda ng kung anu-anong pagkain sa kanilang klase at lahat ng kita niya’y hinahati niya para sa pambili niya ng selpon at pandagdag sa puhunan ng kaniyang mga magulang.

Sa ganoong paraan, limang buwan lang ang nagdaan, nakabili na rin siya ng sarili niyang selpon. Mumurahin man ito at hindi katulad ng gusto niyang selpon, natutuhan na niyang makuntento rito. Alam niyang kung ipagpapatuloy niya ang pagiging masipag at madiskarte sa buhay, higit pa sa pinapangarap niyang selpon ang makakamtan niya.

Advertisement