Inday TrendingInday Trending
Palagi Silang Walang Panahon sa Anak Dahil sa Pagkawili sa Kanilang mga Selpon; Mapagtatanto Nila ang Kamalian dahil sa Isang Sulatin

Palagi Silang Walang Panahon sa Anak Dahil sa Pagkawili sa Kanilang mga Selpon; Mapagtatanto Nila ang Kamalian dahil sa Isang Sulatin

Napipigilang lumapit ang batang si Paul sa kaniyang ina dahil abala ito sa pakikipag-usap sa kaniyang selpon. Habang ang kaniyang ama naman ay abala rin na tinatapos ang paboritong laro nito sa kaniyang smart phone.

“Mama, may gusto lang po akong ipakita sa inyo,” saad ng bata.

“Sandali lang, Paul, at nakita mong may kausap pa ako. Mamaya mo na ipakita sa akin ‘yang papel na ‘yan.” inis na sagot ng inang si Loraine.

Nagtungo naman si Paul sa kaniyang ama ngunit ayaw rin siya nitong pansinin.

“Mamaya na, Paul, at mahal ang bili ko sa larong ito. Kung matatalo lang ako ay masasayang lang ang lahat!” sambit naman ng amang si Rodel.

Kaya naman walang magawa si Paul kung hindi bumalik na lang ng kaniyang silid.

Pitong taon pa lang itong si Paul at nasa ikalawang baitang. Nag-iisang anak kaya naman kung iisipin ay nakukuha dapat niya ang lahat ng kaniyang gustuhin. Ngunit malaking kaibahan ito sa tunay na buhay dahil palaging walang panahon sa kaniya ang mga magulang.

Kinabukasan ay buong araw naghintay si Paul upang ibigay ang sulat sa kaniyang mga magulang mula sa kaniyang guro. Ngunit dahil abala pa ang kaniyang mga magulang sa kani-kanilang mga selpon ay inilapag na lang niya ang sulat sa mesa sa kanilang silid.

Gabi na nang mapansin ito ni Loraine. Patulog na si Paul nang puntahan siya ng ina sa silid nito upang kausapin.

“Paul, bakit ako pinatatawag ng guro mo? Ano na naman ang ginawa mo?” galit na tanong ni Loraine sa anak.

“Hindi ko po alam, mama. Basta po ang sabi ng guro ko ay ibigay ko raw po iyan sa inyo,” nakayukong tugon naman ng bata.

“Pagod na pagod na kami ng papa mo sa kakatrabaho. Hindi na nga namin alam kung saan isisingit ang ilang gawain tapos ay may hindi ka pa magandang ginawa sa eskwela. Hindi naman ako ipapatawag ng guro mo kung maayos ka sa paaralan! Sabihin mo na sa akin ngayon pa lang kung ano ang ginawa mong bata ka!” sigaw pa ng ina.

“Mama, hindi ko po talaga alam. Pumunta na lang po kayo bukas sa paaralan para po kausapin kayo ni teacher,” naiiyak na wika pa ni Paul.

Halos hindi makatulog sa labis na inis itong si Loraine. Hindi siya makapaniwala na ipinapatawag siya ng guro ng anak.

Habang naglalaro sa kaniyang selpon itong si Rodel ay napansin niyang balisa ang kaniyang misis.

“Ano na naman ang nangyari? Bakit mo sinisigawan ang anak natin?” tanong ng mister.

“Paano ba nama’y pinapatawag ako ng guro niya sa eskwela. Kailangan raw ako makausap bukas. Ayaw naman magsalita niyang si Paul kung ano ang ginawa niya para alam ko kung ano ang idadahilan ko sa guro niya! Buong akala ko ay nag-aaral nang maayos ang batang ‘yan!” inis na inis si Loraine.

Kinabukasan ay hindi kinikibo ng ginang ang kaniyang anak. Naiinis pa rin siya dahil hindi nito sinasabi sa kaniya ang dahilan kung bakit siya pinapatawag ng guro. Ngunit pati rin naman si Paul ay hindi alam kung ano ba ang dahilan.

Nang makarating sa paaralan ay diretso na si Paul sa silid-aralan. Habang si Loraine naman ay nagtungo sa tanggapan ng guro.

“Magandang araw po, Ginang Reyes, ako po ang ina ni Paul Sarmiento. Ipinapatawag n’yo raw po ako para makausap?” saad pa ng ginang.

“Ikinagagalak ko po kayong makita ngayon rito, misis. Mabuti naman po at pinaunlakan niyo ang paanyaya ko,” sagot naman ng guro.

“Ano po ba ang nagawa ni Paul? Hayaan n’yo at pagsasabihan ko po siya,” muling saad ni Loraine.

“Naku, misis, nagkakamali po kayo. Mabuting bata ‘yang si Paul. Sa katunayan nga po ay nangunguna siya sa klase. Hindi n’yo po ba nakita ang report card niya? Sa totoo lang misis kaya ko po kayo pinapunta rito ay dahil may nais po akong ipabasa sa inyo. Nagkaroon po kasi kami ng isang gawain noong isang araw at ang paksa po ay kung ano ang nais maging ng mga bata. Nagulat po kasi ako sa sagot ng anak ninyo. Kayo na po ang bumasa,” wika pa ni Ginang Reyes.

Iniabot ng guro ang papel kay Loraine at saka niya ito binasa.

Kung mabibigyan ako ng pagkakataon ay nais kong maging isang smartphone. Walang nang hihigit pa sa pagnanais ng mga magulang ko sa kanilang mga selpon kahit pa ako na kaisa-isang anak nila ay hindi maaaring ikumpara sa labis na pagkagusto nila dito.

Labis nilang pinaka-iingatan ang kanilang mga selpon. Nagagalit sila sa akin kung ginagalaw ko ito, nababagsak o hindi naman kaya ay hinawakan ko ito nang marumi ang aking kamay.

Si papa, pagkagaling niya sa trabaho ay pagod na pagod siya. Pero imbes na magpahinga o makipaglaro sa akin ay nilalaro niya ang kaniyang smartphone. Ganoon din si mama. Madalas ay may nais kong sabihin sa kaniya pero lagi niyang sinasabi na mamaya na lang dahil abala pa siya sa pakikipag-usap sa kaniyang selpon. Noong isang araw nga ay hindi man lang niya tiningnan ang report card ko nang nakita sana niya na nangunguna ako sa klase.

Sa tuwing kailangan ko sila’y kailangan ko pang hintayin ang panahon na wala silang ginagawa samantalang isang tunog lang ng kanilang selpon ay nagmamadali pa silang tingnan ito.

Noong nakaraang linggo ay nagpunta kami sa isang hotel. Bakasyon raw ito para sa aming pamilya at nang mabigyan naman nila ako ng panahon. Ngunit sa kabuuan ng bakasyon na iyon ay abala pa rin sila sa kanilang selpon. Abala sa pagkuha ng litrato, sa pagpo-post sa social media at sa pagsagot sa mga komento. Bandang huli’y pakriamdam ko’y nag-iisa na naman ako.

Kaya kung maaari ay maging isang smartphone na lang din ako. Nang sa gayon ay hawak ko ang oras ng mga magulang ko. Ako ang prayoridad nila at sa akin lang sila nakatuon. Siguro’y mararamdaman ko rin ang tunay nilang pagmamahal sa akin na kaisa-isa nilang anak.

Matapos mabasa ni Loraine ang ginawang sulatin ng kaniyang anak ay hindi niya maiwasan ang maluha. Hindi niya akalain na ganito na pala ang nararamdaman ni Paul.

“Misis, nag-aalala ako sa inyong anak. Baka kasi nagkukulang na kayo ng panahon sa kaniya. Nauunawaan ko na pagod kayo sa trabaho at natatanggal ang inyong pagod sa tuwing nakaharap kayo sa inyong telepono. Ngunit nais ko ring ipaalala sa inyo na nakakawala rin naman ng pagod ang pakikisalamuha sa inyong anak. Sa ganoong paraan ay maipaparamdam n’yo rin sa kaniya ang pagmamahal at pagkalinga na kaniyang inaasam. Ang mga anak natin ang dapat nating minamahal, hindi ang mga gamit, misis. Pagtuunan n’yo po ng pansin ang nag-iisa n’yong anak bago pa lumayo ang loob niya sa inyo,” saad pa ni Ginang Reyes.

Ikunwento ni Loraine sa kaniyang asawa ang sulat na ginawa ni Paul. Maging ito ay naantig ang damdamin at nakaramdam ng pagsisisi.

Humingi sina Loraine at Rodel sa kanilang anak ng kapatawaran. Nangako sila na babawasan na nila ang pagbababad sa kanilang mga selpon at mas maglalaan na ng oras sa kanilang anak. Mula noon ay naging masaya na si Paul dahil palagi na siyang inuuna ng kaniyang mga magulang.

Upang makabawi ay ipinasyal ng mag-asawa ang kanilang anak at ipinagdiwang nila ang pangunguna nito sa klase. Sa pagkakataong ito ay ginamit lang nila ang kanilang mga selpon upang kumuha ng litrato upang kanilang maging alaala.

Advertisement