Walang Oras sa Pamilya ang Ginoong Abala Lagi sa Trabaho; Isang Malaking Aral ang Kaniyang Matututuhan
“Glen, tinatanong ng mga bata kung sasama ka raw ba sa bakasyon sa mga lolo at lola nila sa probinsya. Ilang taon ka nang nangangako na dadalhin mo sila sa burol kung saan ka naglalaro noong kabataan mo. Pagbigyan mo naman ang mga anak natin,” pakiusap ni Melanie sa kaniyang mister.
Subalit abalang-abala ang ginoo at hindi man lang makatingin nang diretso sa kaniyang misis.
“Glen, nakikinig ka ba? Kanina pa ako salita nang salita rito pero parang hindi mo naman pinakikinggan ang mga sinasabi ko. Sasama ka ba sa amin ng mga bata o maiiwan ka na naman rito para magpakasubsob diyan sa trabaho mo?” naiinis nang sambit ni Melanie.
“Hanggang ngayon ba ay pagtatalunan na naman natin ito, Melanie? Alam n’yo naman kung gaano ako kaabala sa trabaho ko. Hindi ko naman ginagawa ang lahat ng ito para sa akin lang. Nagpapakapagod ako sa trabaho para mabigyan kayo ng marangyang buhay! Kaya huwag n’yong maisumbat-sumbat sa akin na lagi na lang akong abala sa trabaho!” galit na sagot naman ni Glen.
“Hindi mo ginagawa ang lahat ng ito para sa amin, Glen. Alam naman nating ginagawa mo ang lahat ng ito para tingalain ka ng marami. Para maungusan mo ang mga kaibigan mo! Kung para sa amin ito’y matagal na panahon ka nang tumigil dahil lahat naman ay nasa atin na! Hindi namin kailangan ng karangyaan, Glen, ikaw ang kailangan ng mga anak mo!” dagdag pa ng ginang.
Masama ang loob ni Melanie na umalis ng opisina ng kaniyang asawa. Bumalik na lang siya sa kanilang silid upang ayusin ang gamit ng mga bata.
Hatinggabi na at naroon pa rin si Glen sa kaniyang opisina at walang tigil sa pagtatrabaho. Labis din ang inis niya dahil sa sinabi ng kaniyang asawa.
“Nasasabi lang n’ya ang mga bagay na ‘yun dahil nabibigyan ko na sila ng marangyang buhay. Kung hindi naman ako nagdadala ng pera sa pamamahay na ito’y baka aligaga rin siya na pagtrababuhin ako!” wika ni Glen sa asawa.
Tila wala talaga siyang balak na makipag-ayos sa kaniyang misis. Hahayaan na lang niyang umalis ito kasama ang mga anak para magbakasyon sa probinsya kung saan siya lumaki.
Alas tres na nang madaling araw at bumabagsak na ang mga mata ni Glen sa pagtatrabaho. Ilang araw na rin kasi siyang walang sapat na tulog at hindi nakakakain nang maayos. Nais kasi niyang matapos ang kaniyang proyekto bago ang deadline.
Sandali niyang inunat ang kaniyang likod at isinandal ang kaniyang ulo.
Ilang sandali lang ay nagising na siya. Ngunit laking pagtataka niya nang makita ang kaniyang sarili na nakatayo at nasa harap niya ang mga umiiyak na anak at asawa. Takang taka siya kung ano ang iniiyakan ng mga ito.
Tawag siya nang tawag sa kanila ngunit hindi siya nililingon ng mga ito. Hanggang sa lapitan niya ang kaniyang mag-iina’y nakita na lamang niyang iniiyakan nito ang kanyang katawang wala nang buhay.
“‘Mommy, hindi na po ba babalik sa atin si daddy?” tanong ng bunsong anak.
“Bakit hindi na po siya gumagalaw, mommy? Wala na po ba si daddy?’ tanong naman ng panganay.
Hindi alam ni Melanie kung paano sasagutin ang mga anak.
“Sa tingin ko ay inatake sa puso ang daddy ninyo dahil sa labis na pagod. Mga anak, narito pa naman ako. Hinding hindi ko kayo pababayaan. Gagawin ko ang lahat para manatili sa tabi ninyo. Pangako ko ‘yan!” wika naman ni Melanie.
Awang-awa si Glen sa kaniyang mag-iina. Labis ang pagkataranta niya ngayong nalaman na niyang wala na siya.
“Hindi pa ako handa! Hindi ito maaari! Diyos ko, ibibigay ko ang lahat ng yaman ko buhayin N’yo lang ako ulit!” pagsusumamo ni Glen.
Sumagot naman sa kaniya ang Panginoon.
“Iisa lang ang buhay na ibinigay ko sa iyo, Glen. Sana ay ginamit mo nang maayos,” wika ng Diyos.
“Pero ginawa ko naman ang lahat ng ito para sa kanila. Nagpakapagod ako sa trabaho para kahit kailan ay hindi sila maghirap. Bata pa ang mga anak ko! Kailangan nila ako!” muli niyang pagtangis.
Ngunit hindi na sumagot pa ang Panginoon.
Sa pagmamasid ni Glen sa kaniyang mag-iina ay hindi niya maiwasan ang makaramdam ng sobrang panghihinayang.
Ngayon niya napagmasdan na madalas siyang wala sa mga larawan dahil nga abala siya sa trabaho. Ni hindi man lang niya naipapasyal ang kaniyang mag-iina. Hindi man lang siya nagtagal sa mga pagdiriwang ng kanilang kaarawan. Dito niya napagtanto na hindi pala sagot ang pera o anumang karangyaan.
“Oras ang pinakamahalaga sa buhay ng tao. At hindi ko man lang nabigyan ng panahon ang pinakamahalaga sa akin! Patawarin ninyo ako mga anak! Patawarin mo ako, Melanie! Kung kaya ko lang ibalik ang lahat ay paglalaanan ko na kayo ng oras. Mananatili ako sa tabi ninyo hanggang kaya ko,” saad pa ni Glen.
Maya-maya ay narinig na lang niya ang tinig ni Melanie na tinatawag ang kaniyang pangalan.
“Glen! Glen, gumising ka! Mahal ko, gumising ka! Bakit ka umiiyak?” wika ng misis.
Nagising si Glen at nang makita niya sa kaniyang harapan si Melanie ay niyakap niya ito agad.
“Mabuti na lang at panaginip lang ang lahat! Patawarin mo ako, Melanie. Patawarin n’yo ako ng mga bata!” saad pa ng mister.
“Mukhang masama ang panaginip mo, Glen. Ano ba ang nangyari? Mabuti na lang at napadaan ako dito sa opisina mo. Narinig kitang umiiyak kaya ginising kita agad,” pahayag pa ni Melanie.
“Isang matinding aral ang ipinakita sa akin ng Panginoon. Simula sa araw na ito, Melanie, ay kayo na ng mga bata ang prayoridad ko. Pangako ko sa inyong lagi na akong nariyan sa mga mahahalagang sandali. Hindi ko na aaksayahin ang oras ko sa pagpapakasubsob sa trabaho. Ihanda mo rin ang gamit ko at sasama na rin ako sa inyo sa bakasyon sa probinsya,” wika pa ni Glen.
“Totoo ba ‘yang sinasabi mo, Glen? Tiyak akong matutuwa ang mga bata. Matutuwa rin ang mga magulang mo na sa wakas ay makikita ka na rin nila. Hindi mo alam kung gaano mo ako pinasaya.”
Mula noon ay malaki na ang pinagbago ni Glen sa pakikitungo niya sa kaniyang pamilya. Dahil sa panaginip na iyon ay nagbago na rin ang kaniyang pananaw. Ngayon ay mas pinaglalaanan na niya ng panahon ang kaniyang pamilya kaysa sa kaniyang trabaho.
Kung sabagay, sila naman talaga ang dahilan kung bakit siya nagnanais ng magandang buhay.